Kabanata 16

18 3 0
                                    

Rosalinda's POV.

Sa ilang araw, linggo at buwan na pamumuhay ko sa panahon na ito ay ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong kaba at pag-aalala habang pinagmamasdan ang una kong naging kaibigan sa panahon na ito. Si Rhean.

Hindi man n'ya ipaalam sa akin ngayon, alam kong may problema siya dahil bukod sa pagod n'yang mukha, namumutla rin ang balat n'ya.

Nakakainis lang na nakikita ito ni Eduard na nangyayari sa kapatid n'ya, pero wala man lang siyang ginagawa. Umaakto siya na walang pakialam, umaakto siya na walang nakikita. Tsk. Kapatid n'ya si Rhean, pero hanggang ngayon ay mas iniintindi pa rin n'ya ang kaniyang sariling buhay.

Kating-kati na ang bibig kong tanungin si Rhean kung may problema ba siya, pero natitigilan ako lagi tuwing ngingiti siya sa akin ng napaka lawak. Sa bandang huli ay ginaya ko na rin si Eduard. Nagbulag-bulagan ako na tila walang nakikitang kakaiba sa kaibigan ko habang patuloy kinukumbinsi ang sarili na ayos lang siya.

Bumuntong hininga ako ng malalim. Sana nga ay ayos lang si Rhean.

"Rosalinda, totoo ba ang sinabi mo na marunong ka magluto?" masayang tanong ni Rhean habang tinititigan ang mga nadadaanan naming nagtitinda ng karne.

Tumango ako sa kaniya kahit wala talaga sa akin ang atensiyon niya.

"Para sabihin ko sa 'yo, Rhean. Ako ang madalas nagluluto sa pamilya ko roon sa panahon ko," pagmamalaki ko kay Rhean sabay tingin sa mga nadadaanan naming nagtitinda ng karne.

Ano nga ba ang lulutuin ko? Napalingon ako kay Rhean nang maramdaman kong natigilan siya at tumingin sa direksiyon ko.

"Rosalinda, anong ibig mong sabihin sa 'panahon ko'?" nagtatakang tanong ni Rhean.

Ako naman ang natigilan dahil sa sinabi niya. Pakiramdam ko ay napunta ako bigla sa interrogation room at isa akong kriminal na tinatanong ng isang matalinong detective.

Pumikit ako at nag-isip ng maaari kong ipalusot sa kaniya, hindi alintana kung nawiwirduhan na naman siya sa kinikilos ko.

Bakit ba kasi sinabi ko 'yon? Baliw ka talaga, Rosalinda! Hindi mo ba naisip na maaari kang mapahamak dahil sa sinasabi mo?

Napasigaw ako sa isipan ko. Isusumbong ba ko ni Rhean sa presidente nila kapag nagsabi ako ng totoo? Ano naman kaya ang ipaparusa nila sa akin? Baka naman dalhin ako ni Rhean sa mga sindikato at pagkakitaan nila ko. Hala! Parang kahit anong isipan ko ay masama lagi ang kinahihinatnan ko.

Si Rhean, mawawala na kaya ang pagkakaibigan namin kapag nalaman n'ya ang totoo?

Dinilat ko ang dalawang mata ko. Bahagya pa kong nagulat nang makita ang pag-aalala n'yang mukha kaysa pagdudahan ako.

"Pasensiya ka na, Rosalinda. Kalimutan mo na lang ang tinanong ko. Ayos ka lamang ba?" Dumampi ang malamig n'yang palad sa aking leeg at pagkatapos ay sa aking noo.

Huminga si Rhean ng malalim. "Mabuti naman at ayos ka lang."

Ngumiti ako sa kaniya. Isang ngiti na abot sa aking mata.

"Huwag kang mag-alala, Rhean. Ayos lang ako."

Tama. Si Rhean na nabubuhay sa taong thirty one hundred years ay hindi katulad ng mga naging kaibigan ko sa taong twenty-twenty.

Gusto ko sanang ako naman ang magtanong kay Rhean tungkol sa problema n'ya, pero minabuti ko na lamang na sa mansion gawin 'yon at ipagpatuloy na lang ang pamamalengke naming dalawa ni Rhean.

Oo nga pala, nakalimutan kong sabihin na nandito kaming dalawa ngayon ni Rhean sa palengke at bumibili ng ulam na maaari kong iluto. Si Eduard katulad ng sinasabi ko kanina ay mukhang wala namang pakialam at minabuti na lang na mahiga sa aming kuwarto. Ang palengke na pinuntahan namin ni Rhean ay ang lugar na una kong napuntahan nang una kong dating dito sa panahon na ito.

Pagkatapos namin mamili ni Rhean ng mga sangkap at ilang karne para sa lulutuin ko mamaya na nakalagay pa sa basket na dala namin ay nagtungo na agad kami sa mansion.  Hapon na rin kasi at baka maabutan pa kami ng oras ng pamamahinga.

Pagkadating namin sa mansion ay agad naming binati si Señora Anafe na nakaupo sa kaniyang kahoy na upuan habang nagbabasa ng kung ano sa kulay puting folder bago dumiretso sa aming kuwarto at doon nagluto.

Tulad ng sinabi ko ay may maliit na kusina sa kuwarto namin kaya wala ng dapat ipag-alala kung saang lupalop ng mansion namin hahagilapin ang kusina. Pagkadating namin sa aming kuwarto ni Rhean ay nadatnan namin si Eduard na natutulog sa kaniyang kama.

"Nakakainis talaga ang kapatid mo, Rhean. Lagi na lang siyang ganiyan. May puso kaya talaga 'yan?" Nagngingitngit ako sa inis habang patungo sa kusina at nagsimula nang maghiwa ng sangkap ng lulutuin kong minudo.

Naghihiwa ako ng patatas nang marinig ko ang mahinang pagtawa ni Rhean sa sinabi ko.

"Hayaan mo na lamang siya, Rosalinda. Ganiyan na ang kapatid ko simula pa lamang ng isilang siya sa mundo. Hindi mo na siya mababago."

Hindi ako tumugon sa sinabi ni Rhean. Alam kong marami pa kong hindi alam sa mundong ito, pero nasisiguro ko na may isang malaking pangyayaring naganap na naging dahilan kung bakit naging ganito ang mga tao. 'Yon din siguro ang dahilan kung bakit naging ganiyan sina Rhean at Eduard.

Ano nga kayang nangyari sa kanila at naging ganyan sina Rhean at Eduard?

Biglang tumahimik ang buong kuwarto. Sa mga oras na ito ay hindi ko alam kung dapat ba kong magtanong kay Rhean o huwag na lang muna dahil baka si Rhean naman ang magtanong tungkol sa akin. Ayo'ko namang magsinungaling ulit sa kaniya at ayo'ko ring sabihin ang katotohanan tungkol sa akin kung hindi ko naman nasisiguro ang magiging reaksyon nila.

Sa mga panahon na ito ay mas mabuti pa yatang iwasan muna ang usapan tungkol doon para wala akong masabi na kung ano sa kaniya.

Pagkatapos kong isalang ang minudo ay hinintay ko muna itong maluto at nagtungo sa higaan namin nina Rhean at Eduard. Hawak ko pa ang sandok habang nakangiting naglalakad.

Sa ngayon, naisipan kong itanong kay Rhean kung anong araw ang birthday n'ya para mabigyan ko siya ng regalo. S'yempre, hindi ko ipapaalam kay Rhean ang tungkol sa regalo para masopresa ko siya.

Napatawa ako ng mahina sa aking isip. Ano kaya ang magiging reaksiyon n'ya kapag binigyan ko na siya?

Napahinto ako sa aking paglalakad nang may marinig akong malakas na pagkalabog. Sakto pagkadating ko sa aming higaan ay nakita ko si Rhean na nakahandusay sa sahig habang si Eduard ay nakatingin lamang sa kaniya.

Nabitawan ko ang hawak na sandok dahil sa nakita at agad akong napatakbo sa walang malay na si Rhean, hindi alintana ang luhang tumutulo na pala sa aking pisngi.

Pakiusap, sana walang masama ang nangyari sa kaibigan ko.

✓DON'T LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon