Lubos na nasaktan ang damdamin niya sa mga ipinagtapat ni Maganda. Masakit isipin na sa kabila ng pagmamahal niya ay nais kitilin ng babae ang buhay niya. Nagdilim ang buong paningin niya at sa isang iglap ay sakal na niya ito sa leeg.
Unang pagkikita pa lang ay nahulog na ang loob niya kay Maganda. Labis niya itong minahal at inalagaan. Inalay niya ang buong sarili sa babae ngunit hindi nito nasuklian ang pag-ibig niya. Naging tau-tauhan siya nito at itinapong parang basahan nang makilala nito si Miguel.
Sa kabila ng mga pambabalewala nito sa kanya ay hindi niya magawang magalit, nanatili siyang tapat sa damdamin niya.
Hindi niya kasalanan ang pagkamatay ni Miguel ngunit hindi niya magawang itanggi na labis siyang nakahinga nang maluwag ng mawala ito. Naging asawa niya si Maganda at nagkaroon siya ng pagkakataong makasama ang babae.
Nasa kanya na ang lahat, buong akala niya ay habambuhay na silang magiging masaya ngunit nalaman nito ang tunay niyang katauhan at pinagtangkaan ang kanyang buhay. Nadurog ang puso niya.
Sinisi siya nito sa mga nangyari. Ninais nitong maghiganti at para pasakitan siya, nagpatiwakal ito sa harapan niya.
Sinisi niya ang sarili at nagdusa siya ng labis. Matapos ang limandaang taon ay muli niyang nakita si Maganda. Naisip niyang ito na ang pagkakataon upang itama ang mali at magsimulang muli. Ngunit nagkamali siya ng akala, hindi pa rin nito nakakalimutan si Miguel.
Maharil ay nababaliw na siya, kahit ano pang pagtataboy ang gawin ng babae sa kanya, hindi niya magawang itatwa ang kanyang nararamdaman. Kaya niyang tiisin ang lahat ng sakit ngunit ang hindi niya matitiis ay iwan siya nitong muli.
"Sige! Patayin mo na ako kung 'yan ang magpapagaan sa loob mo!" Nakangiting hamon ng babae. "Gawin mo na! Gusto ko nang mamatay para makasama ko na si Miguel sa kabilang-buhay!" utos nito.
Nais nang umalpas ng galit niya, ngunit mahigpit siyang nagtimpi. Nangitim ang mga mata niya at napaligiran ng tubig ang kanilang paligid. Nagbabadya iyon ng delubyong parating. Ngunit bigla na lang nagliwanag ang kuwintas na suot nito at nilukob niyon ang babae.
Napakalakas ng kapangyarihang taglay ng kuwintas. Kaagad siyang humagis sa malayo nang tamaan ng liwanag. Mariin niyang itinukod ang kamay sa ibabaw ng lupa upang hindi siya matangay ng malakas na puwersang nagmumula sa liwanag. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa nalapnos na palad at sa babaeng noon ay wala nang malay. Imposibleng magkaroon ito ng ganoong kalakas na kapangyarihan kung hindi nito hawak ang makapangyarihang Kasanaan!
"A-anong nangyari?" tanong ni Ara nang magising. "Sino ka?" anito nang makita ang lalaki. Inilibot nito ang tingin bago nag-aalalang dinaluhan si Fate.
"Naligaw ako at napadaan. May narinig akong sumigaw at natagpuan ko kayong dalawa ng kasama mo. Okay na ba ang pakiramdam mo?" aniyang ngumiti ng matamis. "May masakit ba sa 'yo?"
"Okay lang ako," tugon nitong nakangiti na agad ring napalis nang matuon ang pansin sa kasamang babae. "Mabuti na lang talaga at ligtas siya," anas nito.
Nilingon niya ang natutulog na babae at matalas na pinakiramdaman ang buong paligid. Nawala ang liwanag at humupa na ang kapangyarihang bumabalot sa katawan nito. Napalitan ng pag-aalala ang nararamdaman niyang galit.
Binalingan niya ang daligitang tahimik lang na nagmamasid. "Ako nga pala si Henry, ikaw, anong pangalan mo?"
"Tawagin mo lang po akong Ara."
"Nice to meet you, Ara. Ihahatid ko na kayo pauwi," alok niya. Nilapitan niya ang natutulog na si Maganda. Buong ingat na pinangko niya ito sa kanyang mga bisig at saka tumayo. "Tayo na."
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantastikUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...