ROSALINDA
Totoo nga. Totoo nga na kapag oras na talaga ng isang tao ay hindi na ito mapipigilan ng sino man sa mundo. Kapag oras na, oras na. Wala kanang magagawa kundi balikan ang mga naiwang alaala ng taong wala na sa mundo. Paminsan-minsa ay masasabi mo na lang ay sayang sapagkat hindi ka man lang nakagawa ng paraan para masulit ang natitirang buhay niya sa mundo.
Tumingin ako sa direksiyon ni Rhean na mahimbing na natutulog sa kanyang kama. Ilang araw na ba ang lumipas magmula nang mahiga siya sa kanyang kama at hindi na makatayo pa?
Hindi ko na matandaan kung kailan nangyari ang lahat. Basta simula nang lakad namin nina Eduard at Rhean tungkol sa pag-eehersisyo ay hindi na niya nakayanan pang maglakad o makatayo. Lagi na lamang siyang nakahiga sa kanyang kama. Kaya wala rin kaming ibang pinagpilian ni Eduard kundi sabihin kay Señora Anafe ang nangyari, pero hindi namin sinabi ang dahilan ng pagkakasakit ni Rhean. Para na rin sa kaligtasan niya.
Nagprisinta ako sa kanila na ako na lang lagi ang maiiwan para alaagaan si Rhean at pareho naman silang pumayag sa kagustuhan ko. Si Eduard ang nag-iisang nagtatrabaho para sana sa aming tatlo. Tinigilan ko na rin ang umiyak at napagpasiyahan ko na hindi na kailanman iiyak sa harapan ni Rhean. Ayaw ko kasing lisanin niya ang mundo na may mabigat na kalooban. Gusto kong masaya siya kahit papaano bago mamaalam, pero isipin ko lang ang bagay na 'yon ay hindi ko na mapigilan ang pagkirot ng dibdib ko.
"Rosalinda. . ."
Tumingin ako sa direksiyon ni Rhean nang marinig ang nanghihina niyang tinig. Tumayo ako sa aking kama at nagtungo sa direksiyon ni Rhean. Umupo ako sa tabi niya at nginitian siya.
"May problema ba, Rhean?" tanong ko sa kanya.
Mabilis siyang umiling at saka ako nginitian pabalik.
"Wala naman, Rosalinda. Nais ko lamang na pumarito ka muna sa aking tabi kung ayos lamang sa 'yo."
"Ayos lang sa akin, Rhean."
Dahan-dahan siyang bumangon ng bahagya at sumilip sa higaan ni Eduard. Pagkatapos ay humiga na siya ulit.
"Nasaan si Kuya Eduard?" tanong niya nang makitang wala ang isa naming kasama.
"Nagtatrabaho siya ulit, Rhean."
Tumango sa akin si Rhean.
"Sana ay ligtas siyang makauwi."
Tumayo ako at inayos ang aking suot na saya na nagpakunot ng noo ni Rhean.
"Magtutungo lamang ako sa kusina, Rhean. Gagawa ako ng pagkain para sa 'yo."
Hindi ko narinig kung ano ang naging tugon ni Rhean dahil mabilis na akong naglakad patungo sa kusina.
Kahapon ng tanghali nang dumating si Eduard galing sa trabaho, nagpaalam ako sa dalawa kong kasama na tutungo ako sa aming pamilihan para bumili, pero hindi ko sinabi sa kanila kung ano ang bibilhin ko. Naglibot-libot ako sa palengke at mabuti nakahanap ako ng kailangan kong itlog, harina, margarine at chocolate syrup. Nakakatuwa nga dahil may mga pagkaing nabubuhay pa rin ilang tao man ang dumaan.
'Yon nga lang, mas lamang pa rin ang dami ng pinagbago sa panahon na ito. Ang mga pagkain na binanggit ko kanina ang gagawin ko ngayon. Plano kong gumawa ng pancakes para kay Rhean. Hindi ko alam kung nalulumbay at naaalala ko lang ang panahon ko o kung nakain na ba ni Rhean ang pagkain na ito. Basta ay naisipan ko lang gumawa nito para kay Rhean.
Habang pinaghahalo ko ang harina at itlog, nagbalik sa aking isipan nang nasa elementarya pa lamang ako. Isa ang pancakes sa mga tinuro sa amin kung paano gawin bukod sa paggawa ng itlog na maalat at pagburo ng mangga. Marahil ay nasa ika-apat na baitang pa ko noon at 'yon ang naging dahilan kung bakit nahiligan ko ang pagluluto.
Bago ko inilagay ang pinaghalo kong itlog at harina sa kawali ay naglagay muna ako ng margarin. Sana ay magustuhan ito ni Rhean.
*
Pagkatapos kong magluto ng pancakes ay naglagay ako ng chocolate syrup sa ibabaw nito. Sakto pagdating ko sa kama ni Rhean ay bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok si Eduard na mukhang napagod sa kanyang trabaho. Sabay kaming napalingon ni Rhean sa kanya.
"Ano 'yang hawak mo, Binibining Rosalinda?" tanong ni Eduard nang makalapit siya sa akin.
Tumingin ako sa aking dala. Pagkatapos ay binalik ko ang aking tingin sa kanya at nginitian siya.
"Gumawa ako ng pancakes para sa inyong dalawa." Umupo ako sa tabi ni Rhean at siya naman ang binalingan ko ng tingin.
"Pancakes? Masarap ba 'yan, Rosalinda?"
Bahagya akong ngumisi nang makita ang reaksyon ni Rhean. Tumango ako sa kanya bilang tugon.
"Kumuha ka at tikman mo."
Tinulungan siya ni Eduard na makaupo bago siya kumuha ng pancakes tulad ng sinabi ko. Kumuha na rin si Eduard pagkatapos makakuha ni Rhean. Sabay nila itong kinain at inubos. Hindi man lang ako nakakain kahit isa.
Isang malalim na buntong hininga ang napakawalan ko. Hayaan na nga lang dahil mukhang ngayon lang sila nakakain nito.
"Wow, Rosalinda. Masarap nga," komento ni Rhean pagkatapos maubos ang huling pancakes na niluto ko.
Bakit ko ba kasi sinabi na niluto ko 'yon para sa kanilang dalawa? Malamang ay hindi talaga nila iisipin na magtira para sa akin dahil sabi ko nga ay para sa kanila 'yon. Tss. Gano'n pa man ay napangiti ako sa sinabi ni Rhean.
"S'yempre, hindi ako ang nagluto niyan kung hindi 'yan masarap."
Mahinhing napatawa si Rhean sa aking sinabi. Lumingon ako kay Eduard na naglalakad na patungo sa kaniyang kama, pero muli akong napalingon kay Rhean nang makitang naghuhubad si Eduard at may balak yatang magpalit ng kasuotan.
Grabe! Mahirap na at baka may makita pa ko na kung ano kung hindi ko ibabaling sa iba ang paningin ko.
Nagsalubong ang dalawa kong kilay nang makita ang pagngisi sa akin ni Rhean.
"Bakit naman ganiyan ka makatingin?" nagtataka kong tanong sa kanya.
"Wala naman. Tingnan mo si Kuya Eduard at nadapa na yata," mapang-asar niyang tugon sa akin.
Bumuntong hininga na lang ako. S'yempre, hindi naman ako baliw para maniwala na nadapa nga si Eduard na nagbibihis ngayon.
Ngumiti ako ng bahagya habang pinagmamasdan ko si Rhean.
Hindi ko akalain na napakalakas pala ng babaeng kaharap ko ngayon sa kabila ng karamdamang mayroon siya. Nakakatawa at nakakangiti pa rin siya hanggang ngayon.
BINABASA MO ANG
✓DON'T LOVE
Teen FictionBakit ba kailangan pang magmahal? "Kailangan ba talagang mamili sa pagitan ng buhay, pero walang pag-ibig? O Pag-ibig, pero walang buhay?" Tao ka kung nagmamahal ka. Pero, mamamatay ka kung magmamahal ka. Handa kana bang makapunta. . . Sa mundong w...