Chapter 10

7K 125 55
                                    

Masama ang kutob ni Henry, hindi siya mapakali kaya sinundan niya si Fate at ang kasama nito. Pumasok ang mga ito sa loob ng isang club, matapos iparada ang sasakyan ay agad na siyang umibis para sundan ang dalawang babae.

Nag-aalala siya kay Fate. Bagaman gusto siyang patayin ng babae, mahal niya pa rin ito kahit ano pang mangyari. Hindi niya maaatim na muli itong mawala sa piling niya. Limandaang taon niya itong hinanap at hinintay na magbalik, hindi siya papayag na muli siya nitong iwan.

Hindi siya mapalagay, tila may kakaiba sa pagkatao ng babaeng kasama ni Fate. Bukod pa roon, binabagabag din siya ng kaalamang taglay ni Fate ang kasanaan, dahil sinumang may hawak niyon ay nagiging lapitin ng masamang elemento.

Ilang daang libong taon na ang nagdaan nang maganap ang digmaan sa pagitan ng Kaluwalhatian at Kasamaan. Tinipon lahat ni Sitan ang masamang elemento sa buong Kalupaan at nilikha nito ang kasanaan para gapiin si Bathala at ang Kaluwalhatian. Taglay ng kasanaan ang kapangyarihang patayin lahat ng diyos.

Ngunit nabigo si Sitan nang magkaisang lahat ang mga diyos ng Kaluwalhatian. Nagtulungan ang mga itong lipulin ang hukbo ni Sitan at natalo niya sa duwelo ang diyos ng Kasamaan. Bilang parusa, ipinatapon ito ni Bathala sa Kalupaan at namuhay bilang isang mortal. Kinuha ni Bathala ang kasanaan at ipinagkatiwala iyon sa pangangalaga ng diyos ng Araw na si Adlaw Apolaki. Mapanganib ang kasanaan kaya hindi niya maisip kung paano iyong napunta sa kamay ni Fate.

Inilibot niya ang tingin at napatigil siya sa kinatatayuan nang mabasa ang mga letrang nakasulat sa sign board na nasa harapan niya. Tumaas ang isang sulok ng kanyang labi. "Club Mayari," anas niya. Isa iyong masamang pangitain.

Humahangos siyang pumasok sa loob ng gusali. Nang makapasok ay agad niyang naramdaman ang masamang presensiya sa buong paligid. Nagkalat ang malakas na kapangyarihan ng Buwan sa loob.

Hindi mga tao ang laman ng club kundi mga elemento at maligno. Itinago niya ang kapangyarihan at tinungo ang bar. Natawag ng nilalang na iyon ang pansin niya, hindi siya maaaring magkamali, ito ang tagapagbantay ni Bulan Mayari, walang iba kundi ang Bakunawa.

Nagtama ang mga tingin nilang dalawa at nakakaloko itong ngumiti sa kanya. Hindi niya nagustuhan ang inasal nito. Masyado itong mayabang, isa lamang itong hamak na bantay. Nangitim ang mga mata niya, at inilabas niya ang itinatagong kapangyarihan. Nagpatirapa ang lahat ng mga nilalang sa kanyang paligid nang maramdaman ng mga ito ang kanyang presensiya. Naglakad siya sa gitna ng mga ito at nahawi ang mga nakaharang sa kanyang daraanan.

Kahit hindi siya makapagpalit ng anyo, taglay niya pa rin ang kapangyarihan ng diyos ng Karagatan. Nararapat lamang na matakot ang mga ito sa kanya.

Mapait siyang napangiti nang kumudlit ang kirot sa kanyang dibdib, kung hindi lang natuklasan ni Maganda ang tunay niyang katauhan, naging masaya sana ang pagsasama nilang dalawa. Lumitaw sa isipan niya ang imahe ng babae nang magpatiwakal ito sa harapan niya. Sa tuwing naaalala niya ang araw na iyon ay parang dinudurog ang puso niya.

Pagkatapos nitong itarak ang punyal sa dibdib niya ay hindi na siya muling nakapagpalit ng anyo bilang isang diyos. Nawala ito sa piling niya at hindi na siya muling nakabalik sa Kaluwalhatian.

Naiwan siyang mag-isa at nagdurusa.

Tinalikuran niya ang lahat at naglahong parang bula sa ibabaw ng lupa. Tahimik siyang namuhay bilang mortal habang hinahanap si Maganda. Nagpabago-bago ang katauhan niya habang mabilis na lumilipas ang panahon. Nagtago siya kay Bathala at tuluyang kinalimutan ang tungkulin niya bilang isang diyos.

Naging parte siya ng kasaysayan. Naging isang pangkaraniwang tao na sumapi sa mga rebolusyon at nakidigma sa giyera. Naging isang mangangalakal at espiya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naging mayamang hasyendero siya at namuhay ng maalwan. Namundok siya at naging isang guerilla upang tuligsain ang tiwaling pamahalaan. Sa dami nang naging katauhan niya, hindi na niya namalayan ang paglipas ng panahon.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon