Chapter 14

6.7K 84 34
                                    

Nang araw na iyon ay tinipon ni Datu Dumara ang Kamamalaman at lahat ng Maharlika sa buong tribu ng Dapulo para sa isang mahalagang pagpupulong.

Nasa pagtitipon ding iyon si Amanikable na nagpapanggap bilang mandirigma sa katauhan ni Malakas. Tahimik lang itong nagmamasid habang abala ang lahat sa pakikipag-talastasan kay Datu Dumara. Habang nakikinig sa usapan ng mga ito napagtanto niya na walang ipinagka-iba ang pagpupulong ng tao sa pagpupulong ng mga diyos sa Kaluwalhatian.

Tumaas ang sulok ng kanyang mga labi, wala sa hinagap niyang makikihalubilo siya sa mga tao. Wala siyang interes sa mga ito, kuntento na siyang pinapanood ang mga ito mula sa malayo. Kadalasan kapag nakaramdam siya ng pagkabagot ay bumababa siya sa Kaluwalhatian at nagtutungo sa karagatan upang doon maghanap ng mapaglilibangan. Upang aliwin ang sarili ay nagpapadala siya ng mga unos at bagyo sa gitna ng dagat.

Hindi na mabilang ang dami ng bangka na kanyang pinalubog at mangingisdang nalunod nang dahil sa kagagawan niya. Kaya naman lubos siyang kinatakutan ng mga tao, upang paglubagin ang kanyang damdamin ay nagsasagawa ang mga ito ng ritwal upang mag-alay sa kanya.

Subalit namumukod-tangi si Maganda, hindi man lang ito natakot sa kanya at sa halip ay namangha pa sa kanyang anyo. Napukaw nito ang interes niya at nang lumaon ay pati na ang kanyang puso.

Nang bumaba siya sa Kalupaan, inakala niyang saglit lamang siyang mananatili ngunit hindi niya akalain na malugod siyang tatanggapin ng mga taga-Dapulo.

Hinirang siya ni Datu Dumara na maging Mandirigma bilang pagtanaw ng utang na loob. Hindi siya tumanggi at malugod na tinanggap ang posisyon sapagkat nangangahulugan iyon na mapapalapit siya kay Maganda. Kaya nang itinalaga siya ng Datu bilang tagapagbantay ng anak nito ay agad siyang sumang-ayon.

Bagama't labis iyong tinutulan ng babae ay wala itong nagawa kundi sumunod sapagkat kinagigiliwan siya ng Datu.

"Maghanda ang lahat sa pakikipaglaban! May nakarating na ulat mula sa mga karatig-isla na may mga dayong naparito upang tayo ay sakupin!" Dumagundong sa buong torogan ang tinig ng Datu.

Naghiyawan ang mga mandirigma at miyembro ng Kamamalaman na naroon bilang tugon sa kanilang pinuno.

"Huwag kayong mangamba, nakahanda ang ating mga kasama na makidigma sa mga dayong nagnanais na sakupin ang ating tribu!" pahayag ni Bunag na pinuno ng Kamamalaman. "Para sa Dapulo!"

"Kung gayon humayo kayo at paigtingin pa ang pagbabantay sa mga sadsaran ng isla kung saan maaaring dumaong ang mga kalaban!" utos ni Datu Dumara.

Muling humiyaw ang mga mandirigmang naroon bilang pagsang-ayon. Matapos ang pagpupulong ay umalis na ang mga ito upang maghanda sa pakikipaglaban.

"Malakas!" tawag ni Datu Dumara nang makaalis na ang lahat. "Maari ba kitang makausap kahit na saglit," wika nito.

Napahinto siya sa paglalakad at pumihit pabalik, hinarap niya ang Datu. "Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?" May himig ng awtoridad sa tinig niyang tanong.

Napangiti naman ang Datu. "Nais kong paigtingin mo pa ang pagbabantay kay Maganda. Batid kong napakatigas ng ulo niya, isa siyang suwail at sutil na anak. Ngunit ganoon pa man, umaasa ako na hindi mo siya hahayaang mapahamak." Naging malamlam ang ekspresiyon sa mukha nito. "Maaasahan ba kita?"

"Wala kayong dapat ipag-alala, itataya ko ang aking buhay kapalit ng kaligtasan ni Dayang Maganda," tugon niya. Puno ng kumpiyansang nginitian niya ito.

Noon tila nakahinga ng maluwag ang matandang lalaki. Nang mapanatag na ang kalooban nito ay saka lamang siya nito pinahintulutang umalis.

Kaagad siyang nagtungo sa torogan ni Maganda. Kanugnog lamang ng torogan ni Datu Dumara ang torogan ng babae. Nadatnan niya ang aliping si Sayi na tulirong paroo't parito sa paglalakad na tila ba mayroong hinahanap.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon