Mariin niyang naikuyom ang mga palad habang hindi malaman ang gagawin na pinaglipat-lipat ang tingin kina Henry at David. "Pakawalan mo siya!" sigaw niya habang nagtatagis ang bagang. Pinukol niya ng isang masamang tingin si Eric. "Wala siyang kasalanan sa 'yo kaya huwag mo siyang idamay sa gulong ito."
Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Eric. Naging mabalasik ang itsura nito kasabay nang pagpapalit-anyo bilang diyos ng Kasamaan. Unti-unting humaba ang maitim nitong buhok at naging kulay pilak, nagbago ang kulay ng mga mata nito at naging matingkad na kulay abo. Lumitaw ang mga batok sa kaliwang bahagi ng mukha ng lalaki at gumapang pababa sa leeg nito.
Kasabay ng pagbabagong-anyo ni Eric bilang diyos ng Kasamaan ay ang pagpapalit-anyo ng mga panauhin sa loob ng bulwagan bilang mga aswang. Naging hudyat iyon at nagsimulang magbago ang anyo ng mga staff at waiter ng hotel at naging mga kataw.
Malapad na napangisi si Sitan, ipinitik nito ang mga daliri ng kamay at walang babala na lumitaw sa tabi nito ang hari ng mga aswang na si Bunag. Hindi nagpahuli na tinawag ni Mayari ang kanyang Bakunawa at lumitaw ito sa kanyang tabi.
Nabalot ng nakabibinging katahimikan ang buong bulwagan at napuno ng makapigil-hiningang tensiyon ang buong kapaligiran. Matalas ang pakiramdam na sinipat nila ang kilos ng bawat isa habang matamang nakikiramdam.
"Tss, anong ibig sabihin ng kalokohang ito?" Binasag ni Anagolay ang namamayaning katahimikan at dinuro si Sitan.
Natawa ng pagak ang diyos ng Kasamaan. "Masyado ka namang nakakatawa, hindi mo pa ba nakukuha kung ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito?" Naglakbay ang tingin nito at napako kay Henry. "Narito ako upang magdeklara ng isang giyera sa inyong lahat."
Nang-uuyam na natawa si Anagolay. "Sa tingin mo ba ay basta ka na lang namin na hahayaan sa gusto mo?"
"Kung gayon ay ibigay n'yo sa akin ang Kasanaan bilang kapalit."
"Hangal! Hindi mangyayari ang binabalak mo!"
"Hindi kayong mga diyos ng Kaluwalhatian ang magpapasya sa bagay na iyan." Ibinaling nito ang tingin kay Fate. "Mamili ka, ililigtas mo ba si David o papatayin mo si Amanikable?"
Mabilis ang naging pagkilos ni Henry, sa isang iglap lang ay nasa harap na siya ni Fate. Iniharang niya ang kanyang katawan upang protektahan ang babae kay Sitan.
"Hindi kailan man mangyayari ang nais mo dahil pipigilan kita hanggang magkamatayan tayong dalawa!" Nagtatagis ang mga bagang niyang banta sa kaharap. Nangitim sa galit ang kanyang mga mata at lumitaw ang mga batok sa kanyang mukha.
Tinawag niya si Marcel, lumapit ang lalaki at nagpalit-anyo ito bilang kataw. Lalo namang tumindi ang tensiyong bumabalot sa buong paligid at naghanda ang lahat para makipaglaban.
Noon tinapunan ng sulyap ni Apolaki si Camille at sinenyasan itong ilayo na si Fate sa lugar na iyon. Tumango ang babae at dahan-dahan nitong hinila si Fate paalis.
Lihim namang nagpalitan ng tingin ang tatlong diyosa habang matamang pinakikiramdaman ang susunod na mangyayari.
Matamang nagmamatyag na walang sinuman ang may nais na gumalaw o kumilos. Tahimik ang mga kataw at aswang habang hinihintay ang hudyat ng kanilang mga panginoon.
Muling namayani ang tensiyon nang isang malakas na pagsabog ang bigla na lang yumanig sa buong paligid. Nawasak ang pader ng bulwagan at mula roon ay lumitaw si Ara at ang Berberoka na abalang nakikipaglaban sa Kapre at Babaylan ng Apoy.
Lumatay ang apoy ng Kapre sa pader at inapula iyon ng tubig ni Berberoka. Naglaban ang tubig at apoy hanggang sa sumingaw ang mainit na hangin na pumuno sa loob ng bulwagan.
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...