Twelve

3.3K 52 0
                                    

NAGMULAT ng paningin si Ygritte matapos umalingawngaw ang malakas na tunog ng alarm clock sa kanyang kwarto. Kahit na halatang inaantok pa ay pinilit na niyang bumangon. Pinatay niya ang alarm clock at saka naghihikab na nag-inat. Sa hindi malamang dahilan ay hindi siya tinantanan ng alaala ni Jon kaya late na siya nakatulog kagabi. Pero hindi iyon sapat na dahilan para magpatanghali siya sa banig lalo pa't maaga ang pasok niya sa opisina nang araw na iyon. Ipinilig-pilig niya ang ulo nang matagpuan ang sariling muli na namang inaalala ang gwapong mukha nito at sa halip ay ang pagliligpit na lamang ng mga pinaghigaan ang kanyang pinagtuunan.

Nang matapos ay kaagad siyang pumasok sa banyo sa loob ng kanyang silid. Nagtoothbrush siya at nang maramdaman na nasa kondisyon na ang kanyang katawan ay naligo na rin siya. Nang makapagbihis at maiayos ang sarili ay lumabas na siya ng kanyang silid. Nabungaran niya ang kanyang ina na naghahain sa mesa ng kanilang umagahan.

"Oh, nakahanda ka na pala sa pagpasok sa trabaho." ang bati nito sa kanya. "Halika na muna rito at nang makapag-agahan tayo."

Dalawa lamang sila nang inang naninirahan sa paupahang apartment na iyon. Ang ama ay hindi na niya alam kung nasaan na ngayon. Kagaya ng ipinangako nito ay hindi na ito muli pang nagpakita sa kanila matapos niyang hilingin sa ina na huwag nang ituloy ang kaso laban rito. Hindi niya ikakailang nagtanim siya nang galit rito pero hindi niya kayang makita itong nabubulok sa kulungan. Sa kabila nang mga nangyari ay ito pa rin ang kanyang ama. Ito pa rin ang nagcontribute ng kalahati ng kanyang buhay. Alam niyang minahal siya nito, ngunit marahil, sadyang hindi lang talaga naging sapat ang pagmamahal na iyon para hangarin din nitong magkabuklod ang kanilang pamilya. Nagmatigas ang kanyang ina noong una ngunit nagawa niya rin itong makumbinsi sa huli.

Pagkatapos niyon ay lumipat sila sa apartment na tinitirahan nila ngayon. Hindi na ginusto pa ng kanyang ina ang bumalik sa dati nilang bahay. Ayon na rin kasi dito ay napakaraming masasamang alaala ang mayro'n sa bahay na iyon. Kahit siya ay hindi na rin gustong bumalik pa doon pagka't alam niyang paulit-ulit niya lang maaalala ang insidenteng sumira hindi lamang sa kanyang mukha kung hindi maging sa kanyang pamilya.

Nangutang ang kanyang ina sa isang kamag-anak nila ng perang pang-negosyo. Nagtayo ito nang isang maliit na ukay-ukay sa loob ng palengke at mula doon ay mag-isa siyang itinaguyod nito hanggang sa makatapos na siya ng kolehiyo. Pagkagraduate na pagkagraduate ay naghanap kaagad siya ng trabaho pagkat hindi niya gustong matambay sa bahay. Ang ibig kasi niya ay kumita na ng pera nang sa gayon ay makatulong siya sa mga gastusin nila sa bahay. Nahirapan siyang makahanap ng trabahong related sa kursong tinapos kaya naman sinubukan niyang mag-apply sa opisina kung saan natanggap naman siya. Ang sabi niya noong una ay temporary lang ngunit habang tumatagal ay nagustuhan na rin niya ang trabaho at sweldo kaya nag-stick na siya sa trabahong iyon. Sa kabila niyon, alam niya sa sariling hindi niyon magagawang palitan sa kanyang puso ang nag-iisang passion, walang iba kundi ang pagsusulat.

"Ygritte, okay ka lang ba?" natauhan siya nang rumehistro sa kanyang pandinig ang tanong na iyon ng ina. "Ang sabi ko, kumain na muna tayo."

Napakurap-kurap siya nang muling magbalik sa kasalukuyan ang kanyang diwa. Tumango siya sa ina saka dali-dali na itong sinamahan sa may hapag. Ilang sandali pa at magkasabay na silang kumakain.

"Siya nga pala, anong oras ang uwi mo mamaya?" ang tanong nito mayamaya. "Dito daw kasi maghahapunan ang mga kapatid mo."

"Mga ala-siyete po pero susubukan ko pong mag-out nang mas maaga." ang kanyang tugon. Paminsan-minsan lang madalaw ang kanyang mga kapatid doon at hindi niya gustong palampasin ang pagkakataon na makita ang mga ito. Isa pa'y gusto niyang makita ang mga pamangkin. Nababawasan ang stress niya sa trabaho kapag nakikita niya ang mga ito.

"Sige, hihintayin ka namin mamaya." ang tugon nito saka siya sinalinan ng kape sa tasa. "Bilisan mo na diyan at mahuhuli ka na."

Sumulyap siya a suot na wristwatch at kagyat na napailing-iling. Kagaya nga ng sabi nito ay mahuhuli na nga siya sa opisina. Mabilis niyang isinubo ang natitirang laman ng kanyang plato at dali-daling hinigop ang kanyang kape.

She Will Be Loved [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon