Chapter 36

5.9K 72 64
                                    

Napapikit ng dahan-dahan si Fate habang puno ng antisipasyon na hinintay niya ang paglapat ng mga labi ni Henry sa kanyang labi. Ngunit lumipas na ang ilang sandali at nangawit na ang kanyang leeg, pero wala pa rin ang inaasahan niyang halik.

"Miss, okay ka lang ba?" untag ng malamig na tinig ng lalaki.

Noon siya tila natauhan. Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig sa narinig. Kaagad niyang iminulat ang mga mata at ang nagtatakang ekspresiyon ni Henry ang bumungad sa kanya.

"May masakit ba sa 'yo?" tanong nitong nag-aalala. Pinasadahan siya nito ng nangangambang tingin mula ulo hanggang paa.

Mariin niyang nakagat ang pang-ibabang labi sa labis na pagkapahiya. Biglang nag-init ang magkabila niyang pisngi at tila napapaso ang pakiramdam na mabilis niyang binitiwan ang mukha ng lalaki.

"P-pasensiya ka na. Hindi ko sinasadya," aniyang nauutal.

Lihim na nagdiwang ang kalooban ni Henry habang naaaliw na pinagmamasdan ang hindi mapakaling babae. Natutuwa siyang panoorin itong mataranta sa harapan niya. Mas lalo tuloy itong nagiging kabigha-bighani sa paningin niya.

Gustuhin man niya itong yakapin ng mahigpit at marubdob na halikan sa labi ay hindi niya ginawa. Mahigpit niyang tinimpi ang sarili. Hindi pa ito ang tamang panahon. Kailangan niyang mag-ingat dahil maraming mata ang nagmamasid sa mga kilos niya.

"Hindi mo ba talaga ako natatandaan? Hindi mo ba talaga kilala kung sino ako?" tanong ng mangiyak-ngiyak na babae.

Matiim na tinitigan ni Fate ang kaharap. Umaasa siyang sana ay hindi totoo na wala itong maalala at nagpapanggap lamang.

Ngunit tahimik na umiling si Henry.

Tila pinagbagsakan ng langit at lupa ang kanyang pakiramdam. Gumuho na parang marupok na kastilyong buhangin ang pag-asa na kanyang naramdaman at nanlulumo siyang napayuko. Mapait ang ngiting gumuhit sa kanyang mga labi. Nang mag-angat siya ng tingin ay marahas na tinabig niya palayo si Henry.

Hindi malinaw sa kanya kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Naglaho itong parang bula at buong akala niya ay tuluyan na itong nawala. Pero parang walang nangyari na nagbalik ito at ngayon ay narito na sa kanyang harapan.

Natawa siya nang mapagtanto kung gaano kalupit ang tadhana. Nagbalik nga ang lalaki, ngunit wala itong maalala tungkol sa kanya. Pero bakit malakas ang kutob niya na ito si Henry, ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Sa kabila ng pagkakaila nito naniniwala siyang tama ang kanyang kutob. Mabilis niyang hinamig ang kanyang sarili at saka taas-noong tumayo.

"Sandali lang," ani Henry. "Nagkakilala na ba tayo dati?"

Pero sa halip na sumagot ay walang lingon-likod niyang iniwan ang lalaki sa lugar na iyon. Ipinangako niya sa kanyang sarili na aalamin niya ang puno at dulo ng lahat ng ito at titiyakin niyang matutuklasan niya kung ano o sino iyon.

Nasisiguro niyang may kinalaman ang lahat sa Kasanaan. Ito ang pakay ng mga aswang. Ito rin ang totoong pakay ni Sitan. Lahat ng sakuna ay kagagawan ng suot niyang kuwintas.

Napatingala siya sa kalangitan, marahil ay pinarurusahan na siya ng Kaluwalhatian sa lahat ng kasalanan na nagawa niya. Handa siyang pagbayaran ang lahat. Ngunit saka na siya magbabayad kapag handa na siyang lisanin nang tuluyan ang mundong ito.

Ilang beses na tinawag ni Henry ang pangalan niya. Pero walang pakialam na binalewala niya ito. Pinahid niya ang mga natuyong luha sa kanyang pisngi at inayos ang kanyang sarili. May trabaho pa siyang dapat na gampanan at huli na siya sa kanyang klase.

Binagtas niya ang daan patungo sa kanyang unang klase. Humigit na muna siya ng malalim na buntong-hininga bago pumasok sa loob ng silid. Masigla niyang binati ang mga estudyante. "Good morning, everyone!"

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon