Kabanata 20

17 3 0
                                    

ROSALINDA

Maraming nakapagsabi na ang buhay na 'tin sa mundo ay hindi dapat na 'tin sinasayang sapagkat ito ay panandalian lamang sa mundo. Ito ay hiram lamang sa may kapal at ano mang oras ay maaari niya itong bawiin mula sa atin.

Sa mga oras na ito, bakit ngayon ko lang naiisip ang halaga ng buhay ng isang tao?

Naalala ko pa, bago ako magtungo o mapadpad sa panahong ito ay hiniling ko na sana ay mamatay na lang ako. Paulit-ulit ko pang tinatanong, bakit ba kailangan pang magmahal ng isang tao? Nakakatuwang isipin na napunta ako sa panahong ito para sagutin at makipag-debate sa sarili kong katanungan.

Ano nga ba ang dahilan kung bakit ako napadpad sa panahong ito? Marahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nalalaman ang maiaambag ko sa mundong ito, pero nagpapasalamat ako dahil nakilala ko at nasaksihan ang mga tao sa mundong ito at kung anong uri ng pamumuhay mayroon sila.

"E-Eduard, k-kukuha ako ng bagong panyo at tubig. B-Bantayan mo lang muna si Binibining Rhean."

Tumango si Eduard sa akin bilang tugon. Sandali akong sumulyap kay Rhean na hindi pa rin humihinto sa pag-ubo. Sobrang tuyo ng ubo niya. Katabi niya si Eduard na hinahagod ang kaniyang likuran.

Bumuntong hininga ako ng malalim para pakalmahin ang aking sarili. Tumalikod na ko at nagtungo sa kusina dala ang isang maliit na planggana at basang panyo.

Tinapon ko ang lamang tubig doon at pinalitan 'yon ng bago. Binasa ko at piniga ulit ang panyo at saka nilagay sa planggana kina Eduard at Rhean. Binilisan ko ang lakad ko dahil baka bigla kong matapon ang aking dala dahil sa panginginig din ng dalawang tuhod ko.

Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ba parang sobra akong kinakabahan ngayon? Ganito naman lagi ang nangyayari kay Rhean kaya dapat ay masanay na ko.

"E-Eduard, kumusta na si Rhean?" tanong ko kay Eduard nang makarating na ko sa direksiyon nila.

Lumingon sa direksiyon ko si Eduard at hindi pa siya nagsasalita ay nabakas ko na sa kanyang mukha ang bahagyang lungkot na ngayon ko lamang nasilayan mula sa kanyang maamong mukha.

Tumingin ako kay Rhean at nakita kong patuloy pa rin siyang umuubo na hindi pa yata humihinto mula pa kanina. Dati-rati, ilang minuto o oras lamang ay humihinto na sa pag-ubo si Rhean, pero ngayon ay ilang oras na ang lumilipas.

Naramdaman ko na naman ang kirot sa aking dibdib nang mapagmasdan ko ang mukha ni Rhean. Wala namang pinagbago sa laki ng katawan niya, pero makikita sa kanyang mukha ang labis-labis na paghihirap. Isang uri ng tanawin na nagbibigay sa akin ng bangungot at labis-labis na pighati.

"Sabi niya ay nais ka raw niyang makausap, Binibining Rosalinda."

Muling nabaling ang tingin ko kay Eduard, pero bigla siyang nag-iwas ng tingin sa akin. Tumayo siya at walang imik na naglakad patungo sa kanyang higaan. Nakaramdam ako ng kakaibang lungkot dahil sa kinilos ni Eduard.

"Rosalinda. . ."

Magtatanong pa sana ako kay Eduard, pero bigla kong narinig ang boses ni Rhean. Nagugulumihanan man ang aking puso't damdamin ay nilapag ko sa sahig ang dala kong maliit na planggana at umupo sa tabi ni Rhean na muli na namang umubo.

"Ano 'yon, Rhean?" Ngumiti ako sa kanya kahit hindi naman niya ko nakikita dahil lumabo na rin ang paningin niya.

Malabo na nga ang paningin ni Rhean kaya hindi na niya kami nakikita ni Eduard at ito ang isa pa sa mga dahilan na nagpapakirot ng aking puso.

"Salamat naman at nand'yan ka na, Rosalinda." Napaubo na naman siya pagkatapos magsalita.

Hinawakan ko ang kanang kamay ni Rhean na nagpangiti sa kanya kahit na nakikita ko sa kanyang mata ang labis-labis na panghihina.

"Nandito lang ako lagi sa tabi mo, Rhean." Kinagat ko ang aking ibabang labi dahil nagbabadya na naman ang luha ko na patulo na naman sa aking pisngi.

"Kumusta? Marami ka na bang natutunan o nalalaman sa lugar na 'to?"

Natigilan ako sa tanong ni Rhean, pero pagkalipas ng ilang sandali ay tumango ako sa kanya.

"Marami, Rhean at marami na rin akong dahilan para manatili rito." Mahina akong bumuntong-hininga.

Marami na kong dahilan para manatili sa panahon na ito, Rhean kahit na alam kong hindi dapat ako manatili sa panahong ito.

"Masaya ako kung gano'n, Rosalinda. Alam mo ba, Rosalinda. . ." Huminto siya sa pagsasalita nang muli siyang inatake ng kanyang ubo.

Tatayo na sana ako para humingi ng tulong kay Eduard, pero pinigilan ako ni Rhean. Hinawakan niya ang aking palad ng mahigpit. Lumingon ako sa kanya at huminga ng malalim.

"Dito ka lamang, Rosalinda."

Naguguluhan man ang aking isipan dahil sa kanyang pakiusap ay tumango na lang ako. Mas dumoble ang kabang nararamdamam ko nang makita ang nahihirapang hitsura ni Rhean.

"Rosalinda, huwag na huwag mong iiwanan mag-isa ang kuya ko. Nais ko sana na kapag wala na ko-"
   
"Sandali, Rhean! Bakit mo ba sinasabi sa akin ang mga bagay na 'yan ngayon?"

Naramdaman ko ang panginginig ng aking mga labi nang magsalita ako. Dumaloy na lang bigla ang mga luha na ilang araw ko ng pinipigilan. Hindi agad sumagot si Rhean sa katanungan ko. Ngumiti siya sa akin bago ako sinagot.

"Rosalinda, naaalala mo pa ba ang araw nang una na 'ting pagkikita? Wala pa kong pakialam sa kung sino man noon maging sa kaisa-isang tao na lagi kong kasama, si kuya Eduard."

Minabuti ko na lamang na hindi kumibo at yumuko na lang. Hinayaan ko na bumagsak ng tihimik ang aking mga luha sa aking magkabilang pisngi.

"Pero, aaminin kong naging interesado na ko sa 'yo noon pang pinakita mo sa amin ang kakaiba mong personalidad. Lalo na nang paulit-ulit mong sinasabi na hindi kasalanan ang magmahal."

Inangat ko ang aking paningin at sa sandaling nagtama ang aming mga mata ay nakita ko ang pagbagsak ng kanyang luha sa kauna-unahang pagkakataon.

"R-Rhean. . ."

"Rosalinda, paalam na."

Mas lalo akong napaiyak sa dalawang salitang binitiwan niya. Sunod-sunod ang naging pag-iling ko habang pinupunasan ang aking mga luha na patuloy sa pagbagsak. Naramdaman ko ang muling paghawak niya sa aking kamay.

"Rosalinda, pakiusap. . . mamaalam ka na rin sa akin." Nakita ko ang muling pagbagsak ng kanyang mga luha.

Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap ko si Rhean ng napaka higpit.

"Ayaw ko!"

Umalingaw-ngaw sa buong silid ang boses ko dahil sa aking sigaw.

✓DON'T LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon