ROSALINDA
Tumingin ako sa higaan ng namayapa kong kaibigan at muling huminga ng malalim.
Ilang araw pa ba kong magiging ganito? Hindi ko na malaman ang sarili kong kagustuhan. Parang nawalan ako ng gana sa lahat ng bagay.
"Binibining Rosalinda, umalis na tayo para maaga tayong makauwi."
Tumango ako kay Eduard at sumunod na sa kanya palabas ng kuwarto namin.
Pagkatapos mamatay ni Rhean, kinabukasan ay bumalik ang lahat sa dating pamumuhay na tila binura sa alaala ng lahat ang tungkol sa pagkamatay ni Rhean.
Dalawa na lang kami ni Eduard magkasama sa trabaho. Umuuwi kami ni Eduard galing sa trabaho bago sumapit ang paglubog ng araw katulad ng dati. Kaya lang, kahit gaano ko pilitin ang aking sarili ay hindi ko maiwasan na isantabi ang pagbabago nang mawala si Rhean. Kahit gaano ko pigilin na huwag magbago ay kusang kumikilos ang katawan ko.
Naging tahimik akong tao at hindi magsasalita kung hindi mo kakausapin. Hindi naman sa may sama ako ng loob kay Eduard o sa iba, pero naging ilag ako sa kanila. Parang bigla akong natakot na makisalamuha sa mga taong nakapaligid sa akin. Gusto kong pigilin ang sarili ko, pero hindi ko kaya.
"Binibining Rosalinda, magpahinga na muna tayo. Umupo ka muna rito at bibili lang ako ng inumin para sa ating dalawa."
Katulad kanina ay isang tango lang din ang tinugon ko kay Eduard bago umupo sa batong upuan sa park. Ngumiti pa siya sa akin bago ako tuluyang iwan.
Dala-dala ko ang kulay itim na plastic na binigay sa amin ni Señora Anafe kahapon. May laman ito, pero hindi ko alam kung ano dahil nakasarado ito gamit ang isang kulay brown na tape.
Kanina pa kami nakaalis ni Eduard sa mansion at kanina pa rin kami nagpalakad-lakad sa palibot na park para mas mapabilis naming makita ang taong kikitain namin ngayong araw.
Pagkalipas ng ilang sandali ay dumating si Eduard dala ang dalawang bottled water para sa aming dalawa. Nakangiting inabot sa akin ni Eduard ang isa at binuksan naman niya ang isa. Inabot ko ito na may kaba at kirot sa aking kalooban subalit sa likod ng kaba at kirot na nararamdaman ko ay biglang bumilis ang pintig ng puso ko nang tumabi si Eduard sa akin.
Binuksan ko ang hawak na bote at walang hinto itong tinungga. Baka nauuhaw lang ako kaya bumilis ng ganito ang puso ko. Pagkatapos kong makainom ay humarap ako kay Eduard.
"Ginoong Eduard."
Dahil sa pagtawag ko kay Eduard ay natigil siya sa pag-inom ng tubig at humarap din sa akin.
Ngayon ko lang napagtanto na dapat pala lumayo muna ako sa kanya bago ko siya tinawag. Dahil nga magkatabi kaming dalawa at nakatingin sa isa't-isa ay bigla akong nakaramdam ng pagkailang sapagkat ngayon ko lang din nalaman na lubhang malapit kami sa isa't-isa.
Ilang segundo kaming tumagal sa gano'ng posisyon na walang nagsasalita kahit isa sa amin at dahil doon ay nagkaroon ako ng pagkakataon na matitigan ang kaniyang kulay kayumangging mga mata.
Ngayon ko lang napansin na hindi na pala katulad ng una ko siyang makita ang kaniyang mga mata. Hindi na ito expressionless. May nakikita na kong emosiyon dito, pero hindi ko mawari kung ano ito. Parang tinatago niya ang kung ano mang emosiyon niya sa likod ng kanyang mga mata.
Nang maramdaman ko ang muling pagbilis ng aking puso ay nauna na kong umiwas ng tingin sa kanya.
"N-Nais kong sabihin sa 'yo, Ginoong Eduard."
Sa ngayon ay nararamdaman ko na rin ang pag-init ng dalawang pisngi ko dahil sa pagkailang habang nakatingin sa ibang direksyon.
Huminga ako ng malalim.
"Nais kong sabihin sa 'yo na tigil-tigilan mo na ang pagngiti sa akin. Gusto ko rin sanang ibalik mo na ang dating pakikitungo mo. Ayos lang sa akin 'yon kahit na iparamdam mo pa na wala kang pakialam sa akin ni katiting."
Tama. Ayos lang sa akin kahit na maging gano'n ulit si Eduard. Kahit pa tutol ang puso ko sa aking sinasabi. Ayos lang sa akin kung 'yon lang ang magiging paraan para hindi siya matulad o magaya sa kinahinatnan ng kapatid niya.
Nasabi ko ang bagay na ito dahil sa pagdaan ng mga araw ay tila nag-iba rin ang pakikitungo sa akin ni Eduard. Siya na ang unang kumakausap sa akin lagi. Lagi niya na kong nginingitian sa tuwing kakausapin niya ko. Lagi niya na ring iniisip at inuuna ang kapakanan ko kaysa sa kaniya.
Hindi ko alam kung ginagawa niya lang ito dahil sa huling kahilingan ni Rhean sa kaniya, pero kahit ano pa man ang dahilan niya ay hindi ko mapigilan mangamba at matakot para sa kaniya. S'yempre, ayo'kong mamatay siya nang dahil din sa akin. Ayaw kong iwan niya rin ako katulad ng pag-iiwan ng kapatid niya.
Natigilan si Eduard sa pinahayag ko. Dama ko ang kaniyang mga katanungan sa pinahayag ko dahil sa pananahimik niya.
"Nauunawaan ko na ang mga katagang binigkas mo noon, Ginoong Eduard. Kung talagang gusto na 'ting mabuhay sa mundo ay huwag na 'ting tuturuan ang sariling puso na magmahal, hindi ba? Nauunawaan ko na 'yon ngayon. Napagtanto ko na ang babalang 'yon ay hindi lang para maisalba ang sarili na 'ting buhay kundi para maisalba rin na 'tin ang buhay ng mga tao sa paligid na 'tin. Nauunawaan na kita, Ginoong Eduard."
Bigla akong napayuko dahil sa huling kataga na aking binanggit.
Binalot ako ng kalungkutan nang maalala ko ang imahe ni Rhean. Kung noon ko pa sana naunawaan ang bagay na ito, sana ay hindi na napahamak pa si Rhean.
"Gustuhin ko mang sundin ang kahilingan mo o kahilingan ng namayapa kong kapatid ay hindi ako sigurado kung magagawa ko. Minsan, may mga bagay na kahit gaano pa na 'tin ka-gustong gawin ang isang bagay ay hindi na 'tin magagawa dahil hindi naman na 'tin makokontrol ang sariling kagustuhan ng ating damdamin. May mga bagay sa mundo na nangyayari dahil ito ang kailangan mangyari, Binibining Rosalinda."
Lumingon ako kay Eduard dahil sa kanyang binigkas. Nakatingin siya ngayon sa fountain na nasa aming harapan. Pinagmasdan ko siya at hanggang ngayon ay may kung anong emosiyon pa rin ang bumabalot sa kaniya. Sa kabilang banda, alam ng isipan ko na may katotohanan ang kaniyang sinabi.
May mga bagay sa mundo na nangyayari kahit ayaw mo pa ito o gusto dahil ito ay nakatakdang mangyari.
BINABASA MO ANG
✓DON'T LOVE
Teen FictionBakit ba kailangan pang magmahal? "Kailangan ba talagang mamili sa pagitan ng buhay, pero walang pag-ibig? O Pag-ibig, pero walang buhay?" Tao ka kung nagmamahal ka. Pero, mamamatay ka kung magmamahal ka. Handa kana bang makapunta. . . Sa mundong w...