Bumalong ang masaganang luha sa magkabilang mata ni Fate nang balikan sa isip ang alaala ng kanilang nakaraan. Nagkamali siya noon. Nababatid niyang hindi na niya maibabalik pa ang kahapon. Ngunit magagawa niyang baguhin ang kanilang kinabukasan. Kailangan niyang itama niya ang lahat st ililigtas niya si Henry anuman ang mangyari.
"Henry, mamamatay ka kapag ipinagpatuloy mo pa ang paggamit ng kapangyarihan mo! Naririnig mo ba ako!" Kumalas si Fate sa pagkakayakap sa lalaki at marahas itong niyugyog sa balikat. "Pakiusap, tumigil ka na!"
Ngunit tila walang narinig na hindi man lang ito lumingon. Noon humulagpos ang malakas na enerhiya sa katawan nito at marahas siyang tumilapon palayo kay Henry.
"Henry!" sigaw niya habang pagulong-gulong sa maputik na daan.
Napangiwi siya sa sakit matapos na tumama sa nakausling bato ang kanan niyang balikat. Mariin niyang nakagat ang pang-ibabang labi at pinilit na bumangon mula sa pagkakalugmok. Nasapo ng kaliwang kamay niya ang duguang balikat at puno ng determinasyon siyang naglakad pabalik sa lalaki.
"Henry, tama na," aniya sa nakikiusap na tinig. Nagsusumamo na hinawakan ng dalawang palad niya ang mukha nito. "Hindi mo ito kailangang gawin."
Noon tila nahimasmasan ang lalaki. Marahan itong nagbaba ng tingin. Malamlam ang mga matang pinagmasdan nito si Fate. "Pasensiya ka na kung hindi kita mapagbibigyan sa kahilingan mong iyan. Huli na para pigilan ko pa ang lahat."
Natigalgalan si Fate. Maya-maya pa ay nagsimula nang mangatal ang mga kalamnan niya sa kaba. Nanginginig ang buong katawan na malakas siyang napahagulgol ng iyak. "Hindi maaari! May magagawa pa tayo para pigilan ang kapangyarihan mo!" Tumulo ang mga luha sa magkabila niyang mata. Malungkot na isinandal niya ang noo sa matipuno nitong dibdib.
Gumuhit ang matinding sakit sa mukha ni Henry nang kumirot ang buo niyang katawan. Nagliwanag ang mga batok sa kanyang balat at unti-unting humulagpos ang kanyang kapangyarihan.
"Henry, anong nangyayari sa 'yo?" tanong niya habang hindi malaman kung ano ang gagawin.
Nauupos ang pakiramdam na napaluhod si Henry sa matinding sakit habang tinutupok ng buong kapangyarihan ang mortal niyang katawan. Nilabanan niya ang paghulagpos ng kanyang kapangyarihan, subalit naabot na ng mortal niyang katawan ang hangganan ng limitasyon nito. Kasabay niyon ay ang pagsigid ng matinding kirot sa kanyang mga kalamnan.
Mahigpit siyang niyapos ng natatarantang si Fate. Magiliw siyang napangiti nang maramdaman na tila wala nang balak ang babae na bumitaw pa sa kanya. Iniangat ni Henry ang dalawang braso at masuyong ikinulong sa mga bisig niya ang babae.
"Matagal kong hinintay na dumating ang sandaling ito. Gusto pa sana kitang yakapin, pero hindi na maaari. Pasensiya na talaga kung hindi na ako puwedeng manatili pa sa piling mo."
Matamis ang ngiti na hinaplos ng mga palad niya ang pisngi ni Fate. Pinaglandas niya ang mga daliri sa mukha ng babae at saka pinahid ang mga luha sa magkabila nitong mata.
Nakagat ni Fate ang pang-ibaba niyang labi. Tila nagkabikig ang lalamunan niya at muling bumalong ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Naninikip sa sakit ang kanyang dibdib na ginagap niya ang palad ng lalaki.
"Huwag kang magsalita nang ganyan, hindi pa huli ang lahat."
Mahigpit na hinawakan ni Fate ang Kasanaan. Kuyom ang palad na dinala niya iyon sa kanyang dibdib. Handa siyang gawin ang lahat mailigtas lamang si Henry. Kung kinakailangang ialay niya ang kanyang buhay ay gagawin niya, dinggin lang ng Kasanaan ang kanyang hiling.
Masuyo niyang pinagmasdan si Henry, bago ikinawit ang mga braso sa leeg ng lalaki. Dahan-dahan niyang ipinikit ang mga mata at pinaglapat ang kanilang mga labi. Noon nagliwanag ang suot niyang kuwintas at binalot silang dalawa ng lalaki.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...