ROSALINDA
Marahan kong pinunasan ang pawis sa aking noo habang nagpapahinga sa sandaling oras para habulin ang aking hininga. Katabi ko sina Rhean at Eduard na nakakapagtakang hindi man lang pinagpapawisan katulad ko.
"Sa tirik ng araw, kahit alas siyete pa lamang ng umaga ay nakakapagtakang hindi man lang kayo pinagpapawisan, Rhean at Eduard." Hinihingal pa ko habang nagsasalita sa aking dalawang kasama.
Napakamot sa kanyang batok si Eduard at napaisip naman si Rhean sa sinabi ko.
"Tama ka, Rosalinda. Ang totoo nga niyan ay nagtataka ako sa mga tubig na lumalabas sa iyong katawan. Ngayon lamang ako nakakita ng taong may ganyan. Wala ka bang tinatagong karamdaman, Rosalinda?"
Napatampal ako sa aking noo dahil sa sinabi ni Rhean.
Kakaiba talaga ang panahon na ito. Naging imposible ang isang posible. Ultimo ang pawis ay tila naibaon na rin nila sa kasaysayan, pero nakakapagtaka naman 'yon.
Minsan talaga ay nagdududa na ko kung tao ba talaga ang mga nakakasalamuha ko pero s'yempre, ang kaisipan na 'yon ay pinaka imposibleng mangyari sa lahat ng posible.
"Gano'n ba, Rhean? Baka normal lang ito at namana ko lang sa aking mga magulang?" palusot ko sa kanila sabay tawa ng malakas.
Napakunot-noo sila sa sinabi ko, pero kalaunan ay napatango na rin sila at sumang-ayon sa akin. Bumuntong hininga ako ng malalim sapagkat nakaligtas na naman ako sa kanilang mga katanungan.
Katulad nang napag-usapan namin nina Rhean at Eduard tungkol sa mga nais gawin ni Rhean ay isa ang pag-ehersisyo sa umaga ang napili niya. Simple man daw, pero sa buong buhay niya ay hindi pa raw niya ito nagagawa. Ilang araw na rin ang lumipas simula nang matuklasan namin ang karamdaman ni Rhean at isa sa mga kahilingan niya ay ayaw na ayaw niya raw akong makikitang umiiyak o lumuluha nang dahil sa kanya. Kaya naman pinangako ko kay Rhean na tutuparin ko ang kahilingan niyang 'yon.
Bago kami tumakbo ulit ay uminom muna ako ng tubig para mapawi ang aking matinding uhaw.
"Grabe! Ang saya pala gawin ito araw-araw, Rosalinda."
Lumingon ako sa direksiyon ni Rhean at kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang kasiyahan kahit na. . . hindi rin niya maitago ang matinding sakit na nararamdaman. Nanghihina ako sa nakikita ko, pero minabuti kong ngumiti pabalik sa kanya dahil ayo'kong sirain ang pangako ko sa kanya.
Naalala ko na ang karamdaman ni Rhean ay hindi maaaring malaman ng sino man bukod sa aming dalawa ni Eduard. Nasabi nila sa akin na kapag may ibang nakaalam tungkol sa dahilan ng sakit ni Rhean, ituturing siya ng lahat na kriminal at traydor sapagkat nilabag niya ang isang likas na batas, ang magmahal. Tsk.
Nag-isip na rin ako ng paraan kung paano mawawala ang misteryosong sakit ni Rhean, pero base sa aking mga naririnig ay talagang wala ng nakakaligtas kapag kinarma na ang taong nagmahal.
Nakakainis! Wala man lang akong magawa habang unti-onting nanghihina si Rhean. Wala akong magawa kundi sundin lang ang nais niya.
Tumigil kami sa pagtakbo nang may madaanan kaming nagtitinda ng kakaibang pagkain malapit sa isang park dito sa Lantic, Carmona.
"Gusto kong masubukan makakain ng pagkain na 'yan, kuya Eduard. May dala ka bang pera sa bulsa mo?" parang batang usal ni Rhean sa kapatid sabay turo sa nagtitinda ng pagkain.
'Yong pagkain, bilog siya na kulay kayumanggi at nakatuhog sa isang stick. Bale, tatlo nito kada isang stick. Hindi ko nga alam kung ano ito dahil ngayon ko lang rin nakita ito.
Nakasimangot na dumukot sa kanyang bulsa si Eduard ng pera at binigay ito kay Rhean. Nagtatalon sa tuwa si Rhean at niyakap ang kanyang kuya.
"Tsk. Bilisan mo na lang bumili, Binibining Rhean."
"Maraming salamat, kuya."
Mabilis na bumili ng tatlong stick si Rhean ng pagkain na tinuro niya kanina.
Hindi ko alam kung ano ang pangalan ng pagkain na 'yon dahil wala namang gano'n sa panahon na pinanggalingan ko.
Binigay ni Rhean sa aming dalawa ni Eduard 'yong dalawang stick at 'yong isa ay kinain niya. Nagsimula na kaming maglakad ulit habang kinakain 'yon. Kumpara sa mga pagkain na nakain ko sa mga panahong ito, mukhang ito pa lang ang natikman kong masarap. May lasa siya katulad ng karne ng baboy at tila kapares ito ng lasa ng isang letchon.
"Rosalinda, pagkadating na 'tin sa mansion ay turuan mo na kong magluto ha?"
Natigilan ako dahil sa sinabi ni Rhean, pero hindi ko pinahalata 'yon sa dalawa kong kasama.
"N-Ngayon na agad? Ipagpabukas na lang na 'tin o sa ibang araw na lang. Mahaba pa naman ang oras. Huwag kang magmadali, Rhean." Ngumiti ako kay Rhean at hindi pinahalata ang kaba, lungkot, at takot na nararamdaman ko ngayon.
"Rosalinda, maaari bang ngayon na lang? Nais ko kasing matuto ngayong araw na." Nilagay ni Rhean ang kanyang dalawang kamay sa kanyang likuran at naunang naglakad sa amin ni Eduard.
Nagkatinginan kaming dalawa ni Eduard at sa mga oras na 'yon ay mas dumoble ang kabang nararamdaman ko.
Sana mali lang ang nasa isip ko.
Pinigilan ko ang mga luha na nagnanais na namang kumawala sa aking mga mata. Hinayaan naming mauna sa paglalakad si Rhean.
Ilang araw na rin nang malaman namin ang tungkol sa sakit ni Rhean. Ilang araw na rin simula nang umakto kami na tila walang nalaman. Umakto kaming normal na tila ayos lamang ang lahat, pero pare-pareho naming alam na may hangganan din ang lahat ng ito. Na darating ang isang araw na magbabago rin ang lahat.
Pareho kaming napatakbo ni Eduard kay Rhean nang mapansin namin ang paggewang nito. Bago pa siya tuluyang matumba sa sahig ay nasalo siya ni Eduard. Hindi ko na mapigilang mapaluha nang makita ang nanghihina at matamlay na mukha ni Rhean.
"Rhean, ayos ka lang? Kaya mo pa bang maglakad?" umiiyak kong tanong sa kanya.
Hindi siya agad sumagot sa akin, pero nagbigay siya ng isang malawak na ngiti. Kinarga siya ni Eduard na parang katulad ng isang bagong kasal at umayos ng pagkakatayo si Eduard para masuportahan ang bigat ni Rhean.
"Rosalinda, mukha yatang hindi mo na ko matuturuang magluto pa. Patawad."
Napayuko ako sa sinabi ni Rhean. Nanginig bigla ang mga tuhod ko. Kinagat ko na lamang ang aking ibabang labi para pigilan ang aking paghikbi.
BINABASA MO ANG
✓DON'T LOVE
Teen FictionBakit ba kailangan pang magmahal? "Kailangan ba talagang mamili sa pagitan ng buhay, pero walang pag-ibig? O Pag-ibig, pero walang buhay?" Tao ka kung nagmamahal ka. Pero, mamamatay ka kung magmamahal ka. Handa kana bang makapunta. . . Sa mundong w...