39

588 19 0
                                    

Nara

Mahigpit na yakap ang natanggap ko mula sa sinasabi ni Daniella na pamilya namin. Nang makita ako ng mga ito, halos hindi sila makapaniwala at bago pa man ako makabati pagkarating namin sa salas ng bahay na tinitirahan ng mga ito, nag-unahan na sila sa pagyakap sa akin.

May kung anong saya ako na nararamdaman sa dibdib ko habang nakayakap silang lahat sa akin. Para bang pinatay ng yakap nila ang pangungulila ko sa pamilya. Hindi ko pa kumpirmado kung totoo ngang pamilya ko sila dahil hindi pa nasisimulan ang DNA test pero iyong lukso ng dugo? Ramdam ko.

Kung totoo ngang pamilya ko sila, ibig ba sabihin, ampon lang ako ng mga kinalakihan kong mga magulang? Bakit rin ako nahiwalay sa kanila? Hindi ko maintindihan kaya nakiusap ako sa kanila na kung puwede, mag-usap muna kaming lahat. Pinaupo nila ako sa pang-isahang upuan habang nasa likuran ko si Daniella. Si Kuya Carlo, nakaupo sa isa pang pang-isahan at sina Ate Carla, Mama at Papa ay nakaupo sa pahabang sofa.

"Naiintindihan ko na pinalalabas anak niyo ako pero hindi pa rin po kasi ako makapaniwala."

"Nara, magkamukha tayo. Hindi pa ba sapat na ebidensiya ito na magkapatid tayo?" sabi ni Daniella saka ako hinawakan sa magkabilang balikat. "Kaya rin tayo magpapa-DNA test mamaya para mapanatag ka at nang makumpirma natin na magkapatid tayo."

"Kung totoo nga, bakit po ako nahiwalay sa iniyo?" tanong ko pagkabaling ko ng atensyon kina Mama at Papa.

Nagkatinginan sila saka bumuntong-hininga si Mama. "Bata pa kasi kayo nang mapagpasyahan namin na ipaampon ka. Walang-wala kami noong mga panahon na iyon. Pareho kaming walang trabaho ng Papa mo at halos toyo't mantika na lang ang iniuulam namin. Bata pa lang naging sakitin ka na. Hindi namin gusto pero kailangan namin magsakrepisyo. Ipinaampon ka namin sa kaibigan namin na alam naming makakatulong sa iyo. Gusto ka naming bawiin sa kanila pero kapag nakikita ka naming hirap na hirap dahil sa mga nararamdaman mo, iniisip na lang namin na para sa ikabubuti mo iyon.

"Hinanap ka namin. Kahit alam namin na para sa kapakanan mo ang pagpapaampon sa iyo, nagsisi pa rin kami. At sa tuwing makakaramdam kami ng pagsisisi, iniisip na lang namin na kung hindi ka namin ipinamigay, buhay ka pa kaya?

"Hindi namin kayo matagpuan. Kung saan-saan na kami nakarating, hindi ka pa rin namin makita dahil biglang lumipat ang mga kaibigan namin na umampon sa iyo. Wala silang sinabi sa akin, sa amin ng Papa mo. Alam namin na naging masamang magulang kami pero sana maintindihan mo kung bakit kailangan namin gawin ang bagay na iyon. Hindi namin ginustong ipamigay ka."

"Hindi rin namin alam na pinalitan ang pangalan mo. Nakiusap kami sa kanila na huwag palitan ang pangalan mo para man lang kahit sa pangalan, may maipamana kami sa iyo." Napatingin kami kay Papa nang magsalita ito. "Danielle ang ipinangalan sa iyo. Danielle Clemente habang ang kambal mo naman ay Daniella. Siya ang panganay sa iniyong dalawa. Kaya pagpasensiyahan mo kami kung minsan, matatawag ka namin ng Mama mo sa pangalan na ibinigay namin sa iyo. Nasa kanila rin ang birth certificate mo kaya hindi ko maintindihan kung bakit lumaki ka na Nara ang ginagamit mong pangalan dahil imposibleng hindi mo man lang nakita iyon."

"Danielle..." pabulong na sinabi ko sa sarili ko. Ang sarap pakinggan pero kung gagamitin ko ang pangalan na iyon, hindi ba parang tinalikuran ko na ang buhay ko bilang Nara? Kasi nakakabit sa Nara na iyon ang lahat ng paghihirap ko habang ang Danielle naman, heto, para sa bago kong buhay.

Hindi na tumigil si Mama sa pag-iyak simula nang magkuwento siya. Pilit itong pinakakalma ni Ate Carla sa pamamagitan ng paghagod sa likod nito. Medyo na liliwanagan na rin ako kahit papaano dahil sa ginawang pagpapaliwanag ni Mama.

Kaya siguro hindi ako nakuhang mahalin ng lubos ng mga kinilala kong magulang. Plano ko pa man rin silang puntahan nang matapos kami mag-usap ni Travis pero siguro, mas maigi nang hindi na lang. Aminin ko man kasi o hindi, alam ko sa sarili ko na may sama pa rin ako ng loob sa kanila.

Call Me Daddy (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon