“Mas nababagay sa akin ang kamatayan kaysa maging gobernadorcillo at makipag-isang dibdib kay Corazon na siyang iyo lamang kagustuhan ama! Ako bilang si Jaoquin, iniirog ni Laura ay susunod sa kanya!” isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ni Jaoquin na siyang dahilan upang mawalan ito ng malay na nakahandusay sa sahig malapit sa paanan ng kanyang ama.
“Ikandado mo sa kanyang silid ang iyong anak Cristita!” sigaw na utos ni Don Lucio subalit nanatiling naninigas ang kanyang asawa na takot na takot.
Tanging si Valentin lamang ang tumulong sa kanyang pinsan upang maitayo ito at maibalik sa kanyang silid. Nagtawag naman siya ng mga utusan para gamutin ang mga sugat ni Jaoquin sa kamay nito at sa kaunting galos na nasa kanyang leegan.
“Tunay ang pagmamahalan ni Laura at Señior Jaoquin.” wika ni Valentin sa kanyang isipan at niyukom ang mga kamaong may hawak ng panyo ni Laura. Ang huling panyong matatanggap niya mula sa kaibigan. Tatlong araw pa naman silang naghanap sa kaibigang hindi nila batid kung saan hahanapin.
“Marahil ay masaya na ngayon si Corazon sa sinapit ni Laura. Malamang ay magpapapiging siya.” sunod pa niyang wika gamit ang galit na mga mata.
******
Isang linggong hindi matahimik ang bayan ng San Antonio Labrador. Dalawang dalaga na ang nakabistidang puti na natagpuang patay sa ilalim ng tulay ng Pasyon. Ang mga kriminal ay walang pinipili kung kaya’t sa tuwing sasapit ang alas singko ng hapon ay wala nang masyadong tao sa bayan.
“Nais ko sanang lumabas Marites. Maaari mo ba akong tulungan?” panghihingi ng pabor ni Rasilita.
“Subalit madilim na Señorita at saan ka naman tutungo sa ganitong oras?” ang mga mata ni Marites ay lubos na nag-aalala.
“Bigyan mo lamang ako ng isang oras at babalik ako rito. Hindi ako nakapunta sa burol ni Laura kung kaya’t ako’y magtutungo sa kanyang puntod.”
“Ngunit hindi mo ba maaaring ipagpabukas iyan Señorita, ako’y lubos na mag-aalala kung ikaw lamang mag-isa ang tutungo sa puntod ni Binibining Laura.”
“May kasama naman ako Marites.” nagtatanong ang mga mata ng kanyang kinakausap kaya napangiti siya. Kailangan niyang magsinungaling upang ito ay maniwala.
“Si Francisco ang magbabantay sa akin kaya huwag kang mag-aalala.” kahit hindi man masyadong kumbinsido si Marites ay wala siyang nagawa. Naiwan siya sa kuwarto ng kanyang Binibini at magpapangap na siya kung may pumasok man.
Isang oras ang lumipas subalit walang ni anino ni Rasilita ang nagpakita. Mahimbing na nakahiga sa sahig si Marites na walang kaalam alam sa nangyayari.
“Nasaan si Rasilita? Nasaan ang aking nag-iisang anak?!” umalingawngaw ang sigaw ng galit na galit na si Don Hernan sa mansion ng dela Concepcion. Makikita sa isang bukas na bintana mula sa labas ang nakahandusay na walang malay na si Marites bagama’t ito ang sumalo sa lahat ng responsibilidad sa pagkawala ni Rasilita. Subalit saan siya nagpunta? Totoo bang kasama niya si Juan sa gabing iyon na hindi masasabi ni Marites bagama’t takot siyang sumiklab ang hidwaan ng dalawang pamilya.
Maliban sa pamilya at utusan ng mga dela Concepcion ay walang nakakaalam sa pagkawala nito. Ayaw nilang maging tampulan ito ng sabi-sabi at natatakot sila sa kung ano man ang mangyari sa kanilang anak. Ang sinumang magkamaling magsalita ay di na kailanman makakapagsalita pa, iyon ang bilin ni Don Hernan.
******
Sa ilalim ng malagong tubuhan ng hacienda de San Antonio nakita si Corazon matapos mawala ng tatlong araw. Magulo ang buhok, nakabistida ng puti at walang diwa.
BINABASA MO ANG
CoRaZon
Historical FictionDadalhin tayo ng kwentong ito sa panahon ng mga Kastila sa mga iilang taon bago maisakatuparan ang Maura Law na ibig baguhin ang mga karapatan ng mga Principalia kung saan makikilala ang isang tinuringang baliw na si Corazon sa bayan ng San Antonio...