"Noong unang panahon ay madalas na nagpapadala ng mga delubyo sa gitna ng dagat ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Ayon pa sa alamat, nagalit ng husto ang diyos nang tanggihan ni Dayang Maganda ang inililuhog nitong pag-ibig at upang maibsan ang galit na nadarama ay nilulunod nito sa dagat ang mga tao upang makaganti," ani Fate at saka nilibot ng tingin ang buong silid.
Isang matabang na ngiti ang noon ay sumilay sa kanyang mapupulang mga labi bago ipinako ang tingin sa kanyang mga estudyante. Nais niyang tiyakin kung nakikinig ba ang mga ito o hindi. "Naiintindihan n'yo bang mabuti ang tungkol sa alamat ni Amanikable at Maganda? May mga gusto ba kayong itanong tungkol sa kuwento?"
Kaagad na nagtaas ng kamay ang isang estudyante na nakaupo sa unahan. "Miss Fate, ano po ang nangyari kay Maganda pagkatapos?" usisa nito.
Hindi na bago sa kanyang pandinig ang ganoong klase ng tanong ngunit may mga ganoong pagkakataong hindi agad siya makasagot. Dahil kahit matagal na panahon na ang lumipas ay sariwa pa rin sa kanyang alaala ang lahat. May pinong kirot ang kumudlit sa kanyang dibdib bago niya nagawang sumagot.
"Nagpakalayo-layo si Maganda kasama ng lalaking mahal niya at namuhay sila ng masaya," aniya na may pekeng ngiti sa mga labi. Pilit niyang pinasigla ang tinig kahit tinutusok ng mumunting mga karayom ang kanyang dibdib.
"E, Miss Fate, ba't naman po ganun ang nangyari, di ba sobrang mahal na mahal ni Amanikable si Maganda? Bakit ayaw ni Maganda sa kanya?" tanong ng isang estudyanteng nakaupo sa likuran.
Natigilan siya habang nag-aapuhap ng isasagot sa hindi inaasahang tanong. Napatikhim siya sandali para alisin ang tila bara sa kanyang lalamunan. "Bakit mo naman naisipang itanong 'yan?"
"Curious lang, Miss Fate. Kasi kung sa akin na-in love si Amanikable, baka sinagot ko na agad siya. Imagine, isang diyos ang na-in love sa akin, wala nang patumpik-tumpik jojowain ko na agad siya," sagot nitong kinikilig.
Malakas na nagkatawanan ang buong klase samantalang napailing na lang siya. "Talaga, possessive at selosong magmahal si Amanikable, hindi kaya bigla kang magsisi sa bandang huli?"
"Kung kasing-guwapo siya ni Brad Pitt at Liam Hemsworth, kahit possessive pa siya at seloso, carry lang Miss Fate. Ang importante ako lang ang mahal niya at wala ng iba," nakangiti nitong buska.
Nagkatawanan ang mga estudyante at muling umugong ang kantiyawan sa loob ng silid-aralan. Naiiling na lamang siya bago sinipat ang oras sa wall clock na nakasabit sa dingding. Mag-aalas dose na pala ng tanghali, ilang sandali na lang at tapos na ang kanilang klase.
Nagligpit na siya ng mga gamit at ilang saglit pa ang pinalipas niya bago siya tumayo sa kinauupuang silya. "Okay, class dismissed. Hanggang dito na lang muna ang discussion natin. As for your assignment, write a two-page reaction about this topic, see you all tomorrow," paalam niya sa mga ito at saka tinungo ang nakabukas na pinto ng silid.
Nagrereklamong umungol ang mga ito. Napapailing naman siyang napangiti. Daig pa niya ang nabunutan ng tinik sa lalamunan nang makalabas sa silid.
Tumunog ang bell, hudyat na oras na ng tanghalian. Nagsipaglabasan na rin ang mga estudyante sa kani-kanilang silid. Habang nagmamadali ang lahat, noon naman bumagal ang paglalakad niya.
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga habang hinahatid ng tanaw ang nag-uunahang estudyante sa kanyang harapan. Mabagal ang mga hakbang na naglakad siya sa kahabaan ng pasilyo. Inilibot niya ang tingin sa buong paligid, mainit at maalinsangan na ang panahon tanda ng tag-araw. Ilang buwan na lang at magtatapos na naman ang klase. Napangiti siya saka binagtas ang daan sa ilalim ng lilim ng mga naninilaw na dahon ng acacia.
Pitong taon na ang nakaraan mula nang dumating siya sa maliit na bayan ng San Roque dito sa Laguna at limang taon na ang lumipas mula nang nagturo siya sa mataas na paaralan ng San Roque. Ilang taon na lang ang nalalabi at kailangan na ulit niyang maghanap ng lugar kung saan maaari siyang tumira at mamalagi.
![](https://img.wattpad.com/cover/132252109-288-k768835.jpg)
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...