Chapter 9

7K 148 60
                                    

"Nagbibiro lang ho kayo 'di ba?"aniyang hindi makapaniwala. "Paano n'yo siya naging boarder? Saan siya matutulog e 'di ba wala nang bakanteng kuwarto?"

"Hindi naman problema ang kuwarto. Malapad naman itong first floor ng bahay. Doon siya matutulog sa master's bedroom at doon naman ako sa guest room," sagot ng nakangiting matanda.

Napamaang siya. Nakakunot ang noong nagpalipat-lipat ang tingin niya sa lalaki at sa matanda. Nagtimpi siya, dahil tila sasabog na ang kanyang dibdib. Nais na niyang ipagtabuyan palabas ang lalaki subalit nag-aalala siya na baka magalit ang matandang babae, napagpasyahan niyang manahimik na lang. Samantala, talagang sinusubukan ni Henry kung gaano kahaba ang pasensiya niya.

"Pero puro ho kami babae rito. Hindi ba ang pangit namang tingnan kung may kasama kaming lalaki sa bahay? Ano na lang ang sasabihin ng mga kapitbahay?" paliwanag niya sa pagbabaka-sakali na magbago pa ang isip ng matanda.

"Huwag kang mag-alala, hija. Tinitiyak ko sa 'yong mabait na tao 'tong si Henry. Magaling yata akong mangilatis ng tao." Kumindat pa ang matanda at nginitian siya. "Pumasok na tayo sa loob," yaya nito at nagpatiuna nang naglakad.

Mabilis nitong sinundan ang matanda. Samantalang naiwan siyang nakatulala, bigo ang pakiramdam, daig pa niya ang natalo ng milyones sa sugal. Mabilis na hinamig niya ang sarili upang sundan ang mga ito sa loob ng bahay. Nadatnan niyang magiliw na inaasikaso ni Aling Milagros ang asungot na si Henry.

Dumiretso siya ng sala, nagdadabog na naupo siya sa mahabang sopa habang abalang pinapanood ang pagpaparoo't parito ng matandang babae. Tuluyan na siyang tinamad na umakyat sa kanyang silid. Gusto niyang magreklamo pero hindi niya magawa. Kung pagbabasehan ang abot-taingang ngiti sa mukha ng matanda, malabong makumbinsi niya itong makinig sa mga sasabihin niya.

"Kung may kailangan ka pa, huwag na huwag kang mahiyang magsabi sa akin. Libre ang pagkain dito. Basta magsabi ka lang kung anong gusto mo at ako na ang bahalang magluto. Alas-sais ng umaga ang oras ng almusal. Alas-onse ang tanghalian, alas-tres ang meryenda at alas-siyete naman ang hapunan."

Napaayos siya ng upo nang maulinigan niyang parating na ang matanda at ang kasama nito. Dumiretso ang mga ito sa sala kung saan siya nakatambay. Naiinis na tinapunan niya ng masamang tingin ang lalaki. Ngumisi ito nang nakakaloko at lalong nagpuyos ang kalooban niya.

"Kung wala ako rito sa bahay ay puwede mong malapitan si Fate para hingian ng tulong. Isa siya sa pinakamatagal kong boarder kaya alam na niya ang mga gagawin kung may problema," anang matanda. "Maaasahan ba kita, hija?"

Nag-iwas siya ng tingin upang ikubli ang nadaramang inis. Pilit niyang pinasigla ang tinig at saka hinarap ang matanda. "Huwag ho kayong mag-alala, hindi ko siya pababayaan," sagot niyang halos mapunit na ang bibig sa pagkakangiti.

Lumapad ang pagkakangisi ni Henry at lalo siyang nainis. Napakakapal talaga ng pagmumukha nito. Gusto na niya itong hilahin palabas at palayasin pero nagtimpi siya. Pasalamat ito na kasama nila si Aling Milagros dahil kung hindi, tiyak na ipinagtabuyan na niya ito sa labas. Tumayo na siya, nagpasya siyang umalis na lang at iwan ang mga ito.

Noon bumukas ang pintuan at iniluwa niyon ang kadarating lang na si Ara.

"Nandito na po ako," bati ng dalagita.

"Mabuti naman at maaga kang nakauwi. Mag-iingat ka sa pag-uwi mo at kalat na ang balita na may gumagalang aswang dito sa lugar natin," bilin ng matanda.

"Huwag po kayong mag-alala, kaya ko pong ipagtanggol ang sarili ko," anito. Buong kumpiyansa itong napangiti bago saglit na natigilan nang makita ang lalaking nasa likuran ni Aling Milagros.

Nangunot ang noo niya nang makitang nagliwanag sa tuwa ang mga mata ng dalagita. Napakurap-kurap siya na tila namamalik-mata. Parang mga bituin sa langit na nangislap ang mga mata nito habang nakatingin kay Henry. Sabik na nilapitan nito ang lalaki, dismayado naman siyang napailing sa dalagita.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon