Kabanata 9

20 4 0
                                    

Rosalinda's POV.

Nagising ako ng umaga na mabigat ang kanang balikat ko. Umupo muna ako at sumandal sa aking kama bago kinapa ang aking balikat. Napahiyaw ako sa sakit dahil sa aking nakapa.

Paano ako nagkasugat sa balikat?

Binalikan ko ang lahat ng nangyari kahapon at doon ko lang naalala ang lahat.

Pagkatapos kong madaplisan ng baril sa balikat ay tumakbo kami sa kabilang eskinita habang ginagabayan din ako ni Eduard dahil nga sa tama ko. Pagkadaan namin sa kabilang eskinita ay doon na rin kami dumaan patungo sa mansion.

Lumingon ako sa kama ng dalawang kasama ko. Hindi ko nakita si Eduard, pero nakita ko si Rhean na nakaupo sa kaniyang kama habang nakatingin sa akin. Nagulat pa nga ko dahil para siyang robot na hindi gumagalaw o kumukurap man lang habang nakatingin sa akin. Nang magtama ang aming mga mata ay saka lamang siya kumurap at tumayo.

"Magandang umaga," nakangiti kong bati sa kaniya nang makalapit siya sa akin at umupo sa tabi ko.

"Tss. Paano naging maganda ang umaga sa 'yo?" mataray niyang tugon sabay irap sa akin.

Nakakagulat dahil parang bumalik 'yong pakikitungo niya sa akin nang unang pagkikita namin. May ginawa kaya kong kasalanan sa kanya?

Muli akong natigilan ng hipuin niya gamit ang likod ng kaniyang palad ang noo ko. Mabilis din naman niya itong tinanggal ng magkasalubong ang aming mga mata.

"Sa lahat ng taong nakasalamuha ko, nakakapagtaka dahil tila kakaiba ka, Binibining Rosalinda. Puno ng init ang iyong katawan." Tumayo siya at nagtungo sa maliit na lababo katabi ng banyo namin.

Malapit lang ito sa kama namin kaya nakikita at naririnig ko pa siya. Napatawa ako ng mapakla dahil sa sinabi niya.

"Ano bang sinasabi mo, Binibining Rhean? Talagang mainit ang katawan ng isang tao dahil ito ang nagsisilbing hudyat na buhay pa tayo at humihinga."

Naalala ko bigla 'yong malamig na hininga ni Eduard. So, hindi 'yon dahil lang sa klima? Talagang malamig ang hininga nila? Bakit gano'n?

"Sa lahat din ng taong nakilala ko, ikaw lang ang kakaiba mula sa pananaw, paniniwala, kaalaman at maging sa iba't-ibang bagay."

Nakita kong naglagay ng tubig mula sa maliit na planggana si Rhean pagkatapos ay binasa niya ang kulay puting bimpo.

Bigla akong kinabahan sa sinabi ni Rhean. Napaiwas tuloy ako ng tingin sa kanya. Kung p'wede ko lang sabihin na, 'Kaya ako kakaiba kasi hindi ako mula sa panahong ito. Nagmula kasi ako sa nakaraan. Napadaan lang ako, naligaw, gano'n.' Kaya lang hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin kapag sinabi ko 'yon.

Naglakad ulit papunta sa akin si Rhean dala ang planggana, bimpo at muli siyang umupo sa tabi ko.

"Sabihin mo, Binibining Rosalinda. Saan ka ba talaga nagmula?"

Nahuli ni Rhean ang paningin ko kaya hindi na ko nakaiwas pa ng tingin sa kaniya. Katulad ng una naming pagkikita ay wala akong makitang ano mang emosiyon o expression sa kaniyang maamong mukha. Naalala ko ang tanong niya sa akin kaya napakamot ako sa aking batok at ngumiti sa kanya habang nag-iisip ng maaaring sagot sa katanungan niya.

"Hindi ba sinabi ko na mula ako sa ibang bansa kaya gano'n. Hehe."

Pero, mas lalo siyang napakunot-noo sa sinabi ko. Lagot na! Mukhang mali na naman yata ang sinabi ko.

"Hindi ba sinabi ko rin na iisa lang ang gobyernong namamahala sa buong mundo? Kaya imposible na magkaiba ang paniniwala mo sa paniniwala namin."

Bigla akong kinabahan sa sinabi niya.

Ano ba 'yan! Lagi na lang akong kinakabahan. Kasi naman, sabi ko na nga ba at mali ang katwiran ko noon. Para hindi na siya mas lalo pang magduda sa akin ay iniba ko na lang ang usapan.

"Teka, nasaan nga pala si Eduard? Bakit wala siya rito?" tanong ko sa kaniya.

Tinitigan pa niya ko ng ilang minuto bago nagbuntong hininga.

"Nasa trabaho siya. Tayong tatlo dapat ang aalis, pero dahil may sugat ka ay pinaiwan tayong dalawa ni Señora Anafe para alagaan daw kita." Pinahiga niya ko sa aking kama.

Aangal pa sana ako, pero sinamaan niya ko ng tingin kaya wala na kong nagawa kundi sumunod sa kaniya. Mahirap na, wala pa namang pagmamahal ang mga tao sa panahon na ito. Baka bigla na lang akong patayin nito.

Biro lang. Alam ko naman na hindi 'yon magagawa ni Rhean kahit hindi pa siya marunong magmahal.

"Teka, baka mamaya niyan ay siya naman ang mapahamak. Anong gagawin na 'tin? Hindi ka ba nag-aalala sa kapatid mo?"

Bigla na naman akong kinabahan para kay Eduard. Baka mamaya ay matagalan siya sa trabaho at siya naman ang mabaril ng mga guwardiya civil.

"Tss. Pakialam ko sa taong 'yon? Kaya na niya ang sarili niya kaya bahala na siya kung paano magagawa ang trabaho niya ng ligtas."

Natigilan ako sa sinabi ni Rhean. Ilalagay na sana niya ang basang bimpo sa noo ko, pero iniwas ko ang ulo ko at tiningnan siya ng masama.

"Ano ka ba, Rhean? Kapatid mo 'yon kaya dapat may pakialam ka sa kaniya. Siya na lang ang pamilyang mayroon ka kaya dapat ingatan mo siya."

Napalakas ng konti ang boses ko kaya naman napakunot na naman ang noo niya.

"Ha? Bakit ko naman tuturuan ang sarili ko na magmalasakit sa isang tao? Ano 'yon? Para ko na ring tinatanggal ang buhay ko sa mundo kung nagkataon."

Bumuntong hininga ako ng malalim dahil sa sinabi niya. Tama siya. Hindi siya maaaring magmalasakit sa tao dahil kapag nagmalasakit siya, ibigsabihin ay nagmamahal na rin siya.

Bakit kasi ang hirap mamuhay sa panahong ito?

"Pasensiya na, Binibining Rhean." Humarap ako sa kanya at tinitigan siya sa kaniyang mata.

Akala siya ay naiintindihan ko na siya, puwes nagkakamali siya. Hindi ako kailanman sasabay sa takbo ng malupit na panahong ito.

"Marahil tama ka sa sinabi mong naiiba ako sa lahat ng taong nakilala mo. Kasi ako, mas pipiliin kong mamatay kaysa tanggalin ang pag-ibig sa puso ko. Naniniwala kasi ako na isa ang pag-ibig na mananatili sa mundo magpakailanman. Maaaring mawala ang buhay ng isang tao, pero ang pag-ibig ay mananatili 'yan."

Dahil sa sinabi ko ay tumayo si Rhean at padabog akong tinalikuran.  

"Isa kang baliw, Binibining Rosalinda. Hindi mo nalalaman ang iyong sinasabi. Hindi na ko magugulat kung isang araw ay mamatay ka na lang bigla."

Mas'yadong mang marahas ang mga salita ni Rhean, dama ko naman sa tono ng pananalita niya ang konting pagbabago sa kaniyang paniniwala. Para niyang sinabi na, 'Bilib ako sa paninindigan mo sa iyong pananaw.' Kahit nakatalikod na siya sa akin at nakalayo ay hindi ko pa rin maiwasang magbigay ng isang ngiti sa kaniya.

Hindi man nila naiintindihan sa ngayon, pero alam kong maiintindihan din nila ang paniniwala ko balang araw.

✓DON'T LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon