Thirty-six

2.6K 39 0
                                    

PINAGMASDAN ni Ygritte ang sarili sa salamin. Nangingitim ang ilalim ng kanyang mata at walang sigla ang kanyang anyo. Ilang linggo na ang nakalilipas pero gabi-gabi ay iniiyakan pa rin niya ang nangyari sa pagitan nila ni Jon. Nagawa nga nitong mapaghilom ang dating mga pilat niya pero lumikha naman ito nang panibago. Kung dati ay itinuturing niyang reward ang pagdating nito sa kanyang buhay, ngayon ay isa nang malaking sumpa ang tingin niya dito. Naiinis siya sa sarili dahil sa kabila nang masidhing galit na nararamdaman niya rito ay mas nangingibabaw pa rin ang pagmamahal sa kanyang puso. Pero desidido talaga siyang kalimutan ito. Wala na siyang balak magpauto at magpalinlang ulit dito.

"Ygritte," Nagulat siya nang biglang sumungaw ang ulo ng kanyang ina mula sa bukas na pinto ng kanyang silid. "May bisita ka."

Kahit hindi pa man nakikita ay agad na siyang nagkaideya kung sinong bisita ang sinasabi nito. Napipilitang lumabas siya nang kanyang silid at doon na bumungad sa kanya si Arya. Nakita niyang nakaupo ito sa may sala at matiyagang naghihintay sa kanya. Napabuntong-hininga siya. Magmula nang matuklasan niya ang tungkol sa usapan nito at ni Jon ay halos araw-araw na itong nagpupunta sa kanilang bahay. Paulit-ulit itong nanghihingi nang sorry sa kanya pero hanggang ngayon ay wala pa ring tugon ang sorry na iyon. Nahihirapan pa rin kasi siyang intindihin kung bakit nito nagawa ang bagay na iyon. Mahal niya ang kaibigan pero hindi pa talaga niya magawang buksan ulit ang puso para dito sa ngayon.

"Ygritte," inilapag nito sa center table ang orange juice na hindi man lang nito nabawasan. She could tell by one look na mayro'ng nagbago sa kaibigan. Walang buhay ang mga mata nito. "K-Kamusta ka na?"

"Okay lang," ang pormal na tugon niya rito bago naupo sa upuang katapat nito. "A-Anong ginagawa mo rito?"

Natigilan ito at hindi kaagad nagawang sumagot. Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. Mayamaya ay narinig niya ang pagbuntong-hininga nito.

"Ygritte, si Jon," Kumabog ang kanyang dibdib nang marinig niya ang pangalan ng lalaki. Gayunman ay ginawa niya ang lahat para hindi mahalata ng kaharap na malakas pa rin ang epekto nito sa kanya. Pinanatili niyang blangko ang kanyang ekspresyon. "He'll be flying back to England later at 12 noon."

Pakiramdam niya ay binuhusan siya nang malamig na tubig sa mukha sa narinig. Alam niyang dapat niyang ipagbunyi ang kaalamang aalis na ito dahil sa wakas ay hindi na rin siya magagambala nito at mas mapapadali para sa kanya ang kalimutan ito. Pero sa kasamaang palad ay hindi pagbubunyi ang nararamdaman niya kung hindi sakit. Nasasaktan siyang harapin ang katotohanang iiwan na siya nito pero mas masakit palang harapin ang katotohanang tuluyan na itong sumuko sa kanya.

"Great, then!" pinilit niyang umaktong masaya siya sa pag-alis nito kahit pa ang totoo ay nagdurugo ang kanyang puso. "Pakisabi, huwag na siyang babalik."

"P-Pero, Ygritte," puno nang pagsusumamo ang tinig ni Arya. "Mahal ka niya at alam kong mahal mo rin siya."

Natigilan siya sa narinig na huling tinuran nito. Bakit ba kailangan nitong ipilit ang isang bagay na hindi naman totoo. Nasasaktan lang siyang lalo, eh. Alam niya namang dala lang ng awa at pakiusap nito kaya siya niligawan ng lalaki. Walang anumang totoo sa mga ipinakita at mga sinabi nito sa kanya.

"Oh, come on, Arya! Pwede bang tigilan na natin ito? Alam naman nating parehong isang malaking set-up lang ang lahat, eh." Ito naman ang natigilan sa pagkakataong iyon. "At kung ang gusto mong marinig ay kung minahal ko ba siya, yeah, I did!" Nakagat niya ang lower lip niya sa pinipigilang emosyon. "I did love him but he chose to broke my heart." Naramdaman niyang nangingilid na ang kanyang mga luha kaya dali-dali na siyang tumayo bago pa tuluyang lumantad rito ang tunay na emosyon. "Now, if you'll excuse me."

