Nara
Isinara ko na lang ang mga mata ko habang pinipilit ang sarili ko na magpatangay sa antok na bumabalot sa akin pero kahit anong gawin ko, hindi ko magawa dahil sa sigawan na nanggagaling sa labas ng kwarto ko.
Pagod na ako sa kanila. Hindi na sila nagsawa sa pag-aaway. Minsan, iniisip ko kung paano nila nakakayanang magsama pa rin kahit na parati silang nagtatalo. Alam kong mahal nila ang isa't-isa pero para sa akin, hindi naman sapat iyon para manatili sa tabi ng isa't-isa kung gumigising sila para magbangayan.
"Ilang beses ko bang sinabi sa iyo na wala na nga akong pera?!" Napamulat ako nang marinig kong sumigaw si Papa at kasabay ng nakakabinging sigaw na iyon ay ang paggalabog ng kung anong bagay.
Mababawasan na naman kami ng gamit.
"Wala kang pera dahil sa punyetang alak na iyan! Kung hindi ka inom nang inom, sana hindi nauubos ang sinasahod mo!"
Pumaling ako pakanan at humarap sa pader habang nakahiga pa rin. Ipinikit ko na lang ulit ang mga mata ko dahil gusto ko na talagang matulog. Pagod ako at hindi sila nakakatulong. Pagod ako sa eskwelahan at galing pa ako sa trabaho kaya sana, bigyan naman nila ako ng katahimikan kahit isang araw lang.
Hinila ko ang kumot sa paanan ko saka ko ito ibinalot sa katawan ko. Mahirap na kasing magsakit dahil malamok ang lugar namin. Kahit nga magsindi ng katol, hindi na umuubra. Minsan gumigising na lang ako na may pantal na sa katawan dala ng mga lamok.
"Huwag kang magsalita na parang may kwenta ka! Kung hindi mo inuubos ang pera mo sa pagsusugal, may kinakain sana tayo!"
Gusto ko nang umalis rito pero hindi ko magawa. Wala kasi akong mapupuntahan at ang tanging kamag-anak ko lang na malapit ako ay ang lolo at lola ko. Alam ko naman papunta sa kanila pero hindi sapat ang pera ko. Gustuhin ko man mag-ipon, hindi ko magawa dahil minsan ay gumigising na lang ako na wala na ang itinabi kong pera.
Bukod sa pagkuha nila sa pera ko, ginagastusan ko rin ang sarili kong pag-aaral at pagkain dahil wala akong aasahan sa kanila. Simula nang tumuntong ako ng high school, naging malayo na ang loob ko sa kanila.
Marami na silang hindi ipinakitang maganda simula nang magkaisip ako hanggang ngayong college na ako. Kaya siguro ako ganito. Kaya siguro nabuhay na lang ako na nawalan ng gana sa lahat ng bagay, na nawalan ng gana para mabuhay.
Hindi ko rin alam kung bakit ko pa pinupursige ang pag-aaral ko. Hindi naman ako masaya sa pagpasok ko araw-araw. Wala naman akong pangarap na gusto kong abutin kung sakaling magkapagtapos ako.
Gusto ko lang ng katahimikan. Libre lang naman iyon pero ni isang beses, hindi ko nakuha ang bagay na iyan ng matagal. Nakakatawa nga kasi kung ano pang hindi ginagamitan ng pera, iyon pa ang hindi ko makuha-kuha.
Sana kasi hindi na lang ako nabuhay.
Hindi ko alam kung anong oras at paano ako nakatulog sa kabila ng pagbabangayan ng mga magulang ko. Hindi ko namalayan, nagising na lang ako dahil sa sinag ng araw na tumama sa mukha ko.
Bumangon ako sa kama saka kinusot ang mga mata ko. Medyo inaantok pa ako pero kailangan ko pumasok sa eskwelahan. Kinuha ko sa sulok ng kama ang salamin ko saka ko ito isinuot. Iniayos ko na rin ang kama ko bago ko napagpasyahang bumaba para tignan kung may pagkain sa lamesa pero tulad ng inaasahan, walang kalaman-laman ito bukod sa pangtakip ng ulam.
Napabuntong-hininga na lang ako saka dumiretso sa banyo para maligo. Nang makapagbihis na ako at makapag-ayos, umalis na ako sa bahay. Hindi na ako nag-atubiling magpaalam dahil alam kong wala naman silang pakielam.
"Ang lamig." Niyakap ko ang sarili ko saka ko hinagod ang magkabilang braso ko sa pag-aasam na mamatay ang lamig na nararamdaman ko pero walang nangyari. "Dapat pala nag-jacket ako."
BINABASA MO ANG
Call Me Daddy (Completed)
RomanceNi minsan, hindi pinangarap ni Nara na magkaroon ng love life dahil isa lang naman ang gusyo niya; ang tahimik na buhay pero nagbago ang mga iyon dahil sa isang tao. Nabuhay siya sa magulong pamilya at hindi nakatulong ang mga ito sa mga pinagdaraan...