Maagap na hinawakan ng magkabilang palad ni Henry ang mukha ni Fate. "Makinig kang mabuti sa akin. Hindi totoo ang mga hula, ikaw lang at wala ng iba ang gumagawa ng 'yong kapalaran. Kaya huwag kang maniniwala sa mga sinasabi niya."
Noon tila nahimasmasan ang babae. Nag-angat ito ng tingin at bumungad sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Henry. Kaagad nitong hinila palayo si Fate sa matandang manghuhula.
Magkahawak-kamay nilang nilisan ang lugar na iyon at binagtas ang kahabaan ng Recto Avenue. Ngunit hindi maalis sa isipan ni Fate ang mga tinuran ng matanda at unti-unting bumangon ang pangamba sa kanyang dibdib. Nababalisang ibinaling niya ang tingin sa ibang direksiyon. Ngunit hindi niya mapigilang hindi lingunin at sulyapan ang kasamang lalaki.
Napako ang mga mata niya kay Henry.
Bumaba ang kanyang tingin at matamang pinagmasdan ang magkahugpong nilang mga kamay. Tama ba itong ginagawa niya? Paano kung magkatotoo ang hula ng matanda at dumating muli siya sa punto na kailangan niya itong paslangin? Magagawa ba niyang saktan itong muli? Mapakla siyang napangiti.
Walang ibang ginawa ang lalaki kundi mahalin at ibigin siya ng buong puso. Batid niya na iniwan nito ang Kaluwalhatian at tinalikuran ang pagiging diyos upang makasama siya. Ngunit galit at pagkamuhi lang ang iginanti niya sa pagmamahal ng lalaki. Nakagat niya ang pang-ibabang labi, hindi siya nararapat para sa pag-ibig nito.
"Sabihin mo sa akin, ano ba ang dapat kong gawin para tigilan mo na ako, Amanikable?" anas niya. Parang tinutusok ang puso niya sa sakit. Naisip niya na isang kalokohan ang hangarin na magagawa pa nilang makapagsimula muli pagkatapos ng lahat nang nangyari sa pagitan nilang dalawa.
Biglang huminto sa paglalakad si Henry at humarap. "Anong gusto mong sunod nating gawin?" tanong nito.
"Ikaw, ano bang gusto mong gawin?" balik-tanong niya.
Napaisip ito saglit bago nagpalinga-linga sa paligid na para bang may hinahanap. Malapad itong napangiti nang ituro nito ang isang lumang sinehan. "Gusto mong manood tayo ng sine?"
"Sige, kung 'yon ang gusto mo," aniyang sinundan ng tingin ang direksiyon kung saan nakaturo ang daliri nito.
Nagdududa siya nitong pinasadahan ng tingin. "May problema ba?" tanong nito na bakas ang pag-aalala sa tinig.
Nag-iwas siya ng tingin at umiling. "W-wala," pagkakaila niya.
"Sigurado ka? Bakit parang ang tahimik mo? Iniisip mo pa rin ba 'yong sinabi ng matandang manghuhula?"
"Bakit ko naman iisipin 'yon, e ikaw na rin ang nagsabi na hindi totoo ang hula." Tumawa siya para pagtakpan ang pangambang kanina pa niya nararamdaman. "Tara na nga."
Hinila na niya si Henry papasok sa loob ng lumang gusali kung saan naroon ang sinehan na itinuro nito. Lumapit sila sa booth na nasa bukana at katabi lang ng hagdan para bumili ng ticket.
Iniwan niya si Henry at iginala ang tingin sa paligid nang medyo may kalumaan nang gusali. Nababakbak na ang puting pintura sa pader at makulimlim ang itsura ng kapaligiran. Tahimik at wala masyadong tao sa loob. Pinasadahan niya ng tingin ang malaking karatula na nagtatampok sa mga ipinapalabas na pelikula.
Ibaon Mo ang Lahat sa Limot
Sa Ilalim Ng Kumot
Salingin Mo Na Ang Lahat sa Akin
Napatikwas bigla ang isang kilay niya nang mabasa ang pamagat ng mga palabas. Kasabay niyon ang pangungunot ng kanyang noo nang mapagmasdang mabuti ang nakabalandrang karatula ng mga artistang gumaganap sa pelikula. Halos wala nang nakatakip na saplot sa katawan ng mga ito.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasíaUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...