Gulat na napaawang ang bibig ni Fate. Maang na ilang saglit na napako ang tingin niya sa kaharap bago siya napayuko at bumunghalit ng tawa. Umiiling na ilang ulit niyang pinasadahan ito ng nanunuyang tingin at saka natatawang sinapo ng kamay ang nananakit na tiyan.
"Puwede bang tumigil ka na bago ka pa kabagin diyan," pakli ni Eric na napikon sa naging reaksiyon ng babae.
Napaismid si Fate. "Pasensiya ka na kung nainsulto kita pero 'di ko lang talaga mapigilan ang sarili koo. Ngayon ko lang nalaman na magaling ka palang magpatawa," aniya at saka nagseryoso. "Pero gusto ko lang linawin ang isang bagay sa 'yo. Kahit na kailan ay hindi ako naging pag-aari ng kahit na sino. Kaya wala kang karapatan na sabihing pag-aari mo ako."
Malakas na natawa ng pagak si Eric. Kaswal na ipinamulsa nito ang mga kamay sa suot na itim na pantalon. "Nagkakamali ka dahil pag-aari na kita noon pa man at hindi kita hahayaang mapunta sa iba kahit na kailan. Hindi kailanman."
Mariing nagsalubong ang mga kilay ni Fate. Sa dinami-rami ng mga naganap sa buhay niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubos na maintindihan ang tunay na pakay ni Sitan. Ibinigay nito ang Kasanaan sa kanya upang tulungan siyang ipaghiganti ang kamatayan ni Miguel sa pamamagitan nang pagpatay kay Amanikable. Pero ano ang mapapala nito sa pagtulong sa kanya?
Nagdududang pinukol niya ito ng isang masamang tingin. Noon lumitaw sa kanyang balintataw ang isang malabong alaala ng nakaraan. Musmos pa lamang siya ng mga panahong iyon, nasa sampu marahil ang kanyang edad. Isinama siya noon ng kanyang ama sa sadsaran upang makipagpalit, nang isang matandang alipin ang bigla na lang bumulagta sa kanilang daraanan.
Hinahabol ito ng mga dayong taga-Burma upang ipagpalit. Nang maabutan ito ng mga humahabol na dayo ay walang awa itong pinagtulungan na bugbugin. Nagpupumiglas na nanlaban ang kaawa-awang matanda. Sa kabila nang walang habas na pagtadyak at pagsipa ay nagpumilit itong gumapang patungo sa kinatatayuan niya upang magmakaawa.
Nag-angat ito ng tingin at sa kalunos-lunos nitong kalagayan ay nagsumamo ito na iligtas niya. Hindi niya ito natiis at nahabag siya sa matanda. Kaya nagpasya siyang ipagpalit ang dala niyang pilak at ginto para sa kalayaan nito. Dahil wala nang mapuntahan ay kinuha niya ito para maging aliping-sagigilid niya.
Ngunit ilang malalabong alaala muli sa nakaraan ang muling lumitaw sa kanyang isipan, mariin niyang nakagat ang pang-ibaba niyang labi at isang matalim na sulyap ang ibinigay niya kay Eric. Kumuyom ng mahigpit ang kanyang mga kamao at halos lumiyab sa galit ang mga mata niya nang may mapagtanto.
Naroon ito noong gabing hinuli si Miguel. Ito ang nagsumbong sa kanya nang parusahan ng kamatayan ang lalaki. Ito ang nagbigay ng babala tungkol sa tunay na pagkatao ni Malakas. Ito rin ang nagtulak sa kanya na lumabas upang hanapin ang lalaki ng araw na iyon. Nasaksihan niya ang ginawang pagpatay ni Malakas kay Bunag at inakala niya na pakana nito ang pagkamatay ni Miguel.
Mapait ang ngiting gumuhit sa kanyang mga labi. Ibinigay nito sa kanya ang Kasanaan upang isadlak siya sa sumpa ng imortalidad.
Mabigat ang mga hakbang na nilapitan niya si Eric. Huminto siya sa harapan ng lalaki at walang babala na sinampal ito.
"Hayup ka! Ano ang ginawa kong kasalanan sa 'yo! Tinulungan kita. Pero ano ang iginanti mo sa akin?" galit niyang sumbat.
Nakakalokong ngumisi si Eric. "Kasalanan mo ang lahat ng ito. Dapat ay hindi mo na lang ako tinulungan noon. Hinayaan mo lang sana akong mamatay." Lumamlam ang ekspresiyon sa mga mata nito nang titigan ang babae. "Pero dinala mo ako sa 'yong mundo at hinayaan mo ako na lihim kang ibigin."
Ilang saglit siyang napipilan at tila nawiwindang na pinagmasdan niya ang kaharap habang hindi makapaniwala.
"Iniwan ni Amanikable ang Kaluwalhatian. Bumaba siya rito sa lupa upang makamit ang iyong pag-ibig. Hindi ko inalintana ang presensiya niya bilang karibal ko. Ngunit nahulog ng husto ang loob mo kay Miguel. Nang mga panahong iyon ay desperado na akong alisin sila sa landas ko. Hindi naging mahirap ang lahat dahil pinaniwalaan mong lahat ng mga sinabi ko." Muling gumuhit ang nakakalokong ngiti sa mga labi ni Eric.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantastikUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...