Pagkasabi niyon ay iniwan na niya ito at nagmamadaling nagtungo sa kanyang kwarto. Laglag ang mga balikat na wala na itong nagawa kung hindi ang umalis. Nang masigurong nakaalis na ito ay saka niya pinakawalan ang pinipigilang emosyon. She cry, and cry, and cry hanggang sa pakiramdam niya ay mapupugto na ang kanyang hininga. Naulinigan yata ng kanyang ina ang kanyang mga hikbi kaya dali-dali itong tumakbo patungo sa kanyang kwarto.

"Ygritte, anak," nahahabag na sabi nang ina nang makita siya. Hindi lingid rito ang nangyari at alam niyang ginagawa nito ang lahat para damayan siya. Gayunman ay pinipilit niyang magpakatatag kapag nasa harap nito. She can't explain pero hindi niya pa rin magawang mag-open-up rito nang lubos after all those years. Lumapit ito sa kanya at yumakap sa kanya. "Ssshh, tama na iyan."

Hindi na niya napigilan ang sarili. Tinugon niya ang yakap nito at umiyak siya sa mga balikat nito. Nang mga sandaling iyon pakiramdam niya ay nagbalik siya sa nakaraan. Sa hospital na iyon kung saan niya inilabas lahat nang hinanakit niya at una itong nanghingi nang tawad sa lahat ng mga kasalanan nito at nang ama. Pagkatapos niyon ay hindi na ulit niya hinayaang makita siyang umiiyak nito kahit kailan. Ito ang unang pagkakataon na hindi niya nagawang kontrolin ang emosyon sa harap nito. Sa isang iglap, pakiramdam niya ay biglang nagiba ang harang na naghihiwalay sa kanila nang ina, at muli nilang natagpuan ang isa't-isa pagkatapos nang maraming taon.

"Anak, kasalanan namin ng iyong ama kung bakit naging miserable ka sa loob nang mahabang panahon. At alam ko, diyan sa loob mo, may parte pa rin na hindi pa rin kami nagagawang mapatawad nang lubos. Hindi ako magsasawang humingi sa'yo nang tawad nang paulit-ulit dahil doon." Hinaplos-haplos nito ang kanyang likuran at nakaramdam siya nang kung anong ginhawa dahil doon.

"Ang lalaking iyon, kahit na hindi ka magsalita, alam kong siya lamang ang nakapagpalaya sa'yo sa pagiging miserable. Nararamdaman kong nagawa niyang iparamdam sa'yo na normal ka at walang anumang mali sa'yo o sa pagkatao mo." Natigilan siya sa narinig na tinuran nito.

"Nagawa mo nang makalaya sa anino nang nakaraan, anak. Huwag mo nang hayaang mangyari na naman ulit sa'yo iyon sa pangalawang pagkakataon. Hangga't wala kayong closure na dalawa ay makukulong lamang kayo sa hindi magagandang alaalang naiwan sa pagitan ninyo. Huwag mo na sanang paabutin doon habang hindi pa nahuhuli ang lahat." Sa isang iglap ay bigla siyang nalinawan sa mga sinabi nito.

"Hindi dapat basta matabunan nang isang pagkakamali lamang ang lahat nang magagandang alaalang pinagsamahan ninyo, anak. Kung masaya ka sa kanya, you should stick to his side. Kung mahal mo siya, sundin mo dapat ang puso mo. Mas mabuti nang sumugal at masaktan kaysa mabaon sa pagsisisi sa bandang huli."

Sapat na ang mga salita na iyon nang ina upang matanto niyang mali siyang basta na lamang niya pinakawalan ang lalaking minamahal nang hindi man lamang niya tunay na pinakikinggan ang mga paliwanag nito. Kumalas siya sa pagkakayakap ng ina at sinulyapan ito. Nakangiting tumango ito sa kanya na wari ba'y kahit hindi siya magsalita ay nababasa nito ang tumatakbo sa kanyang isip.

"Thank you, ma." ang kanyang ipinahayag. "Nang dahil po sa mga sinabi ninyo ay nalinawan ako." she smiled at her. "Pupuntahan ko po siya."

She Will Be Loved [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon