KABANATA 12

19 2 0
                                    

“Hindi na lumalabas ng bahay si Laura, Señiorita at batid kong alam na niya na ikaw ang may pakana ng lahat.” tugon ni Marites at nanlaki ang mga mata ng makita si Doña Felita na siyang gulat din sa napakinggan.

Dahan dahang napalingon si Rasilita sa inang gulat na nakikinig sa may hagdanan. Hindi ito makapaniwalang nagawa iyon ng kanyang anak.

“Hindi iyon magagawa ni Corazon sa kanyang kaibigan. Sabihin mo sa akin Rasilita, ikaw ba ang nag-udyok upang gawin iyon ni Corazon?!”umalingawngaw sa mansion ang sigaw ni Doña Felita.

Hindi nakasagot si Rasilita. Kahit sumagot man siya at ipagtanggol ang sarili ay hindi naman siya paniniwalaan ng kanyang ina.

“Sabihin ko man na hindi ako subalit hindi naman kayo maniniwala sa akin. Ang nangyari ay nangyari na kung kaya’t wala na akong magagawa pa.” tugon ni Rasilita at lumabas ng mansion.

Bago pa siya makalabas ng tuluyan ay rinig na rinig niya ang mga sigaw ng kanyang ina na pasundan siya ng mga guwardiya.

******

“Wala na ba akong nagawang mabuti sa paningin ni ina?” tanong ni Rasilita sa kanyang sarili. Ngayon ay nakaupo lang siya sa ilalim ng malaking puno sa di kalayuang burol sa kanilang hacienda. Dito nagising si Zonya, ang bago niyang kapatid. 

Hindi siya nasundan ng mga guwardiya kanina bagama’t mailap itong si Rasilita. Sunod sunod ang kanyang pagbuntong hininga.
Napatingin siya sa Ilog ng Kataksilan. Marahil ay siya ang nagtaksil sa kaibigang si Laura at sa anak ng Gobernadorcillo.

“Marahil ay ang daming bumabagabag sa iyong isipan Binibini.”,agad napatayo si Rasilita nang may biglang magsalita sa kanyang uluhan. Nasa itaas ito ng puno.

Agad siyang napatingin sa ibabaw ng puno at nakita ang isang Ginoo na nakasumbrero at nakadamit pangmagsasaka.

Tumalon ito mula sa taas at pinagpag ang kasuotan ng isang mababang tao sa lipunan.

“Ikaw ba si Binibining Corazon ang nag-iisang anak ng mag-asawang dela Concepcion?” umatras si Rasilita na hindi nakatingin sa lalaki.

“Bakit mo pa itinatanong iyan kung alam mo lang din pala.”mahina man ngunit rinig na rinig ng Ginoo na nasa edad bente dos. Malaki ang boses ni Rasilita kung kaya’t napangiti si Juan. Hindi ito ang Corazon na nakita niya noon.

Nanaig ang katahimikan. Tumalon siya mula sa itaas at humiga sa damuhan at itinakip ang sumbrero sa kanyang mukha.

Kahit kanina pa ay hindi nakita ni Rasilita ang mukha ng magsasaka. Hindi naman siya interesado.

“Subalit ano ang ginagawa ng isang Binibining mag-isa sa burol?”napairap si Rasilita.

“Kanya ba itong burol? O kanya ba itong puno?”tanong niya sa sarili.

“Kung ikaw ang tatanungin ano ang ginagawa mo ritong mag-isa sa burol?”

“Ako ay nagpapahangin lamang Binibini.”

“Kung gayun ay ganoon na rin ang aking kasagutan.”

Nanaig na naman ang katahimikan at biglang umihip ang malakas na hangin upang tangayin ang amoy ng lalaki patungo kay Rasilita.

“Ikaw ba ay isang magsasaka? Kung ikaw man, saang hacienda?”napatagilid si Juan. Nahulog ang kanyang sumbrero sa lupa at tumambad ang kanyang maamong mukha sa harapan ni Rasilita.

“Oo, ako ay isang hamak na magsasaka lamang sa hacienda de San Antonio.” nanlaki ang mga mata ni Rasilita. Kung ganun ang burol na kinatatayuan niya ngayon ay malapit sa hacienda de San Antonio?

Napaatras ulit si Rasilita. Kilala ang pamilyang San Antonio bilang hindi mapagpatawad. Ang nagkasala ay dapat maparusahan. Napalulon siya, hindi naman siguro siya sasaktan ng magsasakang ito.

“Ikaw ay magsasaka ngunit ang iyong amoy ay hindi gaya ng ibang magsasaka.”napangiti si Juan at dahan dahang tumayo.

“Ang lakas yata ng iyong pang-amoy Binibini at sa layo mong iyan ay naamoy mo pa ang aking pabango.”tugon niya. Dahan dahang dumuduyan ang  buhok nito sa kanyang noo dahil sa ihip ng hangin.

“Ang pabango mo ay nahahalintulad sa mga principales, kaya hindi ka magsasaka.”

“Ikaw ay nababagay maging abogada o kaya hukom.”

“Kapangahasan! Ang babae ay nararapat na sa tahanan lamang. Ang posisyong iyong mga nabanggit ay hindi saklaw sa aming pinag-aaralan.”nakataas baba si Rasilita sa kanyang mga prinsipyo.

Napangiti si Juan. Agad naman sumeryoso ang tingin kay Rasilita.

“Talaga bang ikaw si Binibining Corazon?” wika niya at napaatras na naman si Rasilita na siyang ikinatapilok niya at nasalo agad ni Juan ang kanyang bewang.

“Ang iyong mga naniningkit na mata, ang iyong malaking boses na puno ng prinsipyo ay iiba sa kilala kong Corazon.”

“Kung kilala mo ako, sino ka ba, Ginoo?”inaayos ni Juan sa pagkakatayo si Rasilita.

Agad itong napatalikod sa dalaga. Umihip ulit ang malakas na hangin.

“Ipakilala mo ang iyong sarili Ginoo. Kung ako ay iyong kilala bakit hindi ko maalalang nagkakilala na tayo?” katahimikan lamang ang sumagot kay Rasilita.

“Saang pamilya ka nanggaling? Ikaw ba ang isang de San Antonio?”dagdag na tanong ni Rasilita subalit nanatiling nakatalikod ang ginoo sa kanya.

Naglakas loob si Rasilita na lapitan ito.  Ang likod nito na tila yata pamilyar sa kanyang panginin.

“Kilala ba kita? O nakalimutan na ba kita?”subalit wala rin siyang maalala. Ang ginoong nakatalikod sa kanyang harapan ay ngayon niya lamang nakita sa tanang buhay niya.

Napalingon si Juan upang maharap ang puno ng tanong na dalaga. Kitang kita niya na hindi ito si Corazon bagkus totoo ang lihim nito na katauhan. 

Napatingin si Rasilita sa bulsang nasa dibbdib ng lalaki. Ang burda na naroon ay kagaya ng burdang nakikita niya sa damit ni Marites.

Nanlaki ang mga mata niya. Si Marites, na siyang pinagkakatiwalaan niya.

“Kilala mo ba si Marites?”takot na tanong ni Rasilita. Tumango lamang ang ginoo.
Pinulot nito ang sumbrero at ibinalik sa kanyang ulo. Inayos ang kanyang kwelyo sabay pagpag ng kanyang salawal. 

“Nagtataka ka ba Corazon kung bakit kilala ko si Marites?”

“Kalapastanganan! Hindi kita binigyan ng karapatan upang tawagin ako sa aking pangalan!”

“Kung gayun ay hindi nga ikaw si Corazon. Marahil ay ikaw ang kanyang kapatid.”gulat na gulat si Rasilita sa mga naririnig mula sa ginoo.

Kilala nga siya nito maging si Corazon. At si Marites. Napaisip si Rasilita. Si Marites ba ay nagtatraydor sa kanya?

“Hindi kita masisi kung hindi mo ako maalala. Subalit alam kong maaalala ako ni Corazon.”wika nito at hindi na nagpaalam na lumakad.

“Bilang sinasabi mong hindi ako si Corazon, nararapat lamang na ikaw ay magpakilala sa akin.”ngumiti si Juan. Distansiya na rin ang layo nilang dalawa. Kanina pa mabilis ang tibok ng kanyang dibdib hindi dahil nagagalak siya kundi dahil puno ito ng kyuryusidad sa pagkatao ni Corazon. 

Umihip ulit ang malakas na hangin. Ang pagduyan ng buhok ni Juan ay siyang pagsayaw ng saya at buhok rin ni Rasilita.

“Ako ang nakabangga ni Corazon noong inyong kaarawan. Ako ang ginoong inaakala mong espiya.”natulala si Rasilita, ang ginoong iyon ang nagtulak kay Corazon upang siya’y magising sa gitna ng kanyang mga bisita.

CoRaZonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon