KABANATA 38

9 2 0
                                    

“Iyong agad ipakalat Binibining Amanda ang iyong naisip. Mamayang hapon ay lalabas ako bilang isang baliw na Corazon.” nanlaki ang mga mata ng mga de San Antonio sa tapang na ipinakita ng nag-iisang naiwang tunay na dela Concepcion.

Napangiti si Amanda na para bang nag-iisa ang isipan nila ni Corazon.

“Bagama’t tunay ka namang baliw.” wika ni Amanda bago niya utusan ang mga utusan na ipakalat ang balita.


Sa umaga ding iyon,  imbes na ang pagpapalit ng Gobernaborcillo ang usap-usapan sa bayan  ay ang pagkabaliw ni Corazon dahil sa mga de Labrador. Ibinigay ng mga mamamayan ang kanilang taos pusong pagkaawa sa nag-iisang tunay na dela Concepcion sa kanilang bayan.

Maging ang Tiyo ni Corazon ay hindi nagsalita sa pagkawala ng kanyang anak na si Anita. Ano pa nga ba ang kanyang aasahan? May nakakitang ang guwardiya ng Gobernadorcillo ang dumukot dito.

“Ang mga de Labrador ang pumatay kay Don Hernan?!” gulat na sigaw ng isang babae sa sakahan.

“Kung kaya nagpakamatay si Doña Felita dahil hindi nakayanan ang pagkawala nang kanyang asawa!” tugon naman nang isa pang magsasaka.

“Sumunod naman ang pagkawala nang kanilang pamangkin na si Binibining Anita na hanggang ngayon ay hindi pa matukoy kung nasaan.” mahinang wika ng isa pang magsasakang nagtatanim ng palay.

“Kung ako lang din naman ay mababaliw dahil sa sinapit ng aking pamilya.” napatingin ang babaeng magsasaka sa bughaw na kalangitan.

“Makapangyarihang pamilya subalit mahina ang mga membro. Kawawang mga dela Concepcion.” dagdag niya pa at nang maibalik ang tingin sa kalsadang maliit ay nakita ang isang Binibining nagtatago sa damuhan sa di kalayuan.

Nanlaki ang kanyang mga mata sapagkat gulanit ang damit nito at hindi maipinta ang mukha. Buhaghag ang buhok na tila yata sinabunutan ng pitong engkanto. Nanlalaki at nanlilisik ang mga mata na tila yata nawalan na nang kaluluwa. Habang nakangiti ang mga mapuputlang labi na tila yata nawalan na ng katinuan sa buhay at bitbit nito ang isang bukag (basket) na may lamang mga lumang papel at libro.

“SI BINIBINING CORAZON!” sigaw ng lalaking magsasaka ng makita si Corazon na siyang agad naman nilang nilapitan.

Ang bawat paghakbang nila ay siyang bawat pagluhod ni Corazon sa lupa at nagmamakaawa.

“Huwag niyo po akong patayin. Huwag! Huwag!” umiiyak ito habang ang noo ay nakatapat sa lupa. Napahinto ang mga magsasaka sa kanilang nakita.

“HAHAHAHAHHAHAHAHAHAHA, ANO ANG TINATAYO TAYO NINYO DIYAN! IPAGPATULOY ANG PAGSASAKA KUNDI….” napatingin siya sa paligid na tila yata may hinahanap. Inilagay ang kamay sa bibig na para bang bubulong.

“Papatayin kayo ni Don Lucio…” agad tumakbo ang nakapaang si Corazon habang dala dala ang bukag na iyon. Walang nagawa ang mga magsasaka kundi ang hayaan ang nababaliw na dela Concepcion.

Nakalayo na si Corazon na kanina pa iniinda ang sakit sa kanyang paa. May matatalim ding bato siyang naapakan kanina kung kaya nasugat-sugatan ang kanyang talampakan. Kailangan niya itong gawin upang magawa ni Don Ignacio ang kanilang balak.

“Kawawang bata..” iyon lamang ang kanyang narinig sa mga magsasaka. Wala rin naman itong maitutulong sa Binibining tinakasan ng katinuan.

“Ngayo’y sa palengke ang ating tutunguhin Coreng.” wika ni Rasilita sa pagkakabigkas ni Corazon. Ngayong baliw naman sila ay magbibigkas ang lahat gamit ang bibig niya.

“Mas mabuti na ring baliw tayo upang hindi kami mahirapang magtago sa iyong isipan.” wika naman ni Constantina na bigla lamang sumulpot sa kung saan.

CoRaZonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon