Chapter 13
30 Days of Moving On
Day 8Hindi na kami inabot ng gabi sa rest house nila Arn. Nagpaalam na agad kami ni Arn na mauuna nang umuwi dahil may pasok pa siya ngayong araw. Nag-commute na lang kaming dalawa dahil isang sasakyan lang ang ginamit namin. Nagpasiya kasi ang kaniyang mga magulang at ang kaniyang kapatid na sa rest house muna sila matutulog. Pinipilit kaming dalawa ni Arn na matulog din doon kagabi pero hindi na pumayag si Arn.
"Akala ko ba approved na ang leave mo?" tanong sa akin ni Arn dahil nandito ako sa office at naghihintay kay Miss Fara. Tumawag ito sa akin ng 5 am dahil ayon sa kaniya ay may i-o-offer daw na malaking deal si Miss Ritual. Hindi na sana ako pupunta kaya lang ay sinabi nitong kailangan na kailangan ni Miss Ritual ng tulong ko.
Napabuntong-hininga ako sa tabi ni Arn. Alam niya na hindi ko gusto ang mga ganitong drama sa buhay, pero ano ba ang magagawa ko kundi ang sumunod sa kanila.
"Coffee?" alok sa akin ni Arn. Buti na lang talaga at masarap ang kape sa umaga. Agad akong humigop ng kape kahit na alam kong sobrang init pa non. Napaso ang aking dila dahilan kaya sumama ang mukha ko.
"Pati ba naman kape, sasaktan ako?" Akala ko ay ibinulong ko iyon sa sarili ko, pero narinig pala ito ni Arn at natawa siya sa sinabi ko.
"Hindi naman kasi niya sinabi na higupin mo siya agad. Bawat bagay may caution, ayan nadale ka tuloy." Hindi ako natawa sa sinabi ni Arn pero siya ay halatang may ibang iniisip. Nakatingin ako sa kape na mainit na pumaso sa akin nang maagang-maaga.
Parang kapeng mainit ang buhay ko ngayon. Kahit gaano kasarap at kahit ito ang bumubuo sa buhay ko ngayon, kung hindi pa panahon para sa tunay kong kasiyahan, hindi pa rin talaga. Hindi naman kasi nawala na lang bigla ang mga naramdaman ko paggising ko ng umaga, ganoon pa rin. Ang kaibahan lang, iba ang mga gamit, iba ang kutson, iba ang unan. Pero ganoon nga, unti-unti, hanggang sa isang araw okay na, hanggang isang araw pwede na. Iyong makakalakad na ako nang malaya at hindi na nasasaktan.
"Ang daming hugot sa kape." Napatingin na si Arn sa akin. Busy na busy siya sa kaniyang ginagawa habang ako, prenteng-prente lang na nakaupo. Sa totoo lang kasi kapag empleyado ka at naka time-in ka, kailangan palaging parang may ginagawa kahit ang totoo, sobrang lutang mo na. Hindi naman kasi ako naka-time in ngayon. Naka-leave ako kaya medyo easy-easy lang ako. Mas okay talaga ang walang masiyadong iniisip, iyong walang masiyadong bagahe sa mga balikat. Nakakatuwa lang na medyo magaan ang pakiramdam ko kahit na nararamdaman ko na hindi masiyadong maganda ang mga susunod na mangyayari.
"Halos lahat naman ng bagay pwede natin lagyan ng hugot." Nakangiti na si Arn, mukhang patapos na siya sa kaniyang ginagawa. Natatandaan ko na last week pa niya ito ginagawa, mukhang nag-overtime na ito para matapos ngayong lunes, deadline kasi mamayang lunch. Working lunch na naman ang mga Big Boss.
"Sige nga, sample!" pag-aaya ko kay Arn. Sinara ni Arn ang laptop niya at humarap sa akin.
"Okay, sige. Pero sa isang kundisyon." Tumaas ang aking isang kilay dahil iniisip ko kung ano ang magiging kundisyon ni Arn, medyo curious ako sa kundisyon at hindi sa hugot.
"Anong kundisyon?" tanong ko sa kaniya. Mukhang nag-isip muna siya pero binawi rin niya ang interes at atensyon sa aming usapan. Binuksan niyang muli ang kaniyang laptop at tumutok doon muli.
"Huwag na pala, marami pa akong gagawin at tatapusin. Huwag mo akong guluhin porket naka-leave ka ngayon, mukha kang hayahay sa buhay." Natawa ako bigla kay Arn dahil sa sinabi niya. Napahinto siya sa kaniyang pagbalik sa trabaho niya dahil narinig niya akong tumawa. Tinitigan ko lang siya nang masama.
"Anong problema?" tanong ko rito dahil hanggang ngayon ay nanatili itong nakatitig sa akin.
"Mukhang nag-iimprove ka na, Aya!" natuwa si Arn habang sinasabi sa akin ang papuri na iyon. "Konti lang," ani ko. Napatingin lalo sa akin si Arn at mas lalo itong napatitig sa akin na parang sinusuri ang mukha ko. "At least, medyo nagiging mas better ka na kaysa noon." Natuwa ako sa sinabi niya.
BINABASA MO ANG
30 Days of Moving On
Chick-LitSa tatlumpong araw ng Hulyo, magagawa ko bang kalimutan siya?