Chapter 12
30 Days of Moving On
Day 7Pinilit ako ni Arn na magsimba. This time, kasama na ang pamilya niya. Ginising niya ako nang maaga. Buti na lang at nakauwi na si Dwayne kaninang 5 AM, kung hindi ay malamang na iba ang iisipin non. Hindi ko gugustuhin na maiba ang tingin nito sa akin, lalo na at sa palagay ko ay hindi pa rin niya nakakapalagayan ng loob ito.
"Anak, tara kain muna tayo, bago ka ihatid ni Arn." Napatingin ako kay Tita Mabel, ang mother ni Arn. Ngumiti ako dahil ang sabi sa akin ni Arn ay may dinadalang problema ang kaniyang pamilya ngayon, baka kako makatulong ang pagngiti ko at pagsama ko sa kanila. Kung hindi ako makakatulong sa kanilang problema, at least hindi na ako makadaragdag sa kanilang pinagdaraanan.
Nang makarating na kami sa isang fast food chain ay naupo na kami. Hindi ko alam kung bakit malaki ang agwat na ipinapakita ni Tita Mabel at Tito Brian sa isa't isa. Magkagayunman ay pilit kong hindi ipinapahalata sa kanila na nakikiramdam ako sa pagitan nilang dalawa.
"Iha, kuha ka nitong pancit, masarap ito." Nilagyan ako ni Tita Mabel sa aking plato at natuwa ako dahil para akong may pangalawang ina kapag kasama ko sila. Hindi naman na iba sa akin ang pamilya ni Arn. Madalas nitong nakaraang taon na isama ako ni Arn kapag may family gathering sila. Hindi rin ako nahihiya sa kanila dahil alam ko naman na alam na nila ang ugali ko, na hindi talaga gaanong maganda iyon.
"Parang pumayat ka, iha. Siguro itong si Arn pinapabayaan ka na," natatawa pa si Tita Mabel habang nagsasalita. Tumingin sa akin si Tito Brian na ngayon ko lang napansin ang malaking portion ng pagpayat nito.
Dito ko lang napansin na hindi ito kumakain ng karne at puro gulay lamang. Wala rin itong kinakain na kanin. Napatingin ako sa plato ni Tito Brian at nakita ko na napansin nila ang aking pagtitig dito. Nakita ko si Arn na tuloy-tuloy lang sa pagkain at parang walang nangyayari.
"Tito, kumusta po kayo?" biglang pinisil ni Arn ang aking kamay na nakalagay sa aking hita. Nakatago sa ilalim ng lamesa ang mahigpit na pagpisil ni Arn sa aking kamay. Napatingin ako sa kaniya para pasimpleng iparating sa kaniya na nasasaktan ako.
"Aya!" nagulat ako dahil napalakas ang tinig ni Arn. Nakita kong napatigil si Tita Mabel at Tito Brian sa pagtawag ni Arn sa aking pangalan.
Sabay abot sa akin ni Arn ng dalawang pirasong fried chicken leg part. Alam na alam ang paborito ko. "Paborito mo, oh." Sabay ngiti na alam naman naming dalawa na hindi makatotohanan.
Tumahimik na ako dahil sa palagay ko ay alam ko na ang dinadalang problema ni Arn. Kumain ako ng marami dahil sabi sa akin ni Tita Mabel ay pumapayat daw ako. Maya-maya nang matapos kami kumain ay dumating ang lalaking kapatid ni Arn. Ang sabi ni Arn sa akin ay madalas na hindi ito umuwi at palaging nakikitulog sa ibang bahay.
"Hi Ate Aya!" tawag nito sa akin habang nakatingin kay Arn. Hindi ko siya pinansin at nakita ko ang aking cellphone na marami rin palang missed calls. All coming from him, Dwayne. "Ate Aya, pati ba naman ako, hindi mo papansinin?" natawa ito habang nagtatanong sa akin. Tumaas ako ng kaliwang kilay para malaman niya na wala akong balak na sumagot.
"Marami bang kinekwento si Kuya about sa akin?" Mas lumakas pa ang tawa nito. "'Wag ka maniwala riyan. Pinagsabay ko po kasi ang pagtatrabaho at pag-aaral para makatulong ako sa gamot ni Pa—" natigil ang kaniyang sasabihin dahil bigla siyang kinabig ni Arn at niyayang umalis. Napatingin ako kay Tita Mabel na halatang malungkot. Lumapit ako kay Tita Mabel at nakita kong pareho sila ni Tito Brian na malungkot.
"Tita, 'wag po kayo mag-alala. Hindi naman po ako iba sa inyo. Naiintindihan ko po." Niyakap ako ni Tita Mabel nang mahigpit. Nakita ko naman na nakatingin lang si Tito Brian at halatang nagpipigil lamang ito ng luha dahil halatado ang paglungkot ng mga labi nito.
BINABASA MO ANG
30 Days of Moving On
ChickLitSa tatlumpong araw ng Hulyo, magagawa ko bang kalimutan siya?