Nara
Malalim na ang gabi pero heto pa rin ako sa labas ng bahay. Hindi kasi ako makatulog. Kahit anong puwesto ang gawin ko sa kama, wala pa rin nangyayari. Kahit yata uminom ako ng gatas ay hindi ako dadapuan ng antok.
Dalawang araw na lang, Pasko na. Hindi ko maiwasang mapabuga ng hangin sa tuwing sasagi sa akin ang katotohanang iyon. Ilang Pasko na kasi ang nagdaan at sa lahat ng mga iyon, parang normal na araw na lang sa akin.
Bata pa ako. Hindi ko dapat nararanasan ang mga ganitong bagay; dapat ay nag-aaral ako ng mabuti para sa kinabukasan ko, nakikipagtawanan sa mga kaibigan ko, bumubuo ng pangarap para sa kinabukasan ko, yumayakap at humahalik sa pisngi ng mga magulang ko at hindi mapapagod na ulit-uliting sabihin sa kanila na mahal ko sila.
Hinila ko pataas ang mga paa ko at isinampa ito sa duyan. Binalanse ko muna ang sarili ko saka ko niyakap ang mga hita ko. Ipinatong ko rin ang baba ko sa mga tuhod ko at tinignan ang mga puno sa gilid ng bahay.
Alam ko sa sarili ko na ipinagpapasalamat ko na narating ko ang lugar na ito at kasama sina Lola pero sa sobrang katahimikan ng baryo na ito, mas lalong dumarami ang mga iniisip kong bagay-bagay.
Ang daling sabihin ng iba na huwag mo isipin, huwag ka mag-sip ng kung ano-ano at kung ano-ano pa pero masabi pa kaya nila ang mga katagang iyan kung nararanasan nila ang nararanasan ng mga katulad ko? Masasabi pa kaya nila iyan kung alam nila ang nararamdaman ko? Ilang beses na akong sinabihan na nag-iinarte dahil sa mga bagay na iniisip ko, sa mga ikinikilos ko pero tanging hilaw na ngiti lang ang iginaganti ko sa kanila kasi hindi nila alam kung bakit ako nagkakaganito. Walang silang ideya na araw-araw akong pinapatay ng sarili kong pag-iisip.
Wala silang alam.
"Gusto ko na matulog." bulong ko sa sarili ko. Ang gara nga kasi kahit na galing ako sa trabaho, gising na gising pa rin ang diwa ko.
Mababait ang mga kasamahan ko. Sa ngayon, wala pa sa sampo ang bilang ng tauhan ni Sir William sa restaurant kaya nitong mga nakaraang araw, simula nang magtrabaho ako, naintindihan ko na kung bakit kinailangan nila mag-hire ng tao. Dinadayo kasi ang restaurant niya kaya pati mga Amerikano at iba pang lahi ay nagiging customer namin.
Wala akong masabi sa kabaitan ng amo namin. Gusto na nga siyang patayuan ng rebulto ng mga kasamahan ko dahil sa kabaitan niya. Kahit kasi siya ang may-ari ng restaurant, tumutulong siya sa pagluluto o kaya nama'y sa pag-se-serve sa mga tao.
Bumalik ako sa pagkakahiga sa duyan at ipinikit ang mga mata ko. Wala naman sigurong mangyayari sa akin rito dahil mababait ang mga naninirahan dito. Alam kong hindi ko pa sila nakikilalang lahat at mabibilang pa sa kamay ang mga nakausap ko na pero wala naman silang babala na sinabi para maging maingat ako sa paligid ko.
Kung mayroon man kasing dapat katakutan rito ay si Travis iyon.
Ilang minuto na ang lumipas pero wala pa rin. Talagang hindi ako makatulog kaya pumasok ako sa bahay at kinuha nag pitaka ko. May pera pa naman akong natitira kaya minabuti ko na lang na kumain. Dumiretso ako sa kaisa-isang tindahan sa baryo pero sakto naman na nagsasara na ang anak ng may ari nito.
Mukhang naramdaman nito ang presensiya ko dahil tumigil ito sa pagtatapal ng mga kahoy sa tapat ng tindhan at nilingon ako. Nanglaki ang mga mata nito at kaagad na nagkamot ng batok. "M-Magandang gabi." nahihiyang sinabi nito matapos bumaling paharap sa akin. "May kailangan ka ba?"
"Oo sana. Gusto ko sanang bumili ng pagkain pero nakapagsara na kayo kaya hindi bale na lang."
Ipinasok niya ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng short na suot saka ako binigyan ng maliit na ngiti. "Puwede pa naman kita pagbilhan. Ano bang gusto mo?"
BINABASA MO ANG
Call Me Daddy (Completed)
RomanceNi minsan, hindi pinangarap ni Nara na magkaroon ng love life dahil isa lang naman ang gusyo niya; ang tahimik na buhay pero nagbago ang mga iyon dahil sa isang tao. Nabuhay siya sa magulong pamilya at hindi nakatulong ang mga ito sa mga pinagdaraan...