Kabanata 41

8 3 0
                                    

ROSALINDA

Sa kakalakad ko ay nakaramdam ako ng pagod at gutom. Naalala ko, binigyan ako nina Andrei ng pera bago kami naghiwa-hiwalay. Kaya lang hanggang ngayon ay hindi ko alam ang halaga ng pera na binigay nila.

Isang malaking pera na kulay brown ang binigay nila sa akin at masasabi ko na kasing laki ito ng one half paper.

Ang laki talaga, 'di ba?

Iniisip ko nga rin na kung sakali ay hindi ko ito gagastusin para maiuwi ko kapag nakabalik na ko sa panahon ko. Para naman may souvenir ako galing dito, 'di ba? Kaya lang, baka gutom ang maging sanhi para hindi na ko makabalik sa panahon ko at mamatay na ko rito.

Tumigil ako sa paglalakad nang makakita ako ng isang restaurant na tila mga robot ang waiter at waitress. Literal na robot at ang nakaupo sa counter ay isang tao na nakain na rin ng sistema ng computer. Isang bakal na kulay silver ang kanang kamay niya.

Feeling ko ay tumutulo na ang laway ko nang makita sa hindi kalayuan ang mga hitsura ng pagkaing tinitinda nila. Parang pang french ang istilo ng mga pagkain na nakikita ko kaya mas lalo akong natakam kahit na hindi pa ko nakakatakim ng french foods.

Tumingin ako sa weird na babaeng nakaupo sa counter ng restaurant at dahil isang glass ang pintuan ng restaurant ay madali kong nakita ang biglaang pagtitig sa akin ng babae. Sa takot ko sa masamang tingin ng babae ay napaatras ako ng hakbang.

Sa dinami-daming tao na naglalakad sa harap ng restaurant kasabay ko ay bakit sa akin pa siya tumingin?

Umiwas ako ng tingin sa kaniya at umakto na parang hindi ko siya nakita saka pinagpatuloy ang paglalakad.

Sa aking paglalakad ay hindi na kumalma ang puso ko at patuloy na ito sa mabilis na pagtibok dahil sa kaba. Pansamantala kong nakalimutan kanina na nasa isang mission nga pala ko. Hindi ko maaaring ibaba ang guard ko dahil lang sa nagugutom ako.

Ibang klase na talaga ang mga tao ngayon. Malay ko ba kung kaya na rin nilang basahin ang nasa isip ko. May takas pa kaya ko kung mangyari 'yon? Wala mang nabanggit sina Eazel tungkol sa mga taong robot na may kakayahang makabasa ng isip ay kailangan ko pa ring maging maingat sa lahat ng oras.

"Miss, nais n'yo po bang pumasok at kumain sa restaurant namin?"

Mas lalo pang dumoble ang kaba ko nang makita na ang babae na nakaupo lamang kanina sa counter ay nasa labas na ng restaurant at kausap ako. Para na kong hihimatayin sa kinatatayuan ko dahil hindi ko malaman ang aking gagawin.

Tumingin muna ako sa ibang direksiyon at huminga ng malalim. Pagkatapos ay muli kong binalik ang aking paningin sa taong robot na nasa harapan ko.

Kumpara kina James at Rhean na nawala na talaga ang pagiging tao at naging ganap na robot, ang babaeng kausap ko ngayon ay isang tao na may kamalayan pa, pero may ibang parte ng katawan niya ang robot na. Katulad na lamang ang kamay niya.

Hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin ako sa nakikita ko dahil maaaring ito ang kahihinatnan ng mundo, pero kailangan ko munang isantabi ang emosiyon na 'yon at ipagpatuloy ng maayos ang aming plano.

"Sure. Ang ibig kong sabihin ay sige," nakangiti kong sagot sa kaniya.

Ngumiti rin siya ng malawak sa akin at pagkatapos ay iginaya niya ko papasok ng restaurant. Bago 'yon, huminto muna kami sa tapat ng pintuan ng restaurant at pagkatapos ay tinapat niya ang kaniyang palad sa tapat ng door knob. Nagsalita ng kung anong lengguwahe ang kung anong device mula sa loob ng restaurant at pagkatapos ay bumukas na ang pinto.

Tumigil sa pagpasok 'yong babae at humarap siya sa akin. Parang may hinihintay siya na gawin ko, pero hindi ko alam at wala akong idea kung ano 'yon.

"Ang 'yong palad ay itapat mo na bago pa magsara ang pinto," hudyat pa ng babae sa akin.

Nataranta ako sa pinahiwatig niya.

Ano bang akala niya sa akin? Na isa rin akong kalahating computer o robot katulad niya? Hala! Ano ng gagawin ko?

"Ah, eh. . . ang palad ko?"

Tila nagbago ang expression ng babae sa akin. Para siyang naaawa sa akin nang hindi ko malaman kung bakit.

"Sira ba ang sistema mo ngayon? Paumanhin. Ako na ang bahala."

Hindi ko maintindihan ang pinagsasabi ng kausap ko. Basta pumunta na lang siya ulit sa harapan ng door knob at ngayon naman ay parang may tinitipa siya roon. Nang matapos siya ay nakangiti niya na ulit akong pinapasok sa loob ng restaurant.

Nang makapasok ako sa loob ay muntikan na kong madulas sa pagiging others ko sa panahon na ito dahil ang restaurant na nakita ko sa labas kanina ay isa pa lang malaking field na may stage sa gitna.

Puro robot lang ang nakikita ko kanina, pero ngayong nakapasok ako sa loob ay masasabi kong napakaraming tao. May iisang tao na nakatayo sa stage at tila may sinasabi at ang iba naman ay nasa paligid at tahimik na nakikinig.

Luminga ako sa paligid upang tanungin 'yong babaeng kasama ko kanina na pumasok dito, pero laking pagtataka ko nang mawala na lang siya bigla na parang bula.

Hindi ko alam kung anong klaseng lugar ang napasukan ko kaya pinili ko na lang na makinig sa taong nagsasalita sa unahan habang maingat na tinatakpan ang mukha ko ng suot kong hoodie.

Naisip ko rin na baka may makalap akong impormasyon tungkol sa battery kung mananatili ako rito at makikinig sa sinasabi ng tao na nakatayo sa unahan.

"Inuulit ko. Nakapasok na sa tunay na mundo ang mga rebelde kasama ang nagpapanggap na diyos na si Rosalinda Delfin. Kapag nakakita kayo ng isang kahina-hinalang babae ay maaaring siya na 'yon. Tandaan ninyo na walang ibang dapat tingalain kundi ang pinuno lamang. 'Yon lang at makakaalis na kayo."

Natigilan ako sa anunsyo na narinig ko. Lalo na nang banggitin banggitin pa ang pangalan ko.

Ano raw? Ako ay nagpapanggap na isang diyos? Hindi ba parang mali ang tinuturo nila sa mga tao?

Totoo nga. Totoo nga na sa panahong ito ay may pinunong nabubuhay para mabilog ang utak ng maraming tao.

✓DON'T LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon