Isang malapad na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Amanikable. Magiliw nitong tinatanaw ng tingin si Maganda habang naglalakad ito sa tabi ng dalampasigan. Masaya itong namumulot ng mga kabibe kasama ng dalawang kaibigan nito.
Mula nang iligtas niya ito sa pagkalunod ay hindi na ito naalis sa kanyang isipan. Halos bawat sandali niya itong naaalala. Sa tuwina ay nasasabik siyang makita ito at ang matitingkad na kulay kayumanggi nitong mata na puno ng pagkamanghang nakatitig sa kanya. Hindi niya matiis na hindi ito makita kaya sa tuwing sasapit ang bukang-liwayway ay palihim siyang bumababa ng Kaluwalhatian upang masilayan lamang si Maganda.
Limang tag-araw na ang lumipas, at sa tuwing darating ang mainit na panahon ay nakagawian na nitong magtampisaw at maligo sa tabing-dagat tuwing umaga. Napakaganda nitong pagmasdan habang nakikipaghabulan sa dalampasigan. Tila nabato-balani ang pakiramdam niya.
"Panginoong Amanikable, ikinagagalak kong makita ka. Maligayang pagdating sa aming lugar. Mag-utos ka lamang at agad tatalima ang iyong abang-lingkod," bati ng isang kataw nang makita ang diyos ng Karagaran sa tabing-dagat.
"Manahimik ka," saway niya. Walang kurap na pinanood niya ang dalagita na noon ay nagtatampisaw sa tubig.
Masaya itong nakipaghabulan sa dalawa pang batang babae na kasama nito. Nais niya itong lapitan. Ngunit hindi maaari sapagkat mahigpit na ipinagbabawal ni Bathala ang pakikihalubilo ng mga diyos sa mga tao. Nagkasya na lamang siyang pagmasdan ito mula sa malayo.
"Hanggang kailan ninyo siya tatanawin mula rito? Nais ba ninyo na kunin ko siya at ialay sa inyo?" mungkahi ng kataw.
Matalim niyang sinulyapan ang katabi. "Hindi na kailangan kaya ko siyang kunin nang walang kahirap-hirap," aniya.
"Panginoon, patawarin n'yo ako sa aking kapangahasan." Nakayukong hingi nito ng paumanhin sa takot na maparusahan.
Muli niyang pinagmasdan ang dalagitang abala sa paglangoy patungo sa malalim na parte ng dagat. Isang pilyong ideya ang kanyang naisip at malapad siyang napangisi, binalingan niya ang kataw.
"Patatawarin kita kung susundin mo ang utos ko. Magmadali ka at takutin mo ang babaeng 'yon," arogante niyang utos.
Nagbigay-pugay ang kataw at kaagad na lumusong sa tubig at lumangoy patungo sa direksiyon kung nasaan si Maganda.
Nasasabik siyang tumalon sa inuupuang bato. Nang tumapak ang mga paa niya sa ibabaw ng lupa ay nagpalit ang anyo niya bilang tao. Naging kulay itim ang makintab at ginintuan niyang buhok. Naglaho ang mga batok sa kanyang noo at pisngi at napalitan ng abuhing kanga at pulang sarong ang kasuotan niya.
Ilang sandali pa ay umalingawngaw ang malakas na tilian, napangiti siya at tila kidlat na lumusong sa tubig at lumangoy patungo sa kinaroroonan ni Maganda.
Sinisid niya ang kailaliman ng dagat at hinanap ang dalagita, hindi naglaon ay natagpuan niya itong buong tapang na nakikipagbuno sa mabangis na kataw.
Mabilis siyang lumangoy palapit sa mga ito at binigwasan ng suntok ang pobreng kataw, napaurong ito palayo. Sinenyasan niya ito, nang makilala siya ng kataw ay nahihintakutan itong lumangoy paalis.
Hinagilap niya ang dalagita na nawalan ng malay-tao. Nakita niya ito na unti-unti nang lumulubog sa kailaliman ng dagat. Ikinumpas niya ang mga daliri at nabalot ito ng bilog na kalasag. Nilapitan niya ito at kinarga sa kanyang mga bisig, nang matiyak ang kaligtasan nito ay lumangoy na siya pabalik sa dalampasigan.
Walang pagsidlan ang nadarama niyang kaligayahan habang tangan sa mga bisig ang katawan ng babae. Mataman niyang minasdan ang marikit nitong mukha at mabagal na pinaglandas ang hintuturo simula sa makapal nitong kilay pababa sa malalantik nitong pilik-mata. Masuyo niyang hinaplos ang mala-porselana at makinis nitong pisngi, tumigil ang mga daliri niya sa mapupula nitong labi.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...