Chapter 44

4.3K 46 16
                                    

Nang mga sandaling iyon ay mataman lang na nakatingin si Ara kay David. Kanina pa nakaalis ang mga kasama niya pero hindi pa rin tumitinag sa kinatatayuan nito ang lalaki. Nakayuko lang ito habang sapo ng kaliwang palad ang ulo. Sa itsura nito, tila mayroon itong masamang dinaramdam.

Kaya kahit na nag-aalangan ay napilitan na siyang lapitan ito. Humakbang siya subalit agad siyang pinigilan ni David.

"O-okay lang ako!" Nakataas ang isang kamay na asik nito.

"Pero hindi ka mukhang okay sa paningin ko," pakli niya na hindi mapakali sa pagkakatayo. Tinangka niyang hawakan ang lalaki ngunit mabilis na pinalis nito ang kanyang kamay.

"Hindi ko kailangan ang tulong mo!" bulyaw nito. "Don't look at me with those eyes. Hindi ko kailangan ang awa mo."

Bahagya siyang nagitla at hindi nakahuma, ilang saglit siyang napakurap-kurap at nang-uuyam na natawa. "Hoy, akala mo ba ginagawa ko 'to kasi naaawa ako sa 'yo? Manigas ka! Kaya lang ako nandito kasi nangako ako na sasamahan kita---"

"Makakaalis ka na!" Nagtatagis ang bagang na taboy ni David sa kaharap. "Hindi ko kailangan ng kasama, so just go away."

Marahas siyang napabuga ng hangin sa ere. Gustuhin man niyang umalis para iwan ito ay hindi niya magawa, kahit anong pilit ang gawin niya ay ayaw gumalaw ng kanyang mga paa.

Hindi rin niya maatim na basta na lang itong iwan sa ganoong kalagayan. Para itong bangkay na namumutla at namimilipit sa sakit. Naiinis siyang humakbang palapit sa lalaki.

"Sorry, pero ayokong umalis. Kaya puwede ba, huwag ka nang maarte diyan." Muli niyang tinangka na hawakan ito.

Ngunit umatras ang lalaki. Hindi sinasadyang naging mabuway ang mga tuhod nito kaya nawalan ito ng balanse at napaluhod sa sahig. Maagap siyang kumilos upang saluhin ang lalaki bago pa ito tuluyang bumagsak sa matigas na sahig.

"David, okay ka lang ba?" Bahagya niya itong niyugyog ngunit walang sagot mula sa lalaki. Nakayuko lang ito habang sapo ng dalawang kamay ang ulo. "Ano ba kasing nangyayari sa 'yo?"

Nag-angat ito ng tingin at nagsalubong ang kanilang mga mata. Ilang saglit silang nagtitigan, samu't sari ang emosyong nabasa niyang naglalaro sa mga mata nito, may kung ano sa mga titig nito ang tila naghahatid ng pamilyar na damdamin sa kanya.

"Please, iwanan mo na akong mag-isa," anitong nagsusumamo.

Natigilan siya nang makitang hilam sa luha ang mga mata nito. May kumudlit na kirot sa kanyang dibdib at naantig ang kanyang damdamin. Kusang gumalaw ang kanyang kamay upang pahiran ang mga luha sa mukha nito. Ngunit nabitin sa ere ang kanyang kamay nang maramdaman ang isang masamang presensiya.

Napalingon siya at nakita ang isang bolang apoy na parating sa kanilang direksiyon. Ibinuka niya ang kanang palad at mabilis siyang gumawa ng isang kalasag na gawa sa tubig.

Mainit na sumingaw ang tubig at naglaho na parang bula ang bolang apoy. Matalas ang paningin na nagpalinga-linga siya sa buong paligid. Alerto ang pakiramdam na hinanap niya ang pinanggalingan ng pag-atake hanggang sa isang pamilyar na nilalang ang nahagip ng kanyang tingin.

Nakasuot ito ng itim na kapa at natatakpan ng pulang balabal ang mukha. Nanlaki ang kanyang mga mata nang maalala kung sino ito. Naglaban na sila noon, ito ang Babaylan ng Apoy!

"Maligayang muling pagkikita, Babaylan ng Tubig," bati nang nang-uuyam na baritono nitong tinig. Ibinuka nito ang itim na kapa at isa-isang lumitaw ang maliliit na bola ng apoy.

Mabilis ang naging reaksiyon niya. Tinawag niya ang tubig at pinalibutan niyon si David. Ikinulong niya ang lalaki sa loob upang protektahan ito. Ikinumpas niya ang mga kamay at gumawa siya ng mga patalim upang tapatan ang mga bolang apoy ng kanyang kalaban. Halos magkasabay nilang pinakawalan ang kanilang mga kapangyarihan at kasunod niyon ay nayanig ang buong paligid sa isang malakas na pagsabog.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon