ROSALINDA
Ang bawat tao sa mundo ay may kakayahang gumawa ng sariling kuwento ng kanilang buhay at gawin kung anong uri ng kuwento ang nais nila, pero kahit sino ay hindi malalaman ang istoryang kahihinatnan ng kanilang buhay. Kaya hindi lang dapat tayo puro expectation. Matuto rin tayong tanggapin ng maluwag sa dibdib ang kinahinatnan ng ating istorya at magpatuloy sa hinaharap habang may buhay pa.
Nagising ako sa mahinang pagyugyog sa aking balikat ng kung sino. Nang imulat ko ang aking mata ay tumambad sa akin ang pagmumukha ni Eduard.
Agad akong napabalikwas ng bangon dahil sa gulat at bahagyang lumayo sa kaniya ngunit sa aking paglayo ay naalala ko na nasa sanga lang pala kami ng puno natulog kaya nawalan ako ng balanse at muntikan nang malaglag kung hindi lang ako nayakap pabalik ni Eduard.
Teka. Sinabi ko bang yakap? Naramdaman ko ang paglakas ng tibok ng aking puso at ang tila kuryente na unti-onting dumaloy sa aking sistema. Pati na rin ang biglang pag-init ng aking magkabilang pisngi.
"Mag-iingat ka, Binibining Rosalinda. Sapagkat may kataasan ang kinalalagyan na 'tin ngayon. Tiyak ang iyong kamatayan kapag nalaglag ka." Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at hinarap ako.
Ngayon, kitang-kita na niya ang namumula kong pisngi. Nakakahiya!
"Magandang umaga, Binibining Rosalinda." Ngumiti siya sa akin. "Sa palagay ko ay maaari na tayong bumaba ngayon at magtungo sa ibang lugar nang sa gano'n ay makahanap din tayo ng ating makakain. Isa pa, alam kong hindi tama ang matulog tayo sa itaas ng puno dahil maaari tayong mapahamak."
Sunod-sunod na lang ang naging pagtango ko bilang tugon sa kaniya. Pagkatapos ay bumuntong hininga ako ng malalim upang maisaayos sa normal ang takbo ng aking isipan at pintig ng aking puso.
"Sige. M-Magandang umaga rin, Ginoong Eduard."
Muli siyang ngumiti sa akin. "Mauuna na ko sa pagbaba, Binibini. Para kapag nagkamali ka ng tapak at nalaglag ay nandito na ko sa baba upang saluhin ka."
Nagsimula na siyang bumaba ng puno habang ako ay naiwang namumula na naman dahil sa sinabi niya. Bakit ba parang doble ang kahulugan sa akin ng sinabi niya? Tsk.
Rosalinda, kung anu-ano na naman ang pumapasok sa isip mo!
"Binibini, bumaba ka na!"
Nagbalik sa kasalukuyan ang isipan ko dahil sa sigaw ni Eduard. Hindi na ko sumagot pabalik sa kaniya at nagsimula na kong bumaba ng puno.
Buti na lang at umaakyat ako sa puno ng mangga dati nang bata pa ko kaya hindi na ko takot umakyat-baba sa mga puno. Huwag lang mas'yadong mataas.
Pagkababa ko ay sinalubong na naman ako ng ngiti ni Eduard kaya nagtataka akong ngumiti na lang din pabalik sa kaniya.
Napapansin ko nitong nagdaang mga araw ay napapadalas ang pangiti ni Eduard. Mukhang natutunan na rin niya kung paano maging isang ganap na tao, pero hindi ba 'yon masama para sa kaniya?
Sa panahon ngayon, mukhang masama sa kaniyang kalusugan ang ginagawa niya.
Walang imik akong sumunod sa kay Eduard nang magsimula na siyang maglakad.
"Kahapon nang bumili ako ng ating pagkain, may isang bagay akong nakita. Hindi ko alam kung anong tawag sa bagay na 'yon, pero nangangamba ako na baka mapansin ako ng mga guwardiya civil na nandoon kaya umalis na lang ako kaagad."
Napatingin ako kay Eduard dahil sa kaniyang kuwento.
"Ano ba ang nakita mo? Maaari mo bang ilarawan sa akin, Ginoo?"
"Mga mukhang tao ang wangis nila ngunit ang mga kilos, galaw at pananalita nila ay tulad ng isang laruan. Sandali. . . Gagayahin ko upang mas maintindihan mo." Huminto siya sa paglalakad at humarap sa akin.
Huminto na rin ako sa paglalakad at pinagmasdan siya. Naglakad siya patungo sa akin, pero ang weird ng lakad niya. Napansin ko rin na hindi niya kinukurap ang kaniyang mata. Nagsalita siya, pero kakaiba ang istilo ng kaniyang pananalita.
Napaisip ako at may isang bagay na pumasok sa aking isipan.
"Waah! Robot ang tawag d'yan, Ginoong Eduard! Paano nagkaroon ng gano'ng klase ng robot sa mundo na mukhang pang sinauna pa ang pamumuhay na mayroon?"
Nagsalubong ang dalawang kilay ni Eduard sa sinabi ko dahil sa pagtataka. Halatang walang alam tungkol sa robot si Eduard kaya paano nagkaroon ng gano'ng bagay sa panahon na ito?
"Anong robot, Binibining Rosalinda?" naguguluhang tanong ni Eduard sa sinabi ko.
"Robot ang tawag sa bagay na nakita mo, Ginoong Eduard. Base sa iyong kuwento ay hindi ito basta robot lamang. Kahit sa mundong pinanggalingan ko ay wala pang naiimbentong gano'ng klase ng robot. High technology na ang tawag doon." Hinawakan ko ang aking baba habang nag-iisip ng malalim.
Sinasabi ko na nga ba at may kakaiba talaga sa panahon na ito. Nakakapagtaka na bumalik ang pamumuhay ng lahat sa kasaysayan gano'ng nasa hinaharap ang panahon na ito.
"Ginoong Eduard." Lumingon ako kay Eduard at seryoso siyang tinitigan.
"Sa tingin ko ay may tinatagong malaking sikreto ang tinatawag n'yong namumuno sa buong mundo. Sa tingin ko rin ay naging isang instrumento kayo ng inyong pinuno sa punto pa lamang na hindi n'yo pa nakikita kung sino ito. Ginoong Eduard, may katanungan ako sa 'yo."
Tumango siya sa akin at sa pagkakataon na ito ay nakita ko ulit ang walang expression niyang mukha katulad nang una ko siyang nakita.
"Ano 'yon, Binibini?" tanong niya sa akin.
Hindi na ko nagdalawang isip pa para magsalita.
"Kilala mo ba talaga ang sarili mo?" Tinitigan ko siya ng seryoso sa kaniyang mata.
Napansin ko ang bahagyang paglaki ng kaniyang mata dahil sa sinabi ko.
Magsasalita na sana siya upang sagutin ako nang pareho kaming natigilan dahil nakarinig kami ng mga yabag papalapit sa direksiyon namin.
"Hoy!"
Hindi na kami nakapag-usap pa at sabay na tumakbo. Ang galing naman ng timing ng mga guwardiya civil na ito. May kailangan pa kong malaman tungkol kay Eduard at sa mundong ito eh.
Muntikan pa kong mapasigaw nang makarinig ng putok ng baril. Mas binilisan ko pa ang takbo ko at gano'n din si Eduard. Hindi alintana ang panganib na nasa aming likuran.
BINABASA MO ANG
✓DON'T LOVE
Teen FictionBakit ba kailangan pang magmahal? "Kailangan ba talagang mamili sa pagitan ng buhay, pero walang pag-ibig? O Pag-ibig, pero walang buhay?" Tao ka kung nagmamahal ka. Pero, mamamatay ka kung magmamahal ka. Handa kana bang makapunta. . . Sa mundong w...