Chapter 17

6.4K 80 80
                                    

Matapos mananghalian, pumuslit agad si David paalis ng canteen. Nais niyang iwasan ang naghahabol niyang fans at hanapin si Fate. Nagpalinga-linga muna siya sa paligid bago binagtas ang daan patungo sa likurang bahagi ng paaralan.

Gusto niyang makausap si Fate at iyon ang dahilan kaya sinundan niya ito sa canteen. Mula nang masilayan niya ang babae ilang araw na ang nakaraan ay hindi na nawala ang imahe nito sa isip niya. Kung kaya umupa siya ng private detective upang ipahanap ang babae.

Kaagad siyang humingi ng bakasyon at ipinakansela niyang lahat ng shows at interviews niya nang matagpuan na ang babae. Nais niya itong makitang muli, malakas ang kutob niya na matagal na silang magkakilala.

Napapangiting lumiko siya ng daan nang marating ang dulo ng building ngunit ganoon na lang ang pagkagulat niya nang bigla na lang may sumalubong sa kanya. Dalawang kahina-hinalang tao ang matuling dumaan sa kanyang harapan. Mabilis niyang hinabol ang mga ito at hinarang.

"Sino kayo?" tanong niya sa taong natatakpan ng pulang balabal ang mukha. Sinipat niya ng tingin ang kasama nitong natatabingan ng pulang salakot ang mukha. Noon niya napansin ang walang malay na babaeng karga nito.

"Anong gagawin n'yo sa kanya?" Biglang nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang babaeng tangan nito. "Bitiwan mo siya!"

"Bahala ka na sa pakialamerong 'yan!" utos ng lalaking nakasuot ng salakot sa kasama nito. Karga ang babae ay maliksi nitong tinalon ang mataas na pader ng eskuwelahan at bigla na lang naglaho na parang bula.

Hinabol ito ni David ngunit kaagad siyang naharangan ng taong nakasuot ng balabal. Bago pa siya nakahuma ay sunod-sunod na siya nitong pinaulanan ng suntok at sipa sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Tumilapon siya at malakas na tumama sa pader ng eskuwelahan ang kanyang likuran. Nanghihinang bumagsak siya sa damuhan. Pinilit niyang bumangon subalit masakit na kumirot ang kanyang katawan sa mga tinamong pinsala.

"Matulog ka na muna," anang lalaking nakabalabal kay David.

Sinubukan niyang abutin ang laylayan ng suot nitong pantalon subalit tuluyan na itong naglaho sa kanyang paningin. Noon nawalan ng malay-tao si David.

***

Kinahapunan ay hindi na mapakali si Henry. Matapos ang tanghalian ay buong maghapon niyang hindi mahagilap si Fate. Wala ito sa faculty room ng mga guro at hindi rin niya ito nasasalubong kahit saan. Nagpunta siya sa advisory class ng dalaga sa pagbabaka-sakaling naroon ito.

Nadatnan niya si Ara na naglilinis sa loob ng silid-aralan. "Ara, nakita mo ba si Fate?"

Nagtatakang nagkibit-balikat si Ara. "Hindi. Siya ang last subject ng klase namin pero hindi siya pumasok kanina."

"Sige, salamat." Masama ang kutob ni Henry. Nagmamadaling nilisan niya ang silid saka iniwan si Ara.

Nagmamadali namang sumunod sa kanya ang dalagita. "May problema ba?"

Hindi siya sumagot bagkus ay tumakbo siya palabas ng gusali. Malakas ang kutob niyang may masamang nangyari kay Fate. Hawak ng babae ang Kasanaan at kung totoo ang kanyang hinala ay nakarating na rin sa iba ang tungkol dito. Malalagay sa malaking panganib ang buhay nito dahil maraming nilalang ang nagnanais na makuha ang taglay na kapangyarihan ng Kasanaan.

Nanlisik ang mga mata niya sa galit. Mamamatay ang sinumang manakit kay Fate. Ipinikit niya ang mga mata at pinakiramdaman ang bawat patak ng tubig sa kanyang paligid.

Nasaan na si Fate?

Narinig niya ang mahinang alingasngas ng tubig at may mga imaheng nabuo sa kanyang isipin. Sinundan niya ang mga alingasngas hanggang sa makarating siya sa likurang bahagi ng eskuwelahan.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon