Hindi kalayuan sa kinatatayuan nina Henry at Fate ay may isang pares ng mga matang lihim na nagmamasid. Naging matalim ang mga mata ni Eric nang makitang magkayakap ng mahigpit ang lalaki at babae. Hindi niya matanggap ang tagpong nasasaksihan ng mga sandaling iyon. Kaya naglaho siya at sa isang iglap ay nasa loob na ng Club Mayari.
Tila tumigil ang oras at kasiyahan sa loob ng club. Takot na nagpatirapa ang lahat ng nilalang na naroon sa pagdating ng diyos ng Kasamaan.
"Maligayang pagbabalik, aming panginoong Sitan!" magalang na pagbati ng mga nahihintakutang kampon ng dilim.
"Bunag!" nagngangalit niyang tawag sa Hari ng mga Aswang. Mabalasik na inilibot niya ang tingin upang hagilapin ito sa buong paligid. "Nasaan ka?"
Mabilis na lumitaw si Bunag. Magalang itong yumukod sa harapan ng diyos ng Kasamaan. "Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo, panginoon?"
"Ihanda mo ang iyong kawan ng mga aswang. Sugurin ninyo at paslangin si Amanikable!" galit niyang utos.
"Masusunod aking panginoon," walang pag-aatubili nitong tugon.
Napangisi si Sitan at saka tinalikuran ang Hari ng mga Aswang. Muli siyang naglaho at lumitaw sa ikalawang palapag upang hanapin ang diyosa ng Buwan na si Mayari.
Ipinikit niya ang mga mata at matalas na pinakiramdaman ang buong paligid. May sa tagabulag ang kapangyarihan ni Mayari. Lubhang mahirap itong hagilapin kapag ayaw nitong maistorbo. Ikinumpas niya ang mga kamay upang kontrahin ang bumabalot na mahika sa buong palapag.
Matapos na alisin ang nakabalot na mahika ng buwan ay muli siyang nakiramdam. Tinahak niya ang daan patungo sa pinakadulong bahagi ng pasilyong kinatatayuan. Itinulak niya pabukas ang pinto ng dulong silid at tumambad sa kanyang harapan ang hubad na katawan ni Mayari sa ibabaw ng kama na kaulayaw ang isang lalaki.
"Kailangan ko ang kapangyarihan mo para tapusin si Amanikable at alisin sa landas ko ang asungot na si David!" walang pakundangan niyang utos sa babae.
"Nababaliw ka na," balewalang tugon ni Mayari. "Bakit ako susunod sa utos mo? Hindi mo pa nga tinutupad ang kasunduan natin. Naiinip na ako sa paghihintay, Sitan." Puno ng pagnanasang marubdob nitong hinalikan ang mga labi ni Xerex. Mabagal ang paggalaw na umindayog ang balakang nito sa ibabaw ng kaniig na lalaki.
Nag-umigting sa galit ang mga litid sa leeg ni Sitan. "Huwag mong ubusin ang pasensiya ko! Gusto mo bang isiwalat ko sa buong Kaluwalhatian na ikaw ang nagnakaw ng Kasanaan kay Apolaki? Sa tingin mo, anong gagawin sa 'yo ni Bathala oras na malaman niya ang naging kataksilan mo?"
Biglang naging mabalasik ang hitsura ni Mayari. Nagdilim ang mga mata ng babae at nagsimulang lumitaw ang puting mga batok sa noo pababa sa kaliwang pisngi nito. Tumaas ang isang sulok ng mga labi ng diyosa ng Buwan. "Hinahamon mo ba ang kapangyarihan ko?"
"Kumalma ka dahil hindi ako ang kaaway mo," mahinahong pagpapa-alala ni Sitan. "Ibibigay ko sa 'yo si Apolaki katulad ng napagkasunduan natin. Pero kailangan ko munang alisin sa landas ko si Amanikable."
Bahagya namang kumalma si Mayari. Nagliwanag sa tuwa ang mukha nito nang tila may ideyang naisip. "Kung gayon bigyan mo ako ng kapalit." Tinapunan nito ng makahulugang tingin si Xerex. "Tandaan mo, ang sa akin ay sa akin lamang. Ang sinumang magtangkang umagaw ng aking pag-aari ay mamamatay, ibigay mo sa akin ang ulo ng Minokawa ni Apolaki bilang kapalit nang hinihingi mong tulong."
"Kung gayon ay may kasunduan na tayo," nakangising tugon ni Sitan. "Maiwan ko na kayo." Tinalikuran na nito si Mayari at naglahong parang bula sa lugar na iyon.
***
Katanghaliang-tapat ng araw ng Linggo. Masayang gumayak ang mga kasama sa bahay ni Fate nang matanggap ng mga ito ang ticket na ibinigay ni David. Walang pagsidlan ang tuwa nina Ara at Aling Milagros. Habang hindi naman maipinta ang mukha ni Camille nang mahila itong sumama na mamasyal nina Ara at Aling Milagros. Samantala, makulimlim pa sa bumabagyong kalangitan ang mukha ni Henry. Wala itong nagawa nang mapagkaisahan nilang lahat na ito ang maghahatid sa kanila papuntang Santa Rosa.
![](https://img.wattpad.com/cover/132252109-288-k768835.jpg)
BINABASA MO ANG
Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1
FantasyUpang makalaya si Fate sa sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya ng kasanaan, kinakailangan niyang paslangin ang diyos ng Karagatan na si Amanikable. Magawa kaya niyang paslangin ang dati niyang asawa? Magtagumpay kaya ang binabalak niya kung unt...