ROSALINDA
Simula elementary pa lamang ay hindi na ko mahilig sumali sa mga sports o ano mang activity sa school na kakailanganin ang physical stregth. May pagkalampa kasi ako at hindi ako gano'n kalakas. Laging sinasabi ng mga magulang ko na masasaktan lang ako sa oras na sumali ako.
Hindi ako kumikibo sa sinasabi ng mga magulang ko dahil hindi ko rin naman alam kung tama sila o sadyang ako lang ang walang lakas ng loob para ipakita ang kakayahan ko sa iba. Tumatahimik lang ako at ginagawa ang dapat kong gawin sa araw-araw.
Ngayon, tinuturuan ako ni Sierge kung paano ang tamang paghawak sa isang baril. Nasa ilalim man kami ng karagatan ay pinagpapawisan pa rin ako dahil sa pinapagawa sa akin ni Sierge.
Hindi niya pa ko tinuruan kung paano kalabitin ang gatilyo ng baril dahil importante na lumakas daw muna ang katawan ko lalo na ang aking dalawang kamay para mas magamiy ko ng maayos ang baril. Kung hindi raw kasi, maaaring ako ang tumalsik kapag hindi ko nakayanan ang impact ng pagputok ng bala.
"Rosalinda, magpahinga ka na muna. Magpapatuloy na lang tayo ulit sa loob ng isang oras." Inabutan ako ng isang boteng tubig ni Sierge at isang kulay puting tuwalya na maliit.
Nakangiti ko itong kinuha sa kaniya. "Maraming salamat."
"Wala 'yon, Rosalinda. Kung nais mong maglibot sa labas ng ating hideout ay maaari kang lumabas ngunit huwag mong kakalimutang suotin ang water helmet upang patuloy kang makahinga sa hangin. Isa pa, huwag mo rin tatangkain na lumabas sa harang ng lugar upang hindi manganib ang iyong buhay dahil sa lalim ng dagat."
Sa haba-haba ng sinabi ni Sierge ay isang tango lang ang tinugon ko sa kaniya. Daig niya pa ang magulang ko sa kakapaalala sa akin.
Sa nakalipas na oras ay napagtanto ko na tunay na mabuti at maaasahan itong si Sierge. Sa tuwing aangal na ko sa pagod o sasakit bigla ang katawan ko ay pinapahinto niya agad ako sa pagsasanay at inaasikaso ako. Kung wala nga lang nagmamay-ari ng puso ko ngayon ay baka mabilis na kong nahulog sa kaniya. Napaka-maginoo niya kasing lalake. Katulad siya ng taong 'yon.
Bahagyang kumirot ang puso ko nang pansamantalang nag-flash ang imahe ni Eduard sa aking isipan. Kung hindi lang siya maagang namatay ay mas naiparamdam ko pa sana sa kaniya ang nararamdaman ng puso ko.
Robot, tao, o kung ano pa man si Eduard ay alam kong may damdamin din siya at hindi ako nagsisisi na minsan ko ng minahal ang isang kagaya niya.
Umupo ako sa nakita kong bench. Nasa labas na ko ng hideout. Kahit na para pa rin talaga akong nasa loob ng isang malaking aquarium, ang hitsura ng paligid ay parang katulad pa rin sa pekeng mundo na sinasabi nila. Tumingin ako sa itaas ko.
Napaka ganda pa lang pagmasdan ang tubig sa itaas sa tuwing may araw. Nagtitila isang crystal clear ang hitsura nito.
Kasalukuyan pa rin akong nakaupo. Naramdaman ko na tila may gumagalaw sa bandang balikat ng aking damit. Paglingon ko rito ay napatalon na ko sa kinauupuan ko nang makakita ng isang salagubang.
"Pati ba naman sa dagat, may salagubang?" Parang baliw na kausap ko sa sarili pagkatapos matanggal ang salagubang sa aking damit.
Nakarinig ako ng mahinang pagtawa malapit sa kinatatayuan ko. Lumingon ako rito at nakita ko si JR na nakaupo na sa bench na inuupan ko kani-kanina lang.
Nanliit ang mata ko nang makita ko siya.
"Napaka antipatiko mo talaga. Ako ang nakaupo d'yan kanina e."
Lumingon siya sa direksiyon ko at poker face akong tinitigan. "At ako na ang nakaupo ngayon."
Mas lalong naningkit ang mata ko dahil sa sinabi niya. "Alam mo, ang dami-daming p'wedeng pagtambayan sa lugar na 'to dito ka pa napadpad. Nauna ako rito e."
"Huh? Bakit? Pakialam mo ba kung saan ko gustong tumambay? Gusto ko rin dito e."
"Tsk. Fine. D'yan ka na! Mabulok ka sana sa inuupuan mo!" Inirapan ko muna siya bago ako tumalikod at padabog na naglakad palayo.
Nakakainis talaga ang lalakeng 'yon. Simula pa lang nang makilala ko siya ay hindi na niya ko tinantanan sa pang-aasar sa akin. Ngayon, pati sa pamamahinga ko ay ginugulo niya ko. May gana pa siyang magpigil ng tawa kanina, alam ko naman na siya ang naglagay ng salagubang sa damit ko.
Kaasar! Sa sobrang inis ko ay muntik pa tuloy akong mabangga sa isang poste na nakaharang sa pagitan ng karagatan at sa kinalalagyan ko. Mabuti na nga lang at may mabilis na humila sa akin pabalik.
Kinakabahan kong tiningnan kung sino mang humila sa akin at bahagyang nanlaki ang mata ko nang makita si JR na tila nakatingin sa ibang direksiyon.
"M-Mag-ingat ka. Lampa ka pa naman. Tsk," banat niya sa akin at mabilis akong tinalikuran.
Nagpapasalamat pa lang sana ako sa kaniya, pero mabuti na lang nabitin sa ere ang boses ko. Minsan na nga lang gagawa ng kabutihan sa buong buhay niya ay hindi pa nawala ang pang-aasar niya. Tsk.
Samantala, natuon ang paningin ko sa papel na nalaglag ni JR mula sa kaniyang bulsa bago niya ko tinalikuran kanina. Kinuha ko ito at pinulot.
Ano kaya 'to? Kung hindi ko kaya ito ibalik sa kaniya at nang makabawi ako sa pang-aasar niya sa 'kin?
Naka-fold ito kaya hindi ko agadalaman kung gaano ito kalaki. Nang dahan-dahan ko itong buksan ay bumungad sa akin ang imahe ng isang babae na tila may pagkahawig sa akin.
Nakahati ang buhok nito sa gitna at nakatirintas ng maliit ang buhok niya sa unahan. Parang nang-aakit at nakakagaan ng loob ang ngiti ng babae, pero ang mas pumukaw ng atensyon ko ay ang pangalan na nakalagay sa ibaba ng papel.
Rosalyn
Nagsalubong ang dalawang kilay ko sa nabasa.
Sino ang babaeng ito at bakit kamukha ko siya?
Ako si Rosalinda Delfin na mula sa taong twenty-twenty ay napadpad sa taong thirty one hundred kung saan bawal magmahal ang mga tao at kasalukuyang naguguluhan sa misteryong tinatago ng mga taong tinuturing kong kaibigan.
Rosalyn, sino ka?
BINABASA MO ANG
✓DON'T LOVE
Dla nastolatkówBakit ba kailangan pang magmahal? "Kailangan ba talagang mamili sa pagitan ng buhay, pero walang pag-ibig? O Pag-ibig, pero walang buhay?" Tao ka kung nagmamahal ka. Pero, mamamatay ka kung magmamahal ka. Handa kana bang makapunta. . . Sa mundong w...