5

2K 46 0
                                    

Nara

"Kakayanin mo ba ang mga gawain rito?" tumango ako habang nakasunod kay Lola at Lolo. "Halos lahat ng tao rito, nagtatrabaho na kahit bata pa." Itinuro ni Lola malawak na palayan sa kaliwa, na may mga taong nagsasaka kasama ang kalabaw nila. "Kalimitan, makakakita ka ng mga binata riyan. Sa hirap kasi ng buhay ng karamihan dito, napipilitan silang kumilos sa murang edad."

Nagpatuloy lang kami sa paglilibot nina Lolo, Lola at Travis sa palayan. Ang galing nga kasi halos walang ipinagkaiba ito sa nilalakaran ko sa dati kong tirahan.

Matapos ako ilibot at ipakilala sa mga kakilala nina Lola na nakasalubong namin ay dumiretso na kami sa bayan para mamili ng pang-stock. Naubusan na raw kasi sa bahay. Medyo humahanga lang ako kay Travis nang mapunta kami sa isang palengke.

Kung titignan kasi, base sa itsura niya, siya iyong tipo ng tao na mag-uutos na lang kaysa pumunta sa ganitong klase ng lugar. Sa puti at kinis kasi ng balat niya, para siyang tipo ng tao na maarte kasi mayaman pero iyong ibang nadadaanan namin, binabati pa siya. Mukhang sikat siya rito. Hindi naman nakakapagtaka kasi angat na angat ang itsura at kulay niya rito. Kung tutuusin, mas maputi pa nga siya sa akin. Masasabi kong maputi naman ako pero hindi ganuon kagrabe.

"Alam mo," ani Lolo matapos ako akbayan. Nakatingin lang siya kay Travis at kay Lola na masayang nakikipag-usap sa isang tindera na nagbebenta ng mga prutas. "Natutuwa ako sa batang iyan. Ang laki ng ipinagbago."

"Ano pong ibig niyo sabihin?" Napako na rin ang tingin ko rito at pinanuod kung paano magtaas baba ng bahagya ang mga balikat dala ng pagtawa.

Simpleng asul na t-shirt at basketball shorts lang ang suot niya pero ang lakas ng dating niya. Iyong ibang dumadaan, napapatingin na lang rin sa kaniya, eh. Iba talaga kapag anak mayaman.

"Hindi kasi iyan ganiyan nang pumunta kami rito. Bago kasi kami kontratahin pabalik ng pamilyang Eru para manilbihan ulit sa anak nila, isang buwan mag-isang nanirahan si Travis dito." Bumuntong-hininga siya saka ko naramdaman ang tinging itinapon niya sa akin kaya nilingon ko rin siya. "Nang dumating kami, sobrang payat niya at talagang mahahalata mo na pinababayaan ang sarili. Tatlong buwan rin siyang nagkulong sa kuwarto niya at halos ayaw na lumabas."

"May... may nangyari po ba?" Hindi ko maiwasang mag-isip ng mga bagay-bagay kung bakit sinasabi sa akin ni Lolo ang mga bagay na ito o kung dapat ko ba itong malaman. Hindi ko naman kasi kailangan alamin ang buhay ng amo namin. Kung ano man ang gawin nito sa buhay ay labas na kami, maliban na lang kung hilingin nito o ng magulang nito na alagaan namin ito.

"Hindi ko alam kung anong nangyari. Masyado kasing masikreto ang batang iyan dati pa man. Natutuwa lang talaga ako dahil nagbunga ang pag-aalaga namin sa kaniya."

Hindi na ako nagtanong nang tumingin na sina Lola sa amin. Nakabili na sila ng ilang piraso ng mangga at mansanas saka sila lumapit sa amin. Nagtatakang tinignan ko naman si Travis nang lumapit siya sa akin at iniabot ang plastic ng mga prutas. Nagkibit-balikat na lang ako nang maalala kong kailangan ko pala siyang pagsilbihan.

Medyo marami ang pinamili namin at kaming tatlo na lang nina Lolo ang nagbuhat. Nang makabalik kami sa bahay, dali-daling inilagay ni Travis sa lamesa sa kusina ang mga bitbit niya saka patakbong umakyat sa ikalawang palapag. Hindi ko alam kung bakit siya nagmamadali pero hindi ko na lang inintindi at tumulong na lang kina Lola sa pag-aayos ng mga pinamili.

Nang matapos, umakyat rin ako't kinuha ang librong binabasa ko sa kwarto saka ako bumaba at pumwesto sa duyan sa balkonahe. Napapikit ako't sinimulang iuga ng marahan ang duyan. Bago ko isinampa ang mga paa ko, hinubad ko muna ang tsinelas ko dahil ayoko namang marumihan ang duyan.

Maraming bagay ang tumatakbo sa isip ko. Bukod sa sobrang sarap sa pakiramdam na kahit papaano ay nakalaya na ako sa buhay na mayroon ako kina Mama, iniisip ko rin kahit papaano ang kalagayan nila. Mahal ko sila pero may hanggangan naman ang pagmamahal na iyon.

Call Me Daddy (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon