Chapter 20
30 Days of Moving On
12"Dwayne! Ano ka ba naman? Hindi mo ba alam na hinihiwalay ang puti sa de-color at ang itim sa lahat ng kulay ng damit?" inis kong suway kay Dwayne nang makita kong isasalang na niya iyong mga damit namin sa washing machine.
Bumalik na ang sikat ng araw. Damang-dama ko ang matinding sikat ng araw kahit alas-otso pa lang ng umaga. Mabuti na rin at natapos ang bagyo. Kahit sabihin natin na gustong-gusto ko ng malamig na panahon, nag-aalala ako sa mga tao na pinakaapektado ng baha at landslide dala ng malupit na bagyo.
Napagpasiyahan kong maagang maglaba nang sa ganoon ay makapaghanda ako mamaya ng mga pwedeng gawin bukas. Nang makita ako ni Dwayne na maglalaba ay dali-dali itong nakiusyoso sa ginagawa ko. Kamot-ulo ako sa mga pinaggagawa niya.
"At sabi ko 'di ba, ihiwalay mo rin ang mga underwears? Huwag ka na nga lang tumulong dito, mas naiinis ako sa ginagawa mo." Kinuha ko sa kaniya ang mga damit na dala-dala niya at dinabog ko iyong pinaghiwa-hiwalay.
Napakamot ng ulo si Dwayne. Hindi pala siya marunong maglaba.
Umupo siya sa tabi at nag-abang kung ano ang maari niyang gawin.
"Sabihin mo kaya kung ano iyang mga dapat gawin para sa susunod, matulungan na kita nang maayos." Hindi niya natiis ang sarili, lumapit ito sa akin at pinanuod ang ginagawa ko.
"Ang pinakaunang step sa paglalaba ay ang paghihiwalay," napapangiti ako sa huli kong sinabi. Siya naman, nakatutok lang sa tinuturo ko sa kaniya.
"Kailangan mong ihiwalay iyong mga panties, bras, at iyong.." tinaas ko iyong brief niya kaya kinuha niya ito agad at inihiwalay sa mga nagkahalo-halong damit. "Iyong brief mo." Napangiti ako sa mukha niyang parang namumula.
"Ayan, hindi ito sinasama sa washing machine dahil mano-mano ang paglalaba ng mga underwears. Isunod natin iyong mga puti, inihihiwalay rin ito at hindi dapat isama sa mga de-color o iyong mga matitingkad ang kulay dahil magkakahawaan. Kagaya kapag nagmahal tayo, minsan nahahawa tayo sa mga traits niya at iyong iba ay hindi dapat natin gayahin lalo na iyong pagiging manloloko at mang-iiwan sa ere." Napapangiti ako uli sa mga sinasabi ko. Nakikinig lang si Dwayne.
"Pero dapat, ihiwalay rin natin ang itim sa iba pang mga kulay. Hindi dahil racist tayo, pero dahil kagaya ng ibang damit ... sensitive rin ang kulay itim. Kagaya ng love natin, hindi porket nakangiti tayo at okay lang palagi sa atin ang mga ginagawa nila, eh hindi na tayo nasasaktan." Siya naman ang ngumiti ngayon at ako iyong patuloy sa pag-sort ng mga damit.
"Oh, siya, ito ang dalhin mo sa washing machine at ikukusot ko ang mga ito." Nanlaki ang mata ni Dwayne sa akin. Sabay kaming tumitig sa mga underwears. Iyong mga underwears niya na kulay itim halos lahat kaya halatang-halata kahit nakahalo ito sa iba kong underwears.
"Ako na lang ang maglalaba niyan." Inagaw niya sa akin ang kalalagay ko na mga underwears sa batya. "Hindi ka pa marunong magkusot, hindi mo ito malalabhan nang mabuti. Ako na muna ang maglalaba nito, sa susunod ka na." Napabitiw siya sa pag-agaw ng batya na hawak ko. Pinagpatuloy ko ang paglalaba ko at siya naman sa may washing machine. Automatic ang kabibiling washing machine ng mommy niya kaya kaunting pindot lang, natapos na siya.
"Bakit pati paglalaba ikaw ang gumagawa niyan noong kayo pa ni Mike?" Dahil tapos na siya, heto siya at nangungullit sa akin. Puti na ang kinukusot ko. Natapos na rin niya ang kulay itim na mga damit.
"Ang bilis maglaba kapag pindot-pindot lang, no?" pag-iiwas ko ng topic kay Mike. Ayoko na lang maalala kung paano kami ni Mike noon. Hindi maganda sa proseso ng pagmomove-on ko.
"Ganiyan pala magkusot, pwede ko subukan?" Pinagbigyan ko siya sa isang damit, pero damit din niya. Nakatapos na ako magkusot ng natitirang mga puting damit pero hindi pa rin siya tapos sa kaisa-isang kinukusot niya.
BINABASA MO ANG
30 Days of Moving On
Literatura FemininaSa tatlumpong araw ng Hulyo, magagawa ko bang kalimutan siya?