Chapter 33

6K 67 63
                                    

Isang malabong alaala ng nakaraan ang iglap na lumitaw sa isipan ni Fate. Isang pamilyar na eksena ang bigla na lang niyang naalala. Noong kabataan niya ay muntikan na siyang nalunod sa gitna ng dagat ngunit isang misteryosong nilalang ang dumating at sumagip sa kanya. Noong una, inakala niyang panaginip lamang ang lahat.

Ngunit hinanap niya pa rin ito upang pasalamatan. Hinalughog niya ang buong sulok ng Dapulo upang hanapin ang nilalang na may ginintuang kulay ng buhok, may marka ng sinaunang batok sa mukha at nagtataglay ng isang pares ng mga matang kasing-dilim ng gabi. Ngunit kailan man ay hindi na niya ito nakita pang muli. Lumipas ang panahon hanggang sa nakalimutan na niya ang tungkol sa nilalang na iyon.

Hindi niya lubos akalain na makita pa itong muli pagkatapos ng napakahabang panahon. Nang mga sandaling iyon ay hindi niya maiwasang mangilid ang mga luha sa magkabilang mata. Sa wakas ay natagpuan na rin niya ang nilalang na kay tagal niyang hinanap, ito ay walang iba kundi ang diyos ng Karagatan na si Amanikable.

Buong pagsuyong inilahad nito ang kanang kamay. Inabot niya iyon at dinama sa kanyang pisngi. Subalit tuluyan na siyang pinangapusan ng hininga. Kaagad siyang dinaluhan ni Amanikable at ikinulong sa mga bisig nito.

Tila tumigil ang pagdaloy ng oras gayundin ang pag-inog ng mundo sa kanilang paligid. Nag-angat siya ng tingin upang pagmasdan ang mukha nito. Ngayon lamang niya napagtanto kung bakit labis ang pagkagiliw niya noon kay Miguel. Inakala niya noon na ang lalaki ang nilalang na nagligtas sa kanya.

"Hindi ito isang panaginip, hindi ba? Buhay ka at babalik sa akin."

Marahang umiling si Amanikable. Hindi ito sumagot, bagkus ay kinintalan nito ng isang mabining halik ang kanyang noo. Masuyo nitong hinaplos ang kanyang buhok at niyakap siya ng mahigpit.

"Hintayin mo ako, Fate," bulong nito sa punong-tainga niya.

Banayad na umalingawngaw ang mga salitang iyon sa isipan ni Fate. Pagkatapos niyon ay bigla na lamang binalot ng liwanag ang buong paligid at naglaho ang lalaki sa kanyang harapan.

"Amanikable!" sigaw ni Fate nang maalimpungatan ng gising. Kaagad siyang napabalikwas ng bangon habang hinahabol ang kanyang paghinga. "Nasaan na ako? Nasaan na si Henry! Alam kong nandito ka lang kaya lumabas ka na!"

"Fate, huminahon ka lang. Nandito ka sa loob ng ospital," tugon ng pamilyar na tinig ng isang lalaki.

Nag-angat siya ng tingin at sinalubong siya nang nag-aalalang si David. Kaagad itong naupo sa ibabaw ng kama niya. Masuyong ginagap ng lalaki ang kanyang palad upang pakalmahin siya.

"Bakit ako nandito? Anong ginagawa ko sa lugar na ito? Nasaan na si Henry?" Naghihisterikal na sunod-sunod niyang tanong.

"Just relax, okay." Nakangiting alo ni David sa kanya.

"Kailangan kong bumalik sa dagat. Nakita ko si Henry." Tinangka niyang bumaba sa kama. Ngunit kaagad siyang pinigilan sa braso ng ngayon ay nag-aalalang si David.

"Hindi ka puwedeng umalis. Dito ka lang hanggang hindi ka pa magaling," anang lalaki.

"Okay lang ako. Wala akong sakit, kaya bakit mo ako pinipigilang umalis?" nakaasik niyang tanong.

"Ako ang dapat na nagtatanong sa 'yo ngayon. You almost died. Bakit mo ginawa iyon? Kaya mo ba ako inutusan na ikuha ka ng tubig kasi may balak ka palang magpakamatay? Bakit!" Tumigas ang kanina ay nag-aalalang ekspresiyon sa mukha ng lalaki. "Paano kung hindi ako nakabalik kaagad? Tiyak na pinaglalamayan ka na ngayon."

"Bakit, ikaw ba ang nagligtas sa akin?" tanong niya na bahagya nang kumalma ang pakiramdam.

"Huwag ako ang tanungin mo. Bakit mo ginawa 'yon!" Nagtatagis ang bagang na asik nito.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon