9

1.5K 36 4
                                    

Nara

Nakaramdam ako ng inis kay Travis dahil sa ginawa niyang pangbabastos sa amo ko. Wala naman itong ginagawang masama, nakuha pa nga nitong bigyan kami ng discount pero bigla na lang siyang umasta na parang pag-aari niya ang buong lugar na ito.

Nakasimangot lang ako habang hila-hila niya pa rin ako sa kamay. Alam kong pati sina Lola ay nagtataka sa inasta ni Travis dahil bakas ito sa mukha nila. Kahit ako ay napapaisip kung bakit biglang ganuon ang inasta ng lalakeng ito.

Magkaaway ba sila? Magkakilala at hindi nila gusto ang isa't-isa? Malabo pero hindi kaya ay past lovers sila at hindi naging maganda ang breakup nila? Hindi ko na alam kung anong pinag-iiisip ko.

Ang nakakainis rin, hindi pa ako tapos sa shift ko, kahit na nag-terminal lunch ako, tapos bigla niya na lang ako hinila. Natatakot naman ako na magreklamo dahil baka ura-urada niya akong patalsikin sa bahay gayong wala pa ako pang-down sa uupahan ko.

Napunta kami sa isang kainan kaya nagsalubong ang mga kilay ko dala ng pagtataka. Karindirya kasi ito. Sa itsura nitong lalakeng ito, aakalain mong maarte ito sa pagkain at hindi kumakain sa mga ganitong lugar pero heto kami ngayon at nakapila na. Nakakamangha rin dahil anak siya ng mga sikat na artista pero heto siya't nasa karindirya.

"Maupo na po kayo. Ako nang bahala; alam ko naman mga paborito niyo." Bahagyang nginitian niya sina Lolo nang makita niya itong nakangiti rin sa kaniya.

Hinila naman ako ni Lola hanggang sa makaupo kami sa harap ng pahabang lamesa. Medyo nag-aalangan pa akong umupo kasi nahihiya ako't wala akong pangbayad. Sa totoo lang, ayoko magpalibre. Baka kasi bigla na lang isumbat sa akin.

"Lolo, Lola, sorry po pero bayaran niyo po muna iyong sa akin." nahihiyang pakiusap ko pagkaupo namin. "Naiwan ko po kasi iyong mga gamit ko sa restaurant."

Ngumiti si Lolo sa akin saka hinawakan ang kamay ko. "Huwag mo na intindihin ang babayaran; sagot na raw ni Travis ang kakainin natin."

Napatingin ako kay Travis na abala pa rin sa pakikipag-usap sa ale na nasa counter. Napabuntong-hininga na lang rin ako dahil pang-apatan ang lamesang ito. Magkatabi sina Lolo sa kabilang banda at ang bakanteng silya naman ay nasa tabi ko. Puwede akong umupo sa dulo pero mahahalata naman niya ang pag-iwas ko. Malamang sa malamang ay mapaisip ito kung bakit hanggang ngayon ay umiiwas pa rin ako gayong, in a way, para niya akong katulong.

Kung ngumiti siya sa ibang tao, akala mo kung sinong mabait pero pagdating sa akin, lumalabas ang mga pangil niya. Hanggang ngayon, dinadala ko pa rin ang mga sinabi niya sa akin noong araw na sinampal ko siya. Pilit kong kinakalimutan ang mga iyon pero mas lalo ko lang naalala at sa tuwing nangyayari iyon, mas bumibigat ang pakiramdam ko.

Hindi ko lang kasi matanggap na nadagdagan na naman ang mga taong may disgusto sa akin. Alam kong normal para sa mga tao na kaayawan ako dahil sa kaartehan ko pero ano bang magagawa ko? Ito ako, eh.

I hate people like you.

Nakakairita ka na.

Ayoko sa mga taong maliliit ang tingin sa sarili.

Kayo lang ang nagpapahirap sa sarili niyo.

Hindi mag-a-adjust ang mundo para lang i-satisfy iyang kaartehan niyo.

Kung ayaw niya sa akin, hindi ko naman siya masisisi at wala akong magagawa. Wala rin akong planong baguhin ang tingin niya sa akin dahil lang pinagsisilbihan siya ng pamilya ko.

Naging tahimik ako hanggang sa matapos kami kumain. Hindi ko alam kung anong problema niya at kung bakit panaka-naka niya akong tinatapunan ng tingin habang kausap sina Lola. Kung ginagawa niya iyon para lang senyasan ako na bayaran ko ang kinakain ko, edi gagawin ko. Pasalamat na lang talaga ako at sa karindirya kami kumain dahil hindi ganuon kalaki ang babayaran ko.

Call Me Daddy (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon