Kanina pa ko gising ngunit nakatulala lang ako sa kisema nang aking kwarto. Hawak ang librong di ko naman binabasa. Naging libangan ko na ang pagbabasa nang mapadpad ako isang beses sa aklatan. May isang kwarto pala dun na puno nang libro, sabi naman ni Nanay Lydia at Jonas pwede daw ako kumuha nang libro dun kung gusto ko. Pero walang pumasok sa isip ko kundi ang kahapon. Bumabalik sa alaala ko ang nangyari kahapon, kung paano ko napahiya ang sarili ko at kung ano naging takbo ng hapunan namin.
Ayoko na nga sana kumain ng hapunan ngunit alam kong di papayag si Nanay Lydia at magtatanong lamang iyon kung bakit ayaw ko kumain. Hindi ko na nga alam kung paano ko pa natapos ang aking lutuin nang gabing yun sa sobrang kahihiyan at di ko rin alam kung paano natapos ang hapunan nang di ako nilalamon ng lupa. Buti nalang ay kasabay namin ang Nanay sa hapag.
Napabaling ako sa pintuan nang makarinig ako nang marahang katok sa pintuan. "Apple hija. Natutulog ka pa ba?" nagtataka siguro ito kung bakit nasa kwarto padin ako nang gantong oras. Sanay kasi ito na maaga ako nagigising. Maaga naman ako nagising pero di ko magawang bumangon. "Hija, hindi ka maaring malipasaan. Mag aalas nuebe na." Napabuntong hininga ako.
"Opo nay!" simpleng sagot ko. Siguro naman ay nakauwi na siya. Hindi naman iyon nag tatagal dito. At saka Lunes ngayon, malamang ay kailangan nun pumasok sa opisina. Baka kaninang madaling araw pa ito tumulak pa-Maynila.
Tumayo ako at inayos ang akin buhok sa harap nang salamin. Napahawak ako sa aking tiyan. Malaki na ang aking tiyan. Maglilimang buwan na din ito. Sabi sa akin ni Doc Jenna ay pwede na malaman ang gender nito pero dahil ang monthly check-up ko sa kanya ay dito lamang sa bahay ay hindi maaring malaman ang kasariaan nito. Pwede naman daw pumunta sa ospital sa bayan para malaman ang kasarian nito. Gusto ko man malaman ay wala naman akong sapat na pera para rito.
Magaan akong ngumiti.
"Baby, lalaki ka ba o babae? Kahit ano ka pa. Mahal na mahal ka ng Nanay." Unti unti nawala ang aking mga ngiti nang may maalala. Hindi nga pala ako ang tatayong ina nang batang nasa sinapupunan ko.
Parang napakalaking punyal ang wumarak sa aking puso sa isiping ito.
"Mahal na mahal kita." Naiiyak kong usal habang hawak ang aking tiyan.
Natagalan ako sa pagbaba at nakita kong may hawak nang tray si Nanay Lydia. "Akala ko'y di ka pa baba, balak ko na sana iakyat ang pagkain mo. Baka kako masama ang pakiramdam mo." Mabilis ako napailing. Nakakahiya at pinagalala ko pa si Nanay. "Osiya kumain kana dito."
Mabilis akong tumango at umupo pero pinagala ko ang mata ko sa paligid. Tama ako, wala na nga ito. Malamang ay maaga itong tumulak pa-Maynila.
Gusto ko sana tanungin si Nanay kung anong oras ito umalis pero tinapunan ako nang hiya. Baka ano isipin pa nito sa pagtatan ong ko.
Sa kalagitnaan nang pagkain ko, laking gulat ko nang makarinig nang yapak pababa sa hagdan papalapit sa kusina. "Nay, nagising na po ba si Apple?" pamilyar na tinig ang aking narinig. Halos mabilaukan ako sa aking kinakain at dali daling napainom sa gatas.
Hindi pa nakasagot si Nanay ay lumitaw na ito sa kusina at napatingin ako sa kanya. Ilang beses nagkurap kurap ang aking mata habang umiinom at nakatingin sa kanya.
"Ayan" turo pa niya sa akin "Balak ko na sana dalhin ang agahan sa kwarto at baka kako masama ang pakiramdam pero bumaba na din naman."
Kumunot ang noo nito at unti-unting lumapit sa akin. Ano! Saan ba pwede magtago? Nakatitig sa akin ang mga itim nitong mata. Mabilis ako yumuko. Hindi ko talaga kaya ang intensidad sa mga mata nito.