ROSALINDA
"Rosalinda, pakiusap. . . mamaalam ka na rin sa akin."
Nasilayan ko ang muling pagbagsak ng mga luha ni Rhean.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap ko si Rhean ng mahigpit.
"Ayaw ko!"
Umalingaw-ngaw sa buong kuwarto ang boses ko dahil sa aking sigaw ngunit wala akong pakialam kahit may ibang tao pa ang makarinig sa amin.
"Ayaw ko, Rhean. Ayaw ko." Mas hinigpitan ko pa ang pagkakayakap ko kay Rhean, pero kahit gaano kahigpit ang pagkakayakap ko sa kanya ay nagawa pa rin niyang makawala sa yakap ko.
Iniharap ako ni Rhean sa kanya at lumuluha niya kong tinitigan sa aking mata.
"Rosalinda, ayaw kong mawala sa mundo nang hindi ka namamaalam sa akin." Tinitigan niya ko sa aking mata at sa pagkakataong 'yon ay nakita ko ang lahat ng sakit na pinakatago-tago niya.
Sa kabila ng nararamdaman kong lungkot at pagdadalamhati ay bigla akong nakaramdam ng awa. Nakaramdam ako ng awa kay Rhean dahil kitang-kita ko sa kanyang mukha ang paghihirap.
Pinikit ko ang aking dalawang mata. Huminga ako ng malalim bago ako muling dumilat.
"Rhean Maureen Dela Cruz, paalam."
Sumilay ang isang malungkot na ngiti sa labi ni Rhean nang marinig ang sinabi ko. Umayos siya ng pagkakahiga sa kanyang kama nang nakatingin pa rin sa akin.
"Salamat, Rosalinda. Huwag mong kakalimutan na magmula ng iniligtas mo ang buhay ko sa bingit ng kamatayan ay naturuan mo na kong maging tao. Naturuan mo na ko kung paano magmahal, Rosalinda."
Tanging paghikbi ko na lamang ang narinig ko nang tuluyan ng bitiwan ni Rhean ang aking palad at ipikit ang kanyang mga mata.
Sa pagkakataon na ito ay tumalikod na ko kay Rhean sapagkat batid ko na ngayong araw na ito ay wala na siya. Wala na ang isang tao na naging tunay kong kaibigan. Wala na.
Tumingin ako sa direksiyon ni Eduard. Nakaupo siya ngayon sa kaniyang kama habang nakatingin sa akin.
"Ginoong Eduard, wala na. Namaalam na ang kapatid mong si Binibining Rhean." Ngumiti ako sa kanya kasabay ang pagtulo ng luha ko.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti pabalik sa akin si Eduard, pero dama kong may kasamang kalungkutan ang ngiti niyang 'yon.
Tumayo si Eduard at naglakad patungo sa akin. Tumayo siya sa harapan ko at bigla niya kong sinunggaban ng yakap.
"Tahan na, Binibining Rosalinda. Nangako ako kay Binibining Rhean na sasamahan at aalagaan lagi kita."
Mas lalo akong natigilan sa sinabi ni Eduard. Gusto ko sanang makaramdam ng tuwa sa bawat aksyon at salitang binigkas niya, pero dahil sa nangyari ay pinangunahan ako ng isang pangamba.
Paano kung matulad si Eduard kay Rhean dahil sa akin? Paano kung mamatay din siya dahil sa pagpupumilit ko na hindi kasalanan ang magmahal? Paano kung matutunan din ni Eduard na magmahal at mapahamak siya katulad ni Rhean?
Dahil sa mga katanungan na gumugulo sa aking isipan ay hindi na ko nakasagot pa kay Eduard. Nakalimutan na ring kumilos ng katawan ko para kumalas sa pagkakayakap sa akin ni Eduard.
Pagkatapos akong yakapin ni Eduard ay siya na rin ang unang kumalas. Kinuha niya ang panyo sa planggana na dala ko kanina at inilagay ito sa mukha ni Rhean.
"Maiwan na muna kita rito, Binibining Rosalinda. Ipagbibigay-alam ko lang kay Señora Anafe ang kinahinatnan ni Binibining Rhean," paalam ni Eduard.
Hindi na niya ko hinintay na sumagot at lumabas na siya ng kuwarto. Narinig ko na lamang ang mahinang pagsara ng pintuan.
Walang gana akong tumayo at nagtungo sa aking kama at doon humiga. Nakatulala kong tinitigan ang puting kisame.
Bakit ba napakadaya ng mundo sa akin? Nang nagkaroon ako ng maraming kaibigan ay tinraydor lang ako sa dulo at ngayon naman na may nahanap akong tapat at tunay na kaibigan, mabilis naman itong nawala sa akin.
Bumalik ang lahat ng mga alaala ko nang una kong nakilala si Rhean hanggang sa ngayon.
Alam kong ilang beses niya ng sinabi sa akin na hindi niya pinagsisihan ang lahat ng nangyari, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapigilan na itanong sa sarili ko na kung hindi ba ko napadpad sa lugar na ito ay mangyayari kaya ang lahat ng ito kay Rhean?
Natigil ang aking pagmumuni-muni nang bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok si Eduard kasunod sina Señora Anafe at ang tatlong lalake. Naglakad sila patungo sa direksiyon ni Rhean habang si Eduard ay nagtungo sa direksiyon ko.
"Kawawang Binibini. Anong sakit kaya ang dumapo sa kanya at nagka-ganito siya?" Lumingon sa akin si Señora Anafe at tiningnan ako sa aking mga mata.
Nakaramdam ako ng kaba sa kakaibang titig niya, pero sandali lamang 'yon dahil muling bumalik ang lungkot na nararamdaman ko ngayon.
"Binibining Rosalinda, nandito kami para kuhanin ang bangkay ni Binibining Rhean. Ingatan ninyo ang inyong sarili nang sa gano'n ay hindi kayo magaya kay Binibining Rhean."
Isang tango lamang ang naging tugon ko sa kanya dahil wala pa kong ganang magsalita. Naramdaman ko ang pag-upo ni Eduard sa aking tabi.
"Makakaasa ka, Señora Anafe," rinig kong sagot ni Eduard dito.
Binuhat ng tatlong lalake ang bangkay ni Rhean at lumabas sila ng kuwarto kasama si Señora Anafe.
"Ginoong Eduard, may nagaganap pa bang burol sa panahon ngayon?" tanong ko kay Eduard.
Naramdaman ko ang paglingon niya sa akin.
"Anong ibig mong sabihin, Binibini?" May halong pagtataka ang tono ng kanyang pananalita kaya batid kong kahit hindi niya sinagot ang aking katanungan ay may sagot na siya rito.
Mukhang hindi uso sa panahon ngayon ang paglamayan pa ang taong namayapa na. Kung sabagay, para saan pa ang burol kung wala namang darating na tao na siyang iiyak kay Rhean dahil mahal niya ito?
Bumuntong hininga ako ng malalim bago umiling kay Eduard.
"Wala naman, Ginoong Eduard. Kalimutan mo na lamang ang sinabi ko."
Sa huling pagkakataon ay muling tumulo ang luha ko.
Hindi ko akalaing sa panahon na ito, sa taong thirty one hundred ay mamamatay talaga ang isang tao kapag umibig ito. Napakadaya!
Paano mo mapipigilan ang puso mong pumintig?
Para na rin nilang sinabi na ito na ang katapusan ng lahat ng tao. Si Rhean. . . ang katunayan. Siya ay namatay ng dahil sa pag-ibig.
BINABASA MO ANG
✓DON'T LOVE
Teen FictionBakit ba kailangan pang magmahal? "Kailangan ba talagang mamili sa pagitan ng buhay, pero walang pag-ibig? O Pag-ibig, pero walang buhay?" Tao ka kung nagmamahal ka. Pero, mamamatay ka kung magmamahal ka. Handa kana bang makapunta. . . Sa mundong w...