Chapter 27
30 Days of Moving On
18
Dahil successful ang deal ni Dwayne, eto kami ngayon sa isang sosyal na resort sa La Union. Hindi naman kami makulit na kahit may bagyo, nagpumilit kaming mag-travel. Safe naman sa lugar na ito. Hindi naman binabaha at hindi naman masiyadong tatamaan ng bagyo. Medyo tago lang itong lugar na ito, malapit sa bundok. Napag-alaman ko rin na kakaunti lang ang nakakapasok dito kung hindi ka member ng club nila.
Sabi naman sa akin ni Dwayne, si Miss Joanne ang member talaga rito. Iba talaga si Miss Joanne, sobrang yaman.
Maganda itong lugar. Iyong isang araw namin ni Dwayne rito, parang gusto kong gawing dalawang araw dahil masarap matulog. Ang lambot-lambot ng kama at ang bango't lamig pa. Tinignan ko ang orasan, 9:00 AM. Medyo mahaba ang biyahe. Traffic at maraming liko-liko kaya nahirapan kaming tumungo rito. Medyo palpak din si Waze nang kaunti.
Iyong palapag ay may fifty floors. Nasa 35th floor kami kaya libreng-libreng sumigaw. May swimming pool sa bawat rooms. Kita ko iyong makulimlim na panahon mula rito sa itaas pero okay rin na mag-swimming kahit na madilim ang langit. Iyong swimming pool, infinity at kitang-kita ang buong probinsya dahil sobrang taas kahit na malayo sa kabihasnan itong lugar. Nagpalit ako agad ng swimsuit para mas ma-feel ko iyong vibes namin ni Dwayne na magpaka-weird feeling summer pa rin.
Saan ba kasi si Dwayne?
Nilibot ko ang kwarto namin pero wala siya. Pinagpatuloy ko ang pag-aayos, nag-selfie pa ako at nagpost sa FB; huling hirit sa tag-init.
Hindi ko ugaling mag-post pero I think, deserve ko rin naman minsan.
Makailang selfie muna ako bago ako tumigil. Wala pa rin si Dwayne. Lalabas na sana ako nang may pinasok na mga dishes. Bumati ang mga may dala ng plato. Tinuro nila ang balcony na katabi ng pool saka nila roon dinala ang mga pagkain. Sinundan ko sila dahil ang bango ng amoy.
"Thank you!" ani ko habang palabas sila.
"Enjoy po!" Nang makalabas na sila ay lumapit ako sa mga dala nila.
"Bayad na kaya ito?" tanong ko sa mga nakahain sa lamesa.
"Yep, bayad na iyan, Mahal na Reyna." Napatalon ako nang marinig ko si Dwayne. Kukurutan ko pa lang sana ang mainit-init pang fish fillet nang dumating si Dwayne.
"Mukhang masarap, natatakam tuloy ako. Nakakapagod ang biyahe, ha?" Patawa-tawa pa ako sa harap ni Dwayne, may dala-dala pala itong bulaklak ng sunflower sa likod. Napangiti ako lalo at mas lalong gumanda ang mood ko. Taliwas sa namumugtong panahon.
"Ito talaga iyong paborito ko. Nagtataka lang ako dahil hindi naman panahon ngayon ng sunflower. Saan mo ito nakukuha?" Nakatingin pa ako sa bulaklak bago ko ito inilipat sa bakanteng vase na nakita ko kanina.
"Dito ko 'yan kinukuha. Kaya nga matagal bago kita mabigyan ulit ng ganiyan. Hindi biro maghanap ng ganiyan lalo na rito sa Pilipinas. Pero, gagawan natin ng paraan para maging masaya ka. Palagi iyon, Aya. Palagi." Nakangiti pa rin ako dahil sa mga bulaklak. Wala mang araw ngayon, nandito naman itong araw na bulaklak, hawak-hawak ko.
"You are my sunshine, Dwayne. Salamat," nakangiti kong saad sa kaniya. Napatigil si Dwayne saglit sa sinabi ko. Sumasandok na kasi ito ng almusal. Tila ngumiti ito nang tipid.
"Wala ngang araw, Aya. Ano ka ba naman?" Nakabawi ito sa pagkakatigil. Tinikman ang mga putahe at nagustuhan naman nito ang mga nakahain. Akala siguro nito ay nagbibiro ako. Tinuon ko na lang din ang pagkain ng almusal at masarap nga lahat ng nakahain sa amin.

BINABASA MO ANG
30 Days of Moving On
Literatura KobiecaSa tatlumpong araw ng Hulyo, magagawa ko bang kalimutan siya?