Chapter 20

6.3K 72 49
                                    

Halos mabingi na si Fate sa sobrang lakas nang kabog ng kanyang dibdib. Narinig niya ang marahang paglagitik ng seradura at pag-ingit pabukas ng pinto. Lalo pang nagrigodon sa kaba ang kanyang dibdib nang nagtama ang mga tingin nilang dalawa ni Henry.

"Aling Milagros!" malakas na tawag ni Ara mula sa ibaba ng hagdanan. "Gising na po si David!"

"Ganoon ba? Dumiretso na kayo sa komedor at maghahain na ako ng almusal ninyo!" sagot ng matanda at saka nagmamadaling hinila pasara ang pinto.

Noon tila nakahinga ng maluwag si Fate. Pinukol niya ng masamang tingin si Henry at saka itinulak palayo sa kanya. "Wala na si Aling Milagros kaya makakaalis ka na sa ibabaw ko."

"E paano kung ayoko?" nakangising tanong ni Henry.

Awtomatikong umangat ang kanang kamay ni Fate sa ere. "Gusto mong mabugbog?" Nagbabantang iniumang niya ang nakakuyom na kamao sa lalaki.

Mabilis namang tumayo si Henry. "Bakit kaya mo ba akong bugbugin?" nang-iinis pa nitong tanong.

"Aalis ka o kakaladkarin kita palabas ng kuwarto ko!" Nagtatagis ang bagang sa galit niyang banta. Humakbang siya palapit sa nakangising lalaki.

"Oo na. Aalis na ako," ani Henry na itinaas ang dalawang kamay bilang tanda nang pagsuko. "Pero sa isang kondisyon."

Tumaas ang isang kilay ni Fate at napahinto siya sa paglalakad. Puno ng pagdududang pinukulan niya ito ng masamang tingin. "Ano?"

"Sabay tayong pumasok sa eskuwelahan mamaya. Ihahatid kita." Puno ng pag-asam ang mga mata ni Henry na napatitig kay Fate.

Nakasimangot namang umirap ang dalaga. "Bahala ka sa buhay mo." Naiinis niyang tinungo ang pinto at saka binuksan. "Labas na."

Hindi tuminag si Henry sa kinatatayuan nito. Ilang sandali pa silang nagtagisan ng tingin bago naiinis na nagbawi ng tingin si Fate. "Oo na, kaya lumabas ka na habang hindi pa nauubos ang pasensiya ko," labas sa ilong niyang wika at saka ito minuwestrahang lumabas.

"Peksman, cross your heart, wala nang bawian 'yan?" Nakangiti pang asar ni Henry at saka pinag-krus ang mga daliri sa puso.

Nangungunsuming tinanguan lamang ito ni Fate at pagkatapos ay iginiya nang palabas sa kanyang kuwarto. "Ang baduy mo," aniya matapos na ibalibag pasara ang pinto.

Narinig pa niya ang malutong na halakhak ni Henry sa labas bago ito tuluyang umalis at bumaba ng hagdanan.

Nang mapag-isa ay sinulyapan ng dalaga ang oras sa wall clock. Nagmamadaling naligo at nagbihis siya ng uniporme. Matapos makapag-ayos ay ipinusod niya ang mamasa-masa pang buhok. Sinipat niya ang sarili sa life-sized mirror. Nagpahid siya ng lipstick sa mga labi, pinulbuhan ang magkabilang pisngi at magaang nagwisik ng baby cologne. Nang makuntento sa kanyang hitsura ay binitbit na niya ang shoulder bag at lesson plan na nasa ibabaw ng kanyang lamesa.

Pagbaba ni Fate ng hagdanan ay kaagad siyang nagpalinga-linga sa paligid. Matalas ang mga matang hinagilap niya si Henry sa paligid. Ang totoo ay wala talaga siyang balak na sumabay rito sa pagpasok kaya bago pa siya makita ng lalaki ay uunahan na niya itong umalis ng bahay.

Nasa sala na siya nang bigla na lang sumulpot si Aling Milagros. "Fate, kanina pa kita hinahanap. Nakahain na ang almusal kaya kumain ka na muna bago ka umalis."

Alanganin ang ngiting sumilay sa mga labi ng dalaga. "Mahuhuli na po ako sa klase ko, kaya sa susunod na lang po." Dahan-dahan siyang naglakad paatras para umalis.

"Mag-a-alas-sais y medya pa lang naman a. Alas-siyete pa ang klase mo kaya may oras ka pa para kumain," anang matanda na nakatingin sa grandfather's clock na katabi ng hagdanan.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon