Naipon ang tubig sa ilog at naging isang malaking alon. Unti-unting nagkahugis ang alon hanggang sa lumitaw ang isang nilalang. Kulay pilak ang makintab at maahaba nitong buhok. Nagniningning sa liwanag ang balat nitong nababalot ng gintong kaliskis. Nanlilisik ang mga mata na kasing-dilim ng gabi na pinukol nito ng masamang tingin ang dalagita.
"Sinabi ko na sa 'yong huwag mo akong iniistorbo sa 'king pagtulog," asik nito. "Anong kailangan mo at bigla mo akong tinawag?" tanong nitong nakasimangot.
"Pasensiya na, Barbie...." Nag-aalangang itinuro ni Ara ang mga insektong nasa buong paligid niya. Napaurong siya at nagtago sa likuran ni Berberoka.
"Hindi ba sinabi ko na sa 'yong huwag mo akong tatawagin sa kahindik-hindik na pangalang iyan!" galit nitong bulyaw.
Nanulis ang nguso ni Ara. "Puwede bang mamaya mo na ako sermunan. Unahin mo muna sila bago pa nila ako gawing hapunan." Natatarantang itinuro nito ang mga nag-aabang na kulisap.
Napaismid ang Berberoka. "Matigas kasi ang ulo mo, binalaan na kitang iwasan mo ang taong iyon, hindi ka nakinig sa 'kin. Tingnan mo ang nangyari," sermon pa nito bago binalingan ang mga kulisap na nag-uunahang umatake sa kanila.
Kaagad hinigop ni Berberoka ang tubig na nakapaligid sa kanila hanggang sa matuyo ang ilog. Malapad na ibinuka nito ang bunganga at saka binugahan ng tubig ang mga kulisap. Naging patalim ang bawat patak ng tubig na ibinuga nito na siyang humiwa sa mga insekto.
"The best ka talaga, Barbie!" sigaw ng tuwang-tuwang dalahita sabay thumbs up sa Espiritong Gabay nito.
"Huwag ka munang magbunyi. Hindi pa sila lubusang napupuksa kaya maging alisto ka," anito na muling ibinuka ang bunganga at humigop ng tubig.
Gumapang na parang uod sa ibabaw ng putikan ang mga kulisap at naipon sa isang malaking tipak ng bato. Unti-unti iyong nagkahugis, nahulma ang ulo at tumubo ang matulis nitong mga tainga, kasunod niyon ang mga kamay na may matatalas na kuko at paa. Makaraan ang ilang saglit ay tumubo ang mahabang buntot sa likuran nito. Matalas ang mga ngipin at nanlilisik ang mapupulang mata na nagngangalit nitong binalingan ang noon ay nahihintakutang dalagita.
Hindi nag-aksaya ng panahon, malakas na binugahan ng tubig ni Berberoka ang halimaw. Ngunit agad itong nakaiwas. Napinsala ang kalahati ng katawan nito ngunit mabilis din iyong tumubo.
"Barbie, anong gagawin natin?" tanong ni Ara na muling nagtago sa likuran ng Berberoka. "Anong klaseng halimaw ba 'yan? Paano natin tatalunin 'yan?"
"Anong klase kang Babaylan? Ngayon ka lang ba nakakita ng sigbin at hanggang ngayon ay hindi mo pa rin alam kung anong itsura nito?" ani Berberoka.
"Nagti-training pa lang ako," ani Ara.
Nanggigilalas namang nagpalipat-lipat ang tingin niya kay Ara at sa Berberoka. Nanatili siya sa kinatatayuan habang nakikinig sa usapan ng mga ito. Natutop niya ang bibig habang nanonood sa mga nangyayari. Kaya naman pala ang lakas ng loob ni Ara na kausapin nang ganoon si Sitan, isa pala itong Babaylan!
Natatandaan niya na tanging mga piling Babaylan lamang ang may kakayanan na makipag-isang diwa sa isang Espirito. Kung kayang tumawag ni Ara ng isang Espiritong Gabay, tiyak na malakas ang angkin nitong kapangyarihan.
Nabaling ang atensiyon niya sa kalaban nitong halimaw, ayon sa mga kuwento ng matatanda, alaga ng isang aswang ang sigbin. Kaya nitong magpalit-anyo tulad sa isang hunyango. Ninanakaw nito ang laman-loob ng mga taong patay na at dinadala sa panginoon nito.
Muling tumubo ang napinsalang bahagi ng katawan ng sigbin. Nagngangalit na pinatigas nito ang matatalas na kuko at muling umatake. Muli namang humigop ng tubig ang Berberoka at binugahan nito ang sigbin. Naglaban ang mga ito hanggang sa muling nagpang-abot ang kanilang mga kapangyarihan sa ere.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...