Chapter 19

6.3K 79 68
                                    

Lalo pang bumuhos ang ulan na sinamahan pa ng malakas na pagkulog at pagkidlat. Nais mang gamitin ni Henry ang kapangyarihan upang utusan ang tubig sa kanyang paligid ay hindi niya magawa. Halos nasaid na ang kanyang lakas at naabot na niya ang limitasyon ng kanyang katawan. Pinahid niya ang mga patak ng ulan sa mukha ni Fate at ganoon na lang ang panlulumo niya nang makitang naglaho pansumandali ang kanyang kanang kamay.

Ilang saglit na ikinurap-kurap niya ang mga mata at tinipon ang lahat ng natitira niyang lakas. Pinangko niya si Fate saka binuhat. Sa gitna ng pagbuhos ng malakas na ulan ay walang pakialam na tinahak niya ang daan pauwi.

Bukas ang bakal na gate. Bahagyang nakapinid ang pinto nang makauwi sila ng bahay. Pagpasok ni Henry ay kaagad na nahagip ng tingin niya si Ara. Kasalukuyan itong nasa sala at ginagamot ang walang malay na si David.

Nabakas ang pag-aalala sa mukha ng dalagita nang makita ang kalagayan nilang dalawa ni Fate. Mabilis siya nitong nilapitan upang alalayan. "Anong nangyari sa inyo? Bakit ganyan ang mga hitsura n'yo?" anitong hinagod ng tingin ang gula-gulanit niyang polo na nakatapis sa katawan ni Fate. "Kamusta siya?"

"Wala kang dapat na ipag-alala. Nawalan lang siya ng malay at nakatulog. Siya na lang ang asikasuhin mo." Inginuso niya ang nakahigang si David. "Ano na ang lagay niya?"

"Kaunting pasa sa mukha at bugbog sa katawan. Bukas na bukas ay magiging okay na rin siya," nakangiting tugon ni Ara.

"Nasaan na 'yong ibang tao rito sa bahay?" nagtatakang tanong ni Henry habang inililibot ang tingin sa paligid.

"Mamayang gabi pa ang uwi ni Ate Camille. Lumabas naman si Aling Milagros. Bibili raw siya ng gamot para kay David. Sigurado ka na hindi mo talaga kailangan ang tulong ko?"

Isang makahulugang ngiti lang ang itinugon ni Henry. Matapos magpaalam kay Ara ay umakyat na siya ng hagdanan habang pangko ang wala pa ring malay na si Fate.

Nang makapasok sa silid ay maingat niyang inilapag sa ibabaw ng kama ang dalaga. Tinanggal niya ang gula-gulanit na polo na tumatakip sa kahubdan nito at saka ito kinumutan. Napukaw ang kanyang interes nang mahagip ng kanyang tingin ang suot nitong kuwintas. Kaya marahil ay malakas ang loob nitong iharang ang sarili sa apoy ng babaylan at mangkukulam kanina ay dahil pinoprotektahan ito ng makapangyarihang Kasanaan.

Magiliw niya itong pinagmasdan bago hinawi ang mga hibla ng buhok na tumabing sa maganda nitong mukha.

Noon gumuhit ang isang tipid na ngiti sa mapupulang labi ni Fate na tila ba masaya itong nananaginip. Malungkot siyang napangiti nang maalala ang kanilang nakaraan. Noon ay madalas itong nakasimangot kapag magkasama silang dalawa. Bihira lang itong ngumiti sa kanya. Daig pa niya ang isang nakakahawang sakit na nais nitong iwasan sa tuwing sila ay nagkikita.

Naging palangiti at masayahin lamang ang dalaga noong nakilala nito si Miguel. Biglang nanikip sa sakit ang kanyang dibdib. Nasapo niya ang bahagi kung saan siya sinaksak ng babae.

Kung alam mo lang sana ang totoo na wala akong ibang hinangad kundi ang kaligtasan mo. Pinapili ako sa pagitan ninyong dalawa ni Miguel at ikaw ang pinili ko.

Nais sana niyang magpaliwanag pero huli na pala ang lahat. Hindi niya dapat itinago ang katotohanan kay Maganda. Inakala niyang mahaba ang panahong pagsasamahan nilang dalawa at makakalimutan din nito si Miguel sa paglipas ng panahon. Subalit nagkamali pala siya ng akala.

Masakit ang kaalamang mahal pa rin nito magpahanggang ngayon si Miguel. Ngunit higit ang sakit na makitang mawala ito sa kanya sa ikalawang pagkakataon. Hindi na niya hahayaang maulit ang nangyari noon.

Humigit ng isang malalim na buntong-hininga si Henry. Binuksan niya ang ilaw na katabi ng pinto. Kapagdaka ay inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng silid ni Fate.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon