Hindi halos maipinta ang mukha ni Fate habang naglalakad papasok sa loob ng kanilang silid-aralan. Isang masamang tingin ang ipinukol niya sa asungot na lalaking nakasunod sa kanyang likuran.
"Hmp!" Napairap siya sa inis.
Bukas pa mag-uumpisang magturo ang lalaki pero bago ito magsimula, hiniling muna nitong makita ang eskuwelahan. Malugod naman itong pinagbigyan ni Miss Caticlan, at siya ang naatasan ng matanda na mag-asikaso kay Henry.
Dahil may klase siya ng umagang iyon, napilitan siyang isama ang lalaki sa loob ng silid para makinig at magmasid. Kaso kanina pa siya nagsasalita pero walang nakikinig. Naiiritang inilibot niya ang tingin sa mga estudyanteng kanina pa pasulyap-sulyap sa kanilang buwisita.
Nakaupo ito sa isang silya na katabi ng mesa niya. Lalo pa siyang nairita dahil pati siya ay apektado sa presensiya nito. Hindi siya mapakali habang nagtuturo dahil lagi niyang nahuhuli ang malagkit na titig ni Henry sa kanya. Nasira tuloy ang umaga niya nang dahil sa lalaki.
Natapos ang mga klase niya at dumating ang tanghalian. Naglalakad sila sa lilim ng mga nakahilerang puno ng acacia at binabagtas ang daan patungo sa canteen ng eskuwelahan. Bigla siyang tumigil sa paglalakad para komprontahin si Henry.
"Sinusundan mo ba ako? Bakit nandito ka? Anong ginagawa mo rito?" Naiinis niya itong pinandilatan ng mga mata.
"Hindi kita sinusundan at nandito ako para magturo," kaswal nitong tugon.
"Huwag mo nga akong pinaglololoko." Mataray niya itong pinamaywangan.
"Bakit naman kita lolokohin?" Blangko ang ekspresyong nagkibit-balikat ito.
Lalo naman siyang nainis. Kahit kailan talaga hindi ito marunong sumagot ng diretso. Isa ito sa mga ugali ng lalaki na sobrang kinaiinisan niya kaya madalas ay hindi niya maintindihan kung ano ang mga tumatakbo sa isipan nito.
"Kilala kita, at alam kong may binabalak kang masama sa akin." Lumapit siya at dinuro ito sa dibdib. "Huwag ka nang magmaang-maangan pa." Napairap siya.
"Sa tingin mo anong balak kong gawin ngayon sa 'yo?" anitong dumukwang at inilapit ang mukha sa kanyang mukha.
Nabigla siya at napaatras nang kumabog ng malakas ang dibdib niya. Nagtangka siyang umiwas ngunit unti-unti nitong tinawid ang distansiya sa pagitan nilang dalawa. Napahinto siya nang sumandig ang likod niya sa puno. Nasukol na siya ngunit sa halip na masindak, matapang niyang sinalubong ang mga titig nito.
Nahigit niyang bigla ang paghinga nang bumaba ang mukha nito sa mukha niya. Gahibla na lang ang layo ng labi nito sa mga labi niya. Napasinghap siya sa kaba nang madama ang hininga nito kanyang pisngi. Nakaliliyo ang mga sensasyong nanulay sa mga kalamnan niya nang hapitin nito ang kanyang baywang.
"Ganito ba ang gusto mong gawin ko sa 'yo?" tukso nito habang hindi mapagkit ang tingin sa nakaawang niyang labi.
Napapiksi siya nang magaang dumampi ang mga labi nito sa kanyang labi. Pilit niyang binalewala ang mga sensasyong ginigising nito sa buong katawan niya. Ngunit sadyang higit na mas malakas ang atraksiyong nararamdaman niya.
Tila nananadya na lalo pa nitong idiniin ang katawan sa katawan niya. Noon tila sinilaban ang buong pakiramdam niya. Nakakapaso ang init ng katawan nito.
"Bitiwan mo ako," nakatiim-bagang na utos niya sa lalaki. Malakas niya itong itinulak palayo ngunit lalo lamang nitong idiin ang katawan sa kanya.
"Nakalimutan mo na bang may utang ka pa sa akin, maniningil na ako ngayon," anas nito sa punong-tainga niya.
Napalunok siya. Gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan at nagpumiglas siya. Malakas niya itong itinulak palayo at marahas na pinagbababayo sa dibdib.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasíaUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...