Kabanata 31

11 2 0
                                    

ROSALINDA

Nang imulat ko ang aking mga mata ay nasa loob na ko ng isang kotse. Isang hindi pang-karaniwang sasakyan.

Well, kailan ba lumipad ang isang kotse? Ang nagmamaneho nito ay si Sierge at katabi niya sa passenger seat si JR. Nasa backseat ako nakaupo kasama sina Denny, Eazel, at Andrei. Kung paano kami nagkasiya? 'Yon ang hindi ko alam.

"Rosalinda, gising ka na pala?" nakangiting bungad sa akin ni Andrei.

Hindi ako tumugon sa kaniya dahil sinusubukan ko pang ibalik sa aking alaala ang mga nangyari bago ako mapunta sa sinasakyan namin ngayon.

Pagkalipas ng ilang sandali ay napahawak ako sa aking bibig nang bumalik sa aking alaala ang lahat ng nangyari.

Hindi tunay na tao si Eduard at. . . wala na siya ngayon sa mundong ito.

Lumuluha akong tumingin sa direksiyon ni Andrei.

Ang daming katanungan ang nais kong itanong sa kay Andrei, pero hindi ko magawang magsalita dahil sa labis na sakit na nararamdaman ko ngayon at tanging pagtitig na lang sa kaniya ang nagagawa ko. Nakita ko ang lungkot sa mata ng mga kasama ko nang magawa nilang ngumiti sa akin.

"Una sa lahat, patawad kung nadamay ka pa sa gulo ng mundong ito. Ang mundong pinipilit naming bigyan ng liwanag at pag-asa." Inilipat ni Andrei ang paningin niya sa bintana ng lumilipad na kotse.

Nanatili akong tahimik sapagkat nais kong malaman ang mga susunod pa nilang sasabihin.

"Pangalawa, nais naming ipagbigay alam sa iyo na ang mundo kung saan ka unang nanggaling sa panahon na ito ay isang pekeng mundo lamang na gawa ng isang makapangyarihang tao na namumuno sa tunay na mundo namin ngayon."

Naguluhan ako sa sinabi ni Denny kaya hindi ko naiwasang magtanong sa kaniya.

"Anong ibig mong sabihin sa pekeng mundo? Paumanhin, pero hindi ko naintindihan ang sinabi mo."

"Rosalinda, katulad ng sinabi ni Denny. Ang mundo na una mong pinanggalingan ay peke lang. Ibigsabihin, ito ay gawa lang ng aming pinuno para sa mga pekeng tao na gawa lang din nila," paliwanag sa akin ni Eazel.

Nang maproseso sa aking utak ang lahat ng sinabi nila ay literal na napanganga na lang ako. Mas dumami pa ang mga katanungan sa aking isipan, pero kahit paano ay nasagot na din sa wakas ang iba kong katanungan.

"Huh? Paano nangyari 'yon?" tanong ko sa kanila pagkatapos kong makabawi sa pagkabigla.

"Tss. Hindi namin p'wedeng ipaliwanag sa 'yo ang lahat hangga't hindi pa tayo nakakarating sa hideout na 'tin."

Narinig kong humikab si JR sa unahan pagkatapos niyang magsalita.

"Pero-"

"Nalaman namin na nakaabot na sa itaas ang tungkol sa tunay mong pagkatao at sinisimulan ka na nga nilang hulihin at paslangin." Nag-aalala akong binalingan ng tingin ni Denny.

"Ang mapaslang ang isang katulad mo ay hindi namin papayagan sapagkat may importanteng bagay ka pa na maaaring gagawin sa mundong ito at sa mundo mo." Yumuko si Eazel at ikinuyom ang kaniyang dalawang kamao.

Nararamdaman ko ang lungkot sa kanilang boses. Ano ba talaga ang misteryong bumabalot sa mundong ito?

"Naisipan ko na tulungan ka naming makaalis sa mundong 'yon. Kaya lang, hindi magiging madali sa amin ang lahat kung pati identity namin ay malalaman at pati kami ay mahuhuli ng mga guwardiya civil. Kaya naman nagpanggap kami bilang mga guwardiya civil na humuhuli rin sa inyo. Matagal ka na naming minamanmanan at tinutulungan sa tuwing muntikan na kayong mahuli ng mga guwardiya civil."

Napaisip ako bigla sa sinabi ni Andrei.

'Yon ba ang dahilan kaya hindi rin kami mahuhuli agad ng mga guwardiya civil? Kaya hindi kami agad natatamaan ng mga bala sa tuwing papuputukin kami ng mga bala? Sila ang mga taong tumutulong ng palihim sa aming dalawa ni Eduard?

"Pero, batid namin na hindi magiging madali ang lahat kung dadalhin ka namin sa totoong mundo kasama si Eduard."

Napalingon ako sa nagmamanehong si Sierge dahil sa sinabi niya.

"Bakit naman?" kunot-noo kong tanong sa kaniya.

"Tss. We all know that Eduard is not human anymore. Mayroong nakalagay sa kaniyang sistema na kapag pumasok siya sa totoong mundo ay maaari siyang ma-detect ng mga nasa itaas at pagkalipas lamang ng ilang araw ay maaari itong magdulot ng isang self-destruction o ang pagsabog ng sarili niyang katawan."

Natigilan ako sa sinabi ni JR. Yeah, right. He is not human.

Muli akong napaluha dahil sa naisip. He is not the only one. Si Rhean, hindi rin siya tao. Hindi ko lubos akalain na isang kasinungalingan lang pala ang lahat. Tsk.

"Dahil doon, napagplanuhan naming lahat na hulihin kayong dalawa bilang mga guwardiya civil." Huminto sa pagsasalita si Andrei at mukhang nag-aalinlangan pa siya sa susunod niyang sasabihin.

Oo nga pala, hinuli nga nila kami. Sila nga ang mga taong tinutukoy ni Eduard noon.

"Hinuli namin kayo para magkaroon kami ng pagkakataon na makausap si Eduard."

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko nang magbalik sa aking isipan ang mga salitang binitiwan ni Eduard sa akin noon.

"Huwag kang mag-alala, Binibining Rosalinda. Wala silang ginawa na masama sa akin. Pinakita lang nila kung sino talaga ako."

Ibinigay ko ang aking buong atensiyon kay Andrei upang mas madali kong maunawaan ang kaniyang susunod na sasabihin. Pagkalipas ng ilang minuto ay isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Andrei bago muling nagsalita.

"Hiniwalay namin si Eduard sa 'yo ng pansamantala upang mas maipaliwanag namin kay Eduard kung anong nangyari sa kaniya at kung sino talaga siya."

"Teka, sandali. Bakit kailangan n'yo pang sabihin sa kaniya habang nasa tabi niya ko? O hindi kaya sa normal na paraan lang?"

Nakita ko ang muli nilang pag-iwas ng tingin sa akin dahil sa naging tanong ko. Magsasalita na sana ulit ako, pero muli kong naitikom ang aking bibig nang magsalita na ulit si Andrei.

"Katulad nga ng sinabi namin kanina. Mahihirapan kami na iligtas ka at dalhin sa totoong mundo kung isasama pa namin si Eduard. Kaya wala kaming ibang paraan kundi kausapin si Eduard. Ipaliwanag ang totoo niyang pagkatao, ipaliwanag sa kaniya ang totoong sitwasyon ng mundo, at ipaliwanag sa kaniya na kailangan niyang magsakripisyo."

Natigilan ako sa huling sinabi ni Andrei. Naikuyom ko ang aking dalawang kamao na nakapatong sa aking hita.

"A-Anong-"

"Rosalinda, si Eduard mismo ang nag-utos sa amin na barilin siya upang hindi mo na alalahanin ang kaniyang kalagayan kung sakali man na gawin namin ang aming unang plano. Ang dalhin ka namin sa totoong mundo at iwan siya sa mundong para lamang sa mga katulad niya."

Hindi ko alam kung anong magiging reaksiyon ko sa narinig at biglang nagdilim ang mata ko dahil sa sunod-sunod na luhang tumatakip dito.

✓DON'T LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon