Nara
Hindi ko alam kung bakit niya ako gusto kausapin. Siguro para pagalitan dahil sa inasta ko kahapon? Hindi ko alam. Ang tanging alam ko lang ngayon ay kinakabahan ako – natatakot dahil baka ura-urada niya akong palayasin.
Isinuot ko ang salamin ko saka ako dumiretso sa banyo para mag-ayos at nang matapos ay pumunta ako sa harap ng pintuan ni Travis. Hindi pa man rin kami nagkakaharap, feeling ko sobrang init at any moment, babagsak na ang mga pawis ko. Ganuon ako kakaba. Bumuga ako ng hangin bago ko kinatok ang pinto.
Bahala na.
"Pasok." Mas bumilis ang tibok ng puso ko nang mahawakan ko na ang seradura ng pintuan. Pakiramdam ko, nang pihitin ko ito, para na akong nalagyan ng timer at kapag naubos ang oras nito ay ikamamatay ko.
Minsan talaga, kung ano-ano naiisip at nararamdaman ko na wala sa hulog.
Nakatungong pumasok ako at nang sabihin niyang isara ang pintuan, iniangat ko ang ulo ko. Nakaupo siya sa harap ng lamesa niya, kung saan nakapatong ang laptop at iba pang gamit niya. May tray din duon na may dalawang baso at dalawang bowl na may takip.
"Bakit?" Napahigpit ang hawak ko sa Chuckie nang lingunin niya ako. Hindi ko alam kung bakit pero maaliwalas ang itsura niya ngayon; hindi galit, badtrip – hindi masama ang tinging ipinupukol niya sa akin kaya parang gusto ko na lang lumabas dahil hindi na normal ang tibok ng puso ko.
Ganito ba kapag nagkaka-crush? Hindi naman ako ganito sa dati kong minahal. Kay Travis, umaliwalas lang ang ekspresyon, para nang nagwawala ang puso ko. Siguro kasi nasanay ako na lagi niya akong tinitignan ng masama at talagang natutuwa lang ako kasi ngayon lang siya humarap sa akin ng ganito?
Siguro.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo saka iniayos ang detiklop na upuan na kinuha niya sa gilid. "Halika."
Habang papalapit, ramdam na ramdam ko pa rin ang pagkain ng kaba sa buong pagkatao ko. Halos ayaw na gumalaw ng mga paa ko papunta sa kinaroroonan niya dahil sa takot na baka bulyawan niya ako. Pero posible ba na sigawan niya ako gayong maayos ang aura niya at binigyan pa ako ng Chuckie?
Nakagat ko ang ibabang labi ko nang dumapo ang mga mata ko sa hita niya. Naka-boxer shorts lang kasi siya, na ugali niya yata dahil tuwing nasa bahay ay ganiyan ang suot niya. Kaagad rin akong umiwas ng tingin at umupo dahil ayokong makita niya akong nakatitig sa mga hita niya. Ayokong isipin niya na pinagnanasahan ko siya.
Walang nagsalita sa amin nang makaupo na kaming parehas sa harap ng lamesa. Tumingin na lang ako sa bintana habang pinagmamasdan ang pagbagsak ng mga patak ng ulan. Pumapasok rin ang malamig na simoy nito kaya gumaan kahit papaano ang nararamdaman ko.
Hindi ko alam kung bakit hindi pa rin siya nagsasalita gayong alam naman siguro niya na hinihintay ko siyang mauna magtanong o ano. Nakikiramdam? Hindi ko alam. Siguro hihingi na rin ako ng tawad dahil sa mga inasal ko kahapon. Alam kong may mali rin siya pero pamamahay niya ito kaya karapatan niya gawin ang kahit anong gusto niya. Mali ako dahil kahit amo siya, kinalaban ko siya.
Tama. Siguro nga hihingi na rin ako ng tawad.
"Ano palang pag-uusapan natin?" pagbasag ko sa katahimikan saka ko tinignan ang bowl na may takip dahil sa usok na lumalabas mula rito.
"Kumain ka na ba?" Nagtaka ako sa tanong niya dahil alam naman siguro niyang kagigising ko lang dahil kinatok niya pa nga ako sa kwarto pero umiling na lang ako bilang sagot.
"Hindi pa."
"Nagpaluto ako kay Lola Tes ng noodles." Binuksan niya iyong bowl saka itinabi ang mga nakatakip rito. Inialis niya iyong mga bowl mula sa tray pati na ang mga baso saka inilagay sa harap namin. "Umuulan kasi nang magising ako kaya naisip kong kumain ng noodles." Inabot niya iyong kutsara na nakapatong sa tissue sa gilid ng tray saka ito iniabot sa akin. "Kumain ka muna."
BINABASA MO ANG
Call Me Daddy (Completed)
RomanceNi minsan, hindi pinangarap ni Nara na magkaroon ng love life dahil isa lang naman ang gusyo niya; ang tahimik na buhay pero nagbago ang mga iyon dahil sa isang tao. Nabuhay siya sa magulong pamilya at hindi nakatulong ang mga ito sa mga pinagdaraan...