ROSALINDA
Hinihingal akong umupo sa isang malaking bato sa tabi ng puno ng mangga na pinaghintuan namin ni Eduard.
"Ayos ka lang ba, Binibining Rosalinda?" tanong ni Eduard sa akin.
Nakita ko ang pag-aalala sa kaniyang mga mata nang lumingon siya sa akin. Ngumiti ako sa kaniya at tumango.
"Ginoong Eduard, bakit ba para tayong mga kriminal na tumatakbo at nagtatago? Sinong dumukot kay Señora Anafe at bakit pinahahanap tayo ng mga guwardiya civil ngayon?"
Hindi ko na napigilang magtanong ng sunod-sunod kay Eduard.
Nagising na lang ako kaninang umaga dahil sa pagyugyog ni Eduard sa braso ko para ako gisingin at sinabi niya na kailangan naming umalis sa mansion at magtago. Pagkalabas naman namin ay may dalawang guwardiya civil agad ang bumungad sa amin. Buti na lang at natakasan namin sila.
Maghahapon na ngayon at wala pa rin kaming pahinga. Kapwa kami pagod at gutom dahil hindi pa kami nakakain simula pa kaninang umaga.
Narinig ko ang malalim na buntong hininga ni Eduard bago umupo sa tabi ko.
"Binibining Rosalinda, mayroon ka bang bagay na hindi sinasabi sa amin ni Binibining Rhean noon?"
Awtomatikong gumapang ang kaba sa aking sistema dahil sa aking narinig.
"Huh? A-Ano bang klaseng tanong 'yan, Ginoong Eduard?" Kinakabahan akong tumawa sa kaniya, pero hindi pa rin nagbago ang expression ng kaniyang mata.
"Binibining Rosalinda, hindi ka ba nagtataka? Nagmahal ka rin, Binibini. May nilabag ka ring batas katulad ng kapatid ko, pero bakit siya lang ang namatay? Bakit buhay ka pa hanggang ngayon?"
Nanginig ang dalawang kamay ko sa sinabi niya. Hindi pa rin nawawala ang kaba ko simula pa kanina, pero hindi ko magawang iiwas ang tingin ko sa kaniyang mga mata. Parang nakandado na ang mata ko sa mga mata niya.
"Binibining Rosalinda, sabihin mo. Mayroon ba kong dapat malaman tungkol sa 'yo?" Hinawakan niya ang kanang kamay ko na nakapatong sa pagitan naming dalawa at dahil doon ay naramdaman ko ang kuryenteng dumaloy bigla sa aking sistema.
Nakakainis! Dapat ko bang maramdaman pa ito sa kalagayan ko ngayon? Hindi rin naman ako p'wedeng tumakbo dahil hawak niya ang kamay ko.
Huminga ako ng malalim. Mukhang kailangan ko talaga siyang harapin ngayon.
"Ang totoo niyan, Ginoong Eduard-"
"Iyon sila! Nakaupo sa puno!"
Sabay kaming napalingon ni Eduard sa pinanggalingan ng boses. Nakita namin ang tatlong guwardiya civil na patungo sa aming direksiyon bitbit pa ang kanilang malalaking baril.
Waah! Hindi ko talaga alam kung anong tawag sa mga 'yon. Dapat pala criminology ang kinuha kong course sa college.
Natataranta kaming tumayo ni Eduard sa aming inuupuan at muling tumakbo bago pa man kami maabutan ng mga guwardiya civil. Hindi ko alam kung saang lugar na kami naroroon, pero kung ilalarawan ko ang aming paligid ay nandito kami ngayon sa mga palayan.
Hindi na namin alintana ang putik na tinatapakan namin ngayon kahit pa ang pagtunog ng kumakalam naming tiyan. Nasa isipan naming pareho na unahin ang kaligtasan bago ang lahat.
Nang akala naming magiging madali lang makatakbo sa mga guwardiya civil na humahabol sa amin ay doon kami nagkamali. Bigla silang nagpaputok ng baril na naging dahilan para umiwas kami habang tumatakbo.
Buti na lang at malayo kami sa mismong siyudad ng Carmona kundi ay baka nagkaroon na ng kaguluhan dahil sa aming dalawa ni Eduard at sa mga guwardiya civil na humahabol sa amin ngayon.
"Eduard, iwan mo na ko. Ako lang naman ang kailangan nila kaya alam kong hindi ka na nila hahabulin at papatayin kapag nahuli na nila ko," hinihingal kong pahayag kay Eduard habang patuloy pa rin kami sa pagtakbo.
Grabe! Napaka lawak yata ng palayan na napuntahan namin. Walang katapusan. Buti na lang at huminto na sa pagbaril 'yong mga guwardiya civil sa aming likuran. Naubusan na yata sila ng bala. Mabuti naman kung gano'n.
"Tss. Ano bang sinasabi mo, Binibining Rosalinda? Hindi kita tinulungan makatakas sa mansion simula pa kanina para lang iwanan kita ngayon."
Naramdaman ko ang inis ni sa bawat salitang binibigkas niya.
Lumingon ako sa kaniya at ngayon ko lang napansin ang iritado niyang mukha. Bakit? Totoo naman ang sinabi ko kanina e.
"B-Bakit mo ba ko gustong tulungan, Ginoong Eduard?" kinakabahan kong tanong sa kanya.
Bigla akong nakaramdam ng takot sa maaari niyang maging sagot sa aking katanungan. Sa halip na sagutin niya ko ay hinawakan niya ang aking kamay. Huminto siya sa pagtakbo kaya napahinto na rin ako.
"Ginoong Eduard, kailangan na-"
"May butas dito, Binibining Rosalinda. Dito tayo magtatago."
Napakunot ang noo ko sa kaniyang tinuran, pero sa halip na magtanong ay sinundan ko na lamang ng tingin ang pinagmamasdan niya. Palayan pa rin ang inaapakan namin. Tama ang sinabi ni Eduard. Mayroon ngang butas na nakatago o natatakpan ng mga bagong tanim na palay. Hindi na maputik dito kaya p'wedeng-p'wede kaming magtago.
Malaki ang butas na nakita namin. Hindi na ko nakapagsalita dahil agad akong hinila ni Eduard patalon sa butas na nakita namin. Kinagat ko ang aking ibabang labi para pigilin ang sarili na sumigaw. Pinikit ko na lamang ang aking mga mata at naghintay ng babagsakan namin. Hawak pa rin ni Eduard ang kamay ko at nakakagulat dahil 'yon ang naging dahilan para gumaan ang pakiramdam ko.
Dumilat ako nang bumagsak na kami sa lupa. Nakatayo pa rin kami dahil mababa lang naman ang binagsakan namin, pero napakapit ako ng mahigpit kay Eduard nang makita ang dilim sa paligid. Hindi ko namalayan na nararamdaman ko na pala ang hininga ni Eduard sa aking noo dahil sa sobrang lapit namin sa isa't-isa.
"Binibining Rosalinda, huwag kang matakot. Nandito lang ako. Aalis agad tayo rito kapag sigurado na tayong wala na ang mga guwardiya civil na humahabol sa atin." Dumampi ang labi ni Eduard sa aking noo nang magsalita siya.
Naramdaman ko ang pag-init ng dalawang pisngi ko dahil dito. Salamat sa kadiliman dahil tinatakpan niya ngayon ang namumula kong mukha.
Samantala, napangiti ako sa pagpapagaan ng loob sa akin ni Eduard.
"Salamat, Eduard." Bumulong ako sa kaniyang tainga kahit pa napaka lapit namin sa isa't-isa.
BINABASA MO ANG
✓DON'T LOVE
Teen FictionBakit ba kailangan pang magmahal? "Kailangan ba talagang mamili sa pagitan ng buhay, pero walang pag-ibig? O Pag-ibig, pero walang buhay?" Tao ka kung nagmamahal ka. Pero, mamamatay ka kung magmamahal ka. Handa kana bang makapunta. . . Sa mundong w...