Kabanata 25

15 2 0
                                    

ROSALINDA

"Huwag kang bumaba rito, Binibining Rosalinda. Hayaan mong ako na lang ang bumaba para kumuha ng ating makakain."

Nakayuko akong tumango kay Eduard habang nakahawak ng mahigpit sa sanga ng puno na inuupuan ko. Malapit ng magdilim ang kalangitan at wala kaming kaalaman kung saan kami matutulog. Pinaghahanap na yata kami ng buong mundo.

Magiging maayos pa kaya ang pamumuhay naming dalawa?

Dahil sa mga guwardiya civil na humahabol sa amin ay wala na kaming ibang paraan kundi magtago sa lugar na hindi mas'yadong nakikita ng mga tao. Sa itaas ng puno.

Sa totoo lang ay kanina pa ko nangangati rito at hindi na nawala ang kaba sa sistema ko dahil ano mang oras ay may posibilidad na malaglag ako rito, pero uunahin ko pa ba ang kaartehan ko kaysa ang kaligtasan naming dalawa ni Eduard?

Hindi talaga ang mga bagay na 'yon ang pinoproblema ko ngayon kundi ang mga katagang sinambit ni Eduard kanina. Naalala ko rin 'yong mga sinabi nila sa akin tungkol sa iba't-ibang uri ng pagkamatay ng taong natutong magmahal.

May mga namatay sa sakit, may mga sadyang nagpapakamatay, at ang iba ay pinapatay mismo.

Kung gano'n ba ay isa ako sa mga taong kailangan patayin dahil sa pag-ibig na natutunan ko? Kung gano'n nga ay wala na dapat pagdudahan pa si Eduard.

Gano'n pa man, may isang katotohanan pang hindi ko maiaalis. Ito ang maaaring posibilidad kaya hindi pa ko namamatay katulad ng nangyari kay Rhean.

Alam ko at batid ko na hindi ako taga-rito sa panahon na ito. Isang dayuhan lamang ako kung maituturing at ito ang maaaring dahilan kung bakit hindi pa ko namamatay hanggang ngayon.

Tumingin ako sa ibaba ng puno kung nasaan ngayon si Eduard. Hindi ko na namalayan kung kailan pa siya nakababa.

"Diyan ka lamang, Binibini. Hintayin mo ako." Sumigaw siya sa akin mula sa baba.

"Ginoong Eduard, mag-iingat ka sana. Huwag na huwag mong hahayaang mahuli ka nila," nag-aalala ko siyang tinitigan sa kaniyang mata.

"Pangako, Binibini. Babalikan kita." Ngumiti pa siya sa akin bago ako tuluyang iniwan.

Pagkaalis niya ay isang malalim na buntong hininga ang napakawalan ko.

Pangako. . .

Isa ang katagang 'yan sa mga salita na matagal ko ng hindi pinaniniwalaan, pero kung iisipin ko ang lagay ko ngayon dito sa taong thirty one hundred, sa palagay ko ay ayos lang kung maniwala ako sa katagang 'yon kahit papaano. Wala naman ako ngayon sa panahong twenty-twenty.

Nagbalik ang isip ko sa kasalukuyan nang makita si Eduard dala ang isang paper bag. Maingat siyang umakyat sa puno ng acacia na kinalalagyan ko ngayon. Inabot ko ang dala niya nang malapit na siya sa kinalalagyan ko para makaakyat siya ng maayos. Tiningnan ko ang loob ng dala niyang paper bag at ito ay naglalaman ng pandesal at dalawang bottled water.

"Pasensiya ka na, Binibini. Gustuhin ko man bumili ng mas kaaya-ayang pagkain ay hindi ko magawa. Nagkalat ang mga guwardiya civil sa pamilihan at kailangan ko pang magbalat-kayo para lang hindi nila mapansin," kuwento niya nang makaupo na siya sa sanga malapit sa inuupuan ko.

"Ayos lang, Ginoong Eduard. Ang mahalaga ay ligtas kang nakabalik. Maraming salamat."

Isang makahulugang ngiti ang tinugon niya sa akin, dahilan para mapagmasdan ko siya. Ngayon ko lang napansin ang kaniyang braso na hawak-hawak niya pala kanina pa. May nakita akong dugo rito kaya nag-aalala akong nagtanong sa kaniya.

"Anong nangyari d'yan?"

"Wala ito, Binibining Rosalinda. Nadaplisan lang ako ng bala kanina noong hinahabol nila tayo."

Umiling ako sa kaniya. "Hindi 'yan wala lang, Ginoo. Maaari kang mamatay kung hahayaan mong tumulo ang 'yong dugo." Nanginginig kong pinunit ang laylayan ng aking saya at humarap sa kaniya nang hindi alintana kung malaglag man ako sa puno.

Inabot ko ang braso ni Eduard at pinulupot dito ang kapiraso ng tela ng aking saya upang mapigilan ang pagkaubos ng kaniyang dugo kahit papaano.

Tahimik lamang na nakatingin si Eduard sa ginagawa ko. Nang matapos ko itong itali ay muli akong humarap kay Eduard.

"Sa kalagayan mo ngayon, mas mainam sana kung madala kita sa pagamutan. Kaya lang mukhang wala naman kayong gano'n sa panahon n'yo." Yumuko ako at hinayaan ang pagbagsak ng mga luha ko sa aking pisngi.

"Sinabi ko naman kasi sa 'yo na hayaan mo na lamang ako. . ."

"Ayos lang ako, Binibini. Hindi mo na kailangan pang mag-alala sa akin." Hinawakan niya ang baba ko at iniangat ang tingin ko sa kaniya.

Pinunasan niya ang mga luha ko gamit ang isa pa niyang kamay at tinitigan niya ang mga mata ko. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi.

"Maaari ka bang magkuwento sa aking ng tungkol sa 'yo?" tanong niya habang nakatingin pa rin sa aking mga mata.

"O-Okay, pero bitiwan mo muna ako."

Dahil sa sinabi ko ay binitiwan niya na rin ang baba ko. Bumuntong hininga ako ng malalim nang muli kong maramdaman ang pag-init ng dalawang pisngi ko.

"K-Katulad nga ng sinabi ko inyo, ako si Rosalinda Delfin."

Dahil sa gutom ko ay kumuha muna ako ng pandesal at kumain.

"Matagal ko ng batid ang tungkol doon, Binibining Rosalinda."

Tumango ako sa sinabi ni Eduard habang inuubos ang laman ng aking bibig. Nako, paano ko ba ipapaliwanag sa kaniya ito nang hindi niya iisipin na nagbibiro lang ako o nagsisinungaling?

"Paano ko ba sasabihin 'to? Una sa lahat, maipapangako mo ba na wala kang gagawin na kung ano o makakaramdam ng galit sa sasabihin ko?"

Napakunot-noo siya sa sinabi ko, pero nang maunawaan na niya ang aking katanungan ay pansamantala siyang napaisip sa sinabi ko.

"Hindi ko maipapangako ang lahat subalit makakaasa ka na uunawain ko ang lahat ng iyong sasabihin sa abot ng aking makakaya. May nais din akong ipaalam sa iyo pagkatapos." Ngumiti siya sa akin na nagpagaan muli ng aking kalooban.

Ewan ko ba. Parang may mahika lagi ang ngiti niya sa akin. Samantala, wala naman akong dahilan para itago pa sa kaniya ang katotohanan tungkol sa akin.

"Sa aking panimula, nais kong sabihin sa iyo na hindi totoo na nawalan ako ng alaala. Ang totoo niyan ay marami talaga kong bagay na hindi alam sa mundo n'yo. Iyon ay dahil hindi talaga ako nagmula rito sa panahon na ito. Ako ay naiiba sa lahat, Ginoong Eduard."

✓DON'T LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon