Chapter 22

6.3K 73 85
                                    

Nagtagis ang mga bagang ni Fate nang masaksihan ang tagpo kung paanong hinila sa batok ng estrangherang babae si Henry at pagkatapos ay marubdob na hinalikan sa labi ang lalaki. Bigla siyang natuod sa kinatatayuan nang tila kumirot ang kanyang puso. Daig pa niya ang tinadyakan ng kabayo sa dibdib habang pinapanood ang mga ito.

Makalipas ang ilang saglit ay pinutol ng babae ang halik. May kung ano itong ibinulong sa punong-tainga ni Henry na lalong nagpakuyom sa mga kamao ni Fate. Kulang na lang ay bumuga siya ng apoy sanhi nang nasasaksihang paglalampungan ng mga ito sa kanyang harapan.

Matalim na pinasadahan niya ng tingin ang hitsura ng estrangherang babae. Isang pilyang ngiti ang nagsimulang gumuhit sa mapupula nitong labi ng sandaling nagsalubong ang kanilang mga mata. Isang makahulugang tingin muna ang ibinato nito bago siya mataray na inirapan. Padarag naman itong hinila ni Henry pasakay sa nakaparada nitong kotse sa gilid ng daan.

Naiinis na nakagat ni Fate ang pang-ibabang labi. Lalong-lalo na at hindi man lang lumingon si Henry sa kanyang direksiyon bago ito umalis. Nagpupuyos ang kalooban na inihatid niya ng tanaw ang papalayong sasakyan ng mga ito.

"Sige, magsama kayong dalawa ng babae mo. Huwag na huwag ka na ring babalik dito," tiim-bagang niyang anas sa sarili.

"Ano'ng problema mo? Bakit parang daig mo pa 'yong nakakain ng hilaw na ampalaya sa hilatsa pa lang ng mukha mo?" Mula sa kung saan ay bungad nang nakangising si Eric. "Bitter ba ang madalas na tawag doon ng mga tao?"

"Tse! Kung wala kang sasabihin sa akin na matino, puwede bang layuan mo ako." Galit na pagtataboy ni Fate sa lalaki.

"Hay, bakit ba palagi na lang mainit ang ulo mo sa akin?" Humalukipkip si Eric. "Nagtatanong lang naman ako, masama ba iyon?"

Lalo namang kumulo ang dugo ni Fate sa inis. "Ano'ng kailangan mo sa akin?" nagtatagis ang ngipin niyang balik-tanong.

Ilang saglit na munang pinagmasdan ni Eric si Fate. Tila nasisiyahan pa ito habang tinititigan ang namumula sa galit na mukha ng babae. Ngumiti pa siya ng malapad para lalo itong asarin. Pinanlisikan siya nito ng mata na labis niyang ikinatawa.

"Alam mo, lalo ka talagang gumaganda kapag galit," pang-iinis pa nito sa dalaga. "Parang butas ng umuusok na bulkan 'yang ilong mo." Nagpipigil ng tawa pa itong napahagikgik.

"Puwede ba. Mukha ba akong nakikipaglokohan sa 'yo?" Noon mariing tinapakan ni Fate ang kaliwa nitong paa. Halos bumaon sa sapatos ni Eric ang tatlong pulgadang takong ng sapatos ni Fate.

Napapangiwi na hinila niya ang nasaktang paa at saka ipinagpag ang nararamdamang sakit. "Ikaw talaga, hindi ka na mabiro. Nag-aalala lang naman ako sa 'yo."

"Ikaw, nag-aalala sa akin? Nagpapatawa ka ba? Ano'ng kailangan mo sa akin?" seryoso ang mukhang tanong ni Fate. "Kilala na kita at hindi ka basta nagpapakita nang walang dahilan."

Natawa si Eric at pagkuwa ay mahinang pinalagitik ang dila. "Tsk, gusto ko lang namang malaman kung ano na ang desisyon mo tungkol sa pinag-usapan natin?"

Tumaas ang sulok ng mga labi ni Fate. "Usapan? May pinag-usapan ba tayo? Puwede ba wala akong oras para makipag-biruan sa 'yo ngayon." Tinalikuran na ni Fate si Eric. Subalit maagap na hinigit ng lalaki ang kanyang bisig upang pigilan siyang umalis.

"Hindi rin ako nakikipag-biruan sa 'yo, Maganda. Kailangan ko na ang Kasanaan. Pero bago ko iyon kunin sa 'yo ay kailangan mo na munang patayin si Amanikable. Dapat mo nang ituloy ang naudlot mong pagpatay sa kanya limandaang taon na ang nakararaan. Patayin mo na siya gamit ang Kasanaan at pagkatapos noon ay makakalaya ka na sa sumpa ng imortalidad na nakapataw sa 'yo." Sa isang iglap ay naging mabalasik ang ekspresiyong nakabalatay sa guwapong mukha ni Eric.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon