Nara
"Pero kailangan ko ang perang iyan." mahinang sinabi ko kay Papa. Nawala talaga ang antok ko nang marinig ko ang pagbukas ng pintuan. Kapag madaling araw kasi at biglang bumukas ang pinto ko, alam kong si Papa o si Mama lang iyon.
Pinapasok kasi nila ako sa kwarto para kuhanin ang perang iniipon ko.
Hindi niya ako pinansin at nagpatuloy lang sa pagkalikot sa drawer ko. Napabuntong-hininga na lang ako nang makita niya ang box na pinaglalagyan ko ng pera. Dali-dali niya itong binuksan at kinuha ang laman nuon. Kung tama ang pagkakaalala ko, tatlong libo mahigit ang pera ko sa box na iyon.
Bumangon ako sa kama at tumayo sa gilid ni Papa habang binibilang niya ang pera. Sa sobrang pagmamadali niya, dali-dali niya na lang ibinalik ang box sa drawer ko at lumabas sa kwarto. Isinara ko na lang ang pinto at bumalik sa pagtulog.
Mukhang luto na naman ang utak niya sa droga.
Gagamitin ko sana ang perang iyon para pamasahe at nang makaluwas ako pa-Maynila. Ang huling balita ko kasi noong isang taon ay duon pa rin naninirahan sina Lolo at Lola. Gusto ko na silang makasama dahil hindi ako masaya rito at lalo pa akong pinapatay ng mga taong nakapalibot sa akin.
Hindi ko alam kung bakit ganitong klase ng buhay ang mayroon ako. Isang eksena lang ang natatandaan ko na naging maayos ang trato sa akin nina Mama at iyon ay noong buntis pa siya sa nakababatang kapatid ko at limang taong gulang naman ako ng mga panahon na iyon. Isang gabi, bigla na lang ako nagising na nagtatalo sina Mama at puro dugo ang salas namin nang lumabas ako sa tinutulugan kong kwarto. Nang makalabas ako, hindi ko na sila nakita at bukod sa dugo, puro nakatumbang gamit ang bumungad sa akin.
Tanda ko kung gaano ako kalakas umiyak noong gabing iyon dala ng takot at kinaumagahan, nagising ako sa salas at wala rin sina Mama. Bigla na lang dumating si Papa at dinala ako sa hospital para lang makita na wala na ang malaking tiyan ni Mama habang nakahiga ito sa hospital bed.
Duon na nagsimula ang pagiging magulo ng buhay naming tatlo. Palagi na silang nag-aaway, pinababayaan na ako at nauwi pa sa puntong nagkaroon sila ng bisyo; si Mama ay sa sugal at si Papa ay sa alak. Ang pinakamalala ay ang pagdodroga nila.
Nang mag-umaga, pumasok akong muli sa eskwelahan na parang walang nangyaring pagnanakaw sa kwarto ko. Hindi ako kinausap ni Papa patungkol rito kahit pa naabutan ko siyang nag-aalmusal sa kusina namin.
"Miss Figueroa, muntikan nang mawala ang scholarship mo last year. Kung hindi pa dahil kay Miss Castro, malamang ay nasa iba na ang scholarship mo." pangaral ng dean sa akin habang prente itong nakaupo sa likod ng lamesa. "Bumababa na naman ang grade mo."
Hindi ako nakasagot sa sinabi niya. Kasalanan ko naman kasi naging pabaya ako sa pag-aaral dahil sa pag-aasam na makalikom ng pera para may maipangpamasahe papunta sa Maynila. Dala na rin ng pagtatrabaho kaya ang oras na ginagamit ko sana sa pag-aaral ay ipinang-O-OT ko. Ni hindi na nga ako nakakatulog ng apat na oras sa isang araw dahil sa pinaggagagawa ko. Kahit kasi walang pasok ay nasa trabaho ako. Pinapaalalahanan na nga ako ng amo ko pero pinipili kong huwag pakinggan dahil gusto ko nang makaalis sa lugar na ito.
Naramdaman ko ang paghawak sa balikat ko ng propesor ko, si Miss Castro. Napatingin ako rito at binigyan ako ng maliit na ngiti. "Nag-aalala lang ako sa iyo kaya ko sinabi kay dean. Alam kong may ibubuga ka pero kung magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng grado mo, baka bigla ka na lang alisin sa listahan ng mga iskolar."
"Salamat po. Gagawan ko na lang ng paraan." tugon ko kahit wala sa puso ko itong sinabi. Gusto ko na lang kasi makaalis rito dahil para akong napapagod sa pakikipag-usap sa kanila. Para bang kada isang salita na lumalabas sa kanila ay unti-unti nilang hinihila ang lakas paalis sa katawan ko.
![](https://img.wattpad.com/cover/203579574-288-k890390.jpg)
BINABASA MO ANG
Call Me Daddy (Completed)
RomanceNi minsan, hindi pinangarap ni Nara na magkaroon ng love life dahil isa lang naman ang gusyo niya; ang tahimik na buhay pero nagbago ang mga iyon dahil sa isang tao. Nabuhay siya sa magulong pamilya at hindi nakatulong ang mga ito sa mga pinagdaraan